21 Gulang na Binata, Kumikita 10K Kada Buwan sa Pag-aalaga ng mga Kambing

Karaniwan sa mga nag-aalaga ng hayop pambukid tulad ng kalabaw, kambing at baka ay mga matatanda. Hindi biro ang pagpapalaki at pag-aalaga sa mga hayop sa bukid kaya naman wala masyadong interes dito ang mga kabataan. Ngunit isang binata na 21 taong gulang ang nagpahanga sa mga netizens matapos nitong ipakita na posible palang kumita ang tulad niyang bata pa lang sa pag-aalaga ng mga kambing.

Credit: YouTube / OG

Si Jomary Nuqui ay isang goat raiser mula sa Concepcion, Tarlac. Sa edad na 21 taong gulang ay kumikita na siya ng 10,000 pesos kada buwan sa pag-aalaga lang ng mga kambing. Masikap niyang pinapalaki, inaalagaan at pinaparami ang kanyang mga alagang kambing at saka niya ito ibebenta.

Ayon kay Jomary, nagsimula ang kanyang pag-aalaga ng kambing nang magsimula ang lockdown dahil sa pandemya. Nawalan umano ng source of income ang kanyang pamilya kaya naisipan niyang mag-alaga ng mga kambing at gawin itong negosyo. Nagkaroon siya ng interes sa pag-aalaga ng mga kambing dahil ito ang kanyang inaaral na kurso sa kolehiyo.

Credit: YouTube / OG

Si Jomary ay kasalukuyang nag-aaral ng kursong BS Agricultural Major in Animal Science. Ang kaalaman niya sa kursong kinuha ay ginamit niya sa pag-aalaga ng kambing na kalaunan nga ay lumago at naging matagumpay. Inamin ni Jomari na hindi ito naging madali sa una dahil hindi pa sapat ang kanyang kaalaman ngunit dahil sa determinasyon niya ay naging madali na ang pag-aalaga at pagpaparami ng mga kambing kalaunan.

Pagbabahagi niya, nagsimula lamang siya sa puhunan na 11,500 pesos na ipinambili niya ng tatlong pirasong kambing. Ang kanyang puhunan ay nagmula sa kanyang sariling ipon, dahil bata pa lamang ay pala-ipon na umano siya. Hindi nagtagal, makalipas ang dalawang taon ang dating tatlong pirasong kambing ay naging 60 piraso na at may total investment na 80,000 pesos.

Credit: YouTube / OG

Kumikita siya ng 10,000 pesos kada buwan o mas higit pa sa pamamagitan ng pagbi-breed ng mga kambing at pagbebenta ng karne nito. Hindi basta-basta ang ginagawa ni Jomary dahil kailangan ng matinding atensyon at pag-aalaga upang lumaki ng maayos at malusog ang mga kambing. Hindi dapat sila magkasakit at kung magkakasakit man ay dapat bigyang lunas agad kaya palagi siyang nag-aaral tungkol sa mga kambing upang alam niya ang dapat gawin sa mga ito.

Credit: YouTube / OG

Kasama sa kanyang pag-aalaga ay ang pagpapastol sa mga kambing. Pinapakawalan niya ang mga ito sa malawak na bukirin upang makapaglakad at makakain ng damo. Maaga siyang gumigising araw-araw upang pakawalan sila ng 9 am to 10 am, at sa tanghali naman ay 12 noon hanggang 1 pm at ibinabalik niya ito ng ala-singko ng hapon sa kulungan.

Masaya naman si Jomari dahil suportado siya ng kanyang mga magulang sa kanyang ginagawa. Malaki umano ang naitutulong ng mga kambing sa kanilang pamilya at sa pang-araw-araw nilang kailangan. Kung hindi dahil sa mga kambing ay maaaring wala na silang makain at tuluyang naghirap dahil sa pandemya.

Credit: YouTube / OG

Payo ni Jomary upang magtagumpay sa ginagawa ay dapat matutunan itong mahalin. Hindi laging madali ang mga bagay kaya dapat magtiis at mag-sakripisyo upang hindi masayang ang nilaan na oras at pera, at umani ng maganda kalaunan.

Mayroon namang YouTube channel si Jomary na ‘AgriZbo Channel’ na ang ibig sabihin ay Agresibong Agrikultural ng Henerasyong Z kung saan ay ipinapakita niya ang tamang pag-aalaga ng mga kambing at nagtuturo siya kung paano ito gawing negosyo.


Discover more from newsthrilla

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading