Ang kasal ay isa sa mga okasyon na pinaghahandaan ng mabuti at matagal. Hindi ito basta-basta kaya naman inaabot ng ilang buwan o isang taon ang preparasyon nito. Importante sa marami na magkaroon ng maganda at maayos na kasal sapagkat isa itong magandang alaala na babalik-balikan.

Sino ang mag-aakala na ang kasal pala ay pwedeng biglaan? Walang preparasyon na naganap at maski bisita ay wala, tanging kayong dalawa lamang ng iyong kasintahan. Katulad na lamang ng magkasintahang ito na instant wedding ang naganap na kinagulat at kinaaliwan ng maraming netizens.

Credit: TikTok / @holaleej

Isang post ang nag-viral sa TikTok kung saan ibinahagi ng bride na si LJ ang instant wedding na naganap. Ayon sa kanyang post ay magtatanong lamang dapat sila ng kanyang kasintahan kung anong mga requirements ang kailangan para sa kasal. Subalit paglabas nila ng munisipyo ay kasal na sila, ang pagtatanong ay nauwi sa isang instant wedding.

“Yung magtatanong lang dapat kayo ng requirements para sa kasal pero ang ending Mr & Mrs na kayo paglabas ng City Hall,” saad ni LJ sa caption ng kanyang post.

Credit: TikTok / @holaleej

Makikita sa mga larawan na kanyang ibinahagi na biglaan talaga ang nangyari at hindi nila ito pinlano. Kung titingnan ay pareho pa silang nakasuot lamang ng pambahay na damit at walang ayos. Hindi man lang ito idinaos sa isang simbahan, walang mga bisita, walang wedding gown at walang reception. Tanging sila lamang ang nandoon at ang judge na nag-officiate ng kanilang kasal.

Hindi rin umano makapaniwala si LJ sa nangyari, hindi niya inaasahan na ganong klase ng kasal ang kanyang mararanasan. Malayo man sa kasal na pinapangarap ng marami ay hindi umano siya nagsisisi sa biglaan at simpleng kasal nila, at hindi niya umano ito ipagpapalit sa kahit ano.

Credit: TikTok / @holaleej

Sobrang epic pero hindi ko ito ipagpapalit sa kahit ano!!!” saad ni LJ.

“This may not be idea to all but this is something we both wanted. We both agreed to this kind of set up and we don’t regret any of bit of it,” komento niya sa kanyang post.

Wala umanong pagpikot na nangyari at pareho nilang kagustuhan ng kanyang kasintahan ang magpakasal noong oras na iyon. Biglaan man ang kasal, hindi naman biglaan ang kanilang desisyon dahil noon pa man ay matagal na nilang gustong magpakasal kaya nga sila pumuntang munisipyo para magtanong ng requirements.

Credit: TikTok / @holaleej

“Yung kagustuhan po namin magpakasal is not something we decided overnight. Matagal na po namin ito gusto kaya nung may chance, nag-go na kami!” dagdag pa ni LJ.

Sa kasalukuyan, ang post niyang ito sa TikTok ay umani na ng 200.6k hearts at 15.8k shares. Hindi rin napigilan ng mga netizens na magkomento at magpaabot ng pabati para sa bagong kasal na umabot na ng mahigit 15k.

“Congratulations to both of you! Sana kahit biglaan ang kasal ay huwag naman biglaan ang hiwalayan. Stay strong and build a happy family.

“Haha aliw. Ang cute na biglaan yung kasal hindi ka talaga makakaangal.”

“LF: Kasamang magtanong!”

Credit: TikTok / @holaleej

“Ganito dream wedding ko walang checheburehe, congrats!”

“Mas maganda yang biglaan kesa yung milyon-milyon ginastos sa kasal after few months hiwalay naman.

“Ok nga yan e, di na kayo napagod magprepare, nakakastress kaya mag-ayos ng kasal tapos magastos pa.

Patunay ang magkasintahang ito na hindi basehan ang engrandeng kasal sa pagmamahalan ng dalawang tao. Hindi importante kung bongga man ang isang kasal, dahil mas importante ang taong iyong pakakasalan at sasabihan ng salitang ‘I Do’.


Leave a Reply

Discover more from newsthrilla

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading