Pagdating sa mga kaarawan, ang magulang ang madalas na magbigay ng regalo sa kanilang mga anak. Ipinaghahanda nila ito at nireregaluhan ng gusto nilang laruan. Hindi inaasahan ng mga magulang na mabigyan sila ng regalo ng kanilang anak, lalo na kung mga bata pa ito. Ang simpleng pagbati ng ‘Happy Birthday’ ay sapat na sa kanila, ngunit iba ang dalawang batang ito na nakakatuwang niregaluhan ang kanilang ina sa kanyang kaarawan.

Ibinahagi ng netizen na si Sarah Alexandrea Daculap ang nakakaantig na tagpo sa kanyang ukayan. Ayon sa kanya, may dalawang bata na pumasok sa kanyang ukay-ukay store at tumitingin ng mga damit. Hindi karaniwan na may batang tumitingin ng mga ukay-ukay na damit dahil madalas ay matatanda ang kanyang customers kaya hindi naiwasan ni Sarah na magtaka.
Napansin niya na tila may partikular na hinahanap ang dalawang bata sa mga paninda niyang ukay-ukay. May katagalan na silang tumitingin ng mga damit ngunit wala pa rin silang napipili kahit isa kaya naman napag-desisyunan niya na lapitan ang ito at tanungin.

Nilapitan ni Sarah ang mga bata at tinanong kung anong hinahanap nila at baka makatulong siya. Ikinagulat niya nang malaman na dress (bestida) pala ang hinahanap ng mga bata at para ito sa kanilang ina na may kaarawan noong araw na iyon. Agad na naantig ang damdamin ni Sarah sa mga bata kaya naman tinulungan niya ito sa paghahanap ng magandang bestida para sa kanilang ina.
“Para po sa mama namin! Birthday niya po kasi ngayon,” saad ng mga bata.

Ang pera ng mga bata ay halagang 100 pesos lamang dahil ito lang daw ang perang nakayanan nilang maipon. Gayunpaman ay matiyaga silang tinulungan ni Sarah na maghanap ng magandang bestida sa halagang 100. Labis ang tuwa ni Sarah sa mga bata at naisip niyang napakaswerte ng magulang ng mga ito.
“Nakakatuwa! Apaka sweet na mga anak,” saad ni Sarah.

Hindi lahat ng bata ay naiisip na regaluhan ang kanilang magulang sa tuwing kaarawan nila. Nakakaantig ng puso na ang dalawang bata na ito ay nag-ipon pa ng pera para lang mabilhan ng regalo ang kanilang inang may kaarawan. Kahit simple at galing sa ukay, mas importante naman kung sino ang nagbigay at intensyon, ika nga ay “it’s the thought that counts.“

Marami ring netizens ang pumuri sa dalawang bata dahil sa kanilang pagiging maaalalahanin at pagpapakita ng pagmamahal sa ina. Makikitang napalaki sila ng maayos ng kanilang magulang para maisip pang mag-ipon at bumili ng regalo.
“Ang sweet ng mga batang ito, napakaswerte ng Mama nyo sa inyo.”
“Kung anak ko kayo at binigyan nyo ako ng regalo kahit luma pa yan matutuwa talaga ako.”
“Nakakaproud na mga bata, such sweet souls.”
“Kapag talaga pinalaki mo ng maayos at may pagmamahahal ang anak mo, ibabalik din nila ang pagmamahal na yon sayo.”
“Ang cute naman ng mga batang yan, nakaka-touch.”

Ang mga batang ito ang patunay na wala sa presyo ng regalo ang magsasabi ng pagmamahal nila sa kanilang ina. Ang simpleng ukay-ukay na bestida na kanilang regalo ay higit pa sa kanilang pagmamahal bilang mga anak. Nakakatuwa isipin ang kayang gawin ng mga bata para sa kanilang magulang masuklian lang ang pag-aalaga at pagmamahal sa kanila, kahit hindi naman ito hinihingi.