Pagpanaw ng Alagang Manok na si “Chichi”, Nagpaluha sa Pamilya Nito at mga Netizens

Kapag sinabing “pet”, ang unang pumapasok sa ating isipan ay aso at pusa, ngunit sino ang mag-aakala na ang manok na itinuturing na pansabong lamang ay pwede pa lang gawing alaga? Bukod sa pagiging alaga ay itinuring din itong kaibigan at pamilya ng babaeng ito sa loob ng sampung taon.

Si Marielle Custodio na mula sa Cavite ay may alagang manok. Ang manok niya ay kulay puti at may kulay pulang palong ay inalagaan niya ng sampung taon at kasama sa lahat ng yugto ng kanyang buhay. Si “Chichi” ay hindi lang basta manok kundi matalik niyang kaibigan at pamilya.

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Ayon kay Marielle, nakuha niya si Chichi noong taong 2011 sa isang fiesta at simula noon ay naging parte na ito ng kanyang buhay. Imbes na ibenta o lutuin ang manok ay ginawa niya itong alaga na para bang isang aso o pusa. Ito ang kasama niya sa lahat ng masaya at malungkot na pangyayari sa kanyang buhay—mula sa pag-aaral ng kolehiyo hanggang sa makapagtapos at makapagtrabaho siya ay si Chichi ang nandyan para sa kanya.

“Yung relasyon ko kay Chichi, was more like a best friend rather than a pet. Pag may problema ako, weird man pakinggan, pero shine-share ko sa kanya. Super mahalaga yan sakin eh. Kalahati ng buhay ko kasama ko yan,” saad ni Marielle.

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Napaka-espesyal ni Chichi sa kanyang buhay at binigyan niya pa ito ng kaarawan at ipinagdidiwang nila ito taon-taon na may kasamang handa pa. Ngunit ngayong taon ay hindi na muling maipagdiriwang ni Marielle ang kaarawan ni Chichi dahil sa kasamaang palad ay pumanaw na ito.

Nagkasakit umano si Chichi noong buwan ng Nobyembre 2021 dulot na rin siguro ng katandaan. Ang buhay kasi ng isang manok ay tumatagal lamang ng lima hanggang sampung taon kaya naman ito siguro ang naging dahilan ng pagkakasakit ni Chichi at tuluyang pagpanaw. Sinubukan pa umanong iligtas ni Marielle ang alagang manok, nagtanong siya sa mga taong nag-aalaga ng manok at dinala pa ito sa veterinarian.

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Nitong Pebrero 23 ay hindi na kinaya ni Chichi at tuluyan na nga itong namaalam. Labis ang lungkot ni Marielle na nagpaiyak pa sa kanya, masakit ito sa kanya dahil hindi lang basta manok si Chichi kundi kanyang matalik na kaibigan at pamilya. Hindi niya lubos maisip na gigising sya sa umaga na hindi na maririnig ang tilaok nito, at hindi na ito makikita sa kanilang kusina na naghihintay ng pagkain.

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Sa kalungkutan ni Marielle, hindi niya napigilang magbalik-tanaw sa kung anong klaseng alaga ito sa kanya. Si Chichi daw ay isang matalinong manok, para rin itong aso na nagagalit kapag may taong pumapasok sa kanilang bahay na hindi niya kilala. Tumitilaok ito at nananakot na manuka upang ipakitang pinoprotektahan nya si Marielle. Alam din umano nito ang tamang oras ng pagkain dahil pagsapit ng alas dose ay kusa na itong pumupunta sa kusina nila upang makakain.

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Dagdag pa ni Marielle, “Pag may nag-aaway, sumisigaw yan parang gusto niyang pigilan yung nag-aaway. Pag nakarinig yan ng tunog plastic, humahaba ang leeg nya kasi alam niyang may kumakain. Gustong gusto awayin ni Chichi yung tsinelas, hindi ko alam kung bakit, hahahaha!”

“Condolence po Ate, for sure nasa mabuting kalagayan na si Chichi.”

“Obvious talaga na mahal na mahal niya ung manok, hindi kasi lahat tinuturing na pet yan e.”

Credit: Facebook / Marielle Custodio

“Nakakalungkot naman, nawalan din ako ng alaga kaya alam ko yung feeling. Kahit manok pa yan basta binigyan mo ng pagmamahal at nakasama ng matagal masakit talaga pag namatay sila.”

“For sure malaki ang pasasalamat ni Chichi sayo kasi di mo siya pinangsabong o inulam. Maswerte siya na ikaw ang naging amo niya.”

“Bili ka na lang po ulit ng bagong manok, for sure ayaw ng manok mo na forever kang malungkot dahil sa pagkamatay niya.”

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Mamimiss umano ni Marielle ang kanyang alagang manok, hangad niya na sana ay mabuti ang kalagayan nito kasama ang Panginoon. Mahirap man para sa kanya na nawala ang mahal na alaga, pinangako niyang hindi ito kakalimutan at palaging aalalahanin.

“Chichi… mamimiss ko ang mga yakap mo, ang amoy mo, ang presensya mo, ang boses mo… miss na miss na kita ngayon palang. Alam ko na mas maaalagaan ka ni Lord jan, mas sobra pa sa nagawa ko para sayo. Wait mo ako jan ha? I love you so much, Chichi.”

Credit: Facebook / Marielle Custodio

Patunay si Marielle na wala sa klase ng alagang hayop nababase ang pagmamahal. Aso, pusa o manok man yan dapat silang mahalin at ituring na kaibigan at pamilya. Ang manok ay hindi lang basta pansabong o pang-ulam, maaari rin silang magbigay ng pagmamahal sa tao katulad ng pagmamahal na kayang ibigay ng ibang alagang hayop.


Discover more from newsthrilla

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading