Babaeng Nagtagumpay sa Pag-uukay, Napaayos ang Bahay at Nakabili ng Sariling Delivery Van

Ang pag-uukay-ukay ay normal na sa kulturang Pilipino ngunit mas naging malago ito noong dumating ang pandemya. Madaming Pilipino ang sumabak sa pagtitinda ng ukay-ukay at ang ilan nga sa kanila ay matagumpay na napalago ito at ngayon ay kumikita na ng malaki.

Kilalanin si Rachel Lucanas, college graduate ng kursong Elementary Education sa Bulacan Agricultural State College at kasalukuyan ring kumukuha ng kursong Business Administration sa University Of Batangas. Sa kabila ng pagiging isang college graduate ay mas pinili nga ni Rachel na mag-negosyo ng ukay-ukay kaysa ang maging isang guro o pumasok sa isang kumpanya. Dahil dito may ilang humusga sa kanyang naging desisyon na hindi naman pinansin ni Rachel at pinagpatuloy lang ang kanyang pangarap.

Credit: Facebook / Rachel Lucanas

“College graduate ka naman, bakit mas pinili mo magtinda ng ukay?” isa lamang yan sa mga pangkukwestiyon at panghuhusga na naririnig niya mula sa mga tao.

Ang panghuhusga ng mga tao sa pinili niyang karera ay ginawa niyang motibasyon para ipakita na kaya niyang magtagumpay kahit hindi niya sinunod ang kursong natapos niya. Nagsumikap si Rachel sa pagtitinda ng ukay hanggang sa ito ay tuluyang lumago na naging dahilan upang mapaayos niya ang kanilang bahay at makapagpundar ng sarili niyang delivery van.

Credit: Facebook / Rachel Lucanas

Sa una daw ay hindi naging madali kay Rachel ang pagtitinda ng ukay, lalo na at wala siyang karanasan dito at malayo ito sa kanyang natapos na kurso. Bukod pa dun ay marami na ring ukay-ukay na negosyo ngunit hindi siya pinanghinaan ng loob at pinagpatuloy lang ang kanyang pangarap.

Nakakamanghang isipin na nagsimula lamang siya na magbenta ng isang bultong damit na ukay-ukay sa online selling kung saan siya rin ang modelo ng kanyang mga damit na ibinebenta. Hanggang sa hindi niya namalayan na naubos niya na ito, kaya naman bumili pa sya ng dalawang bulto ng ukay. At sa katagalan nga ay ito na ang lagi niyang ginagawa, ang isang bulto ay naging dalawa, at ang dalawang bulto ay dumami na ng dumami hanggang sa naging distributor na siya ng mga ukay-ukay sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas.

Credit: Facebook / Rachel Lucanas

Masaya rin si Rachel dahil bukod sa delivery van ay mayroon narin siyang sarili niyang warehouse ng ukay-ukay. Dati daw ay nakalagay lamang ang mga ukay-ukay na damit sa kanilang garahe kung saan ay masikip, ngunit ngayon dahil isa na siyang distributor ay ang dating garahe lamang ay isa ng warehouse na maluwag at malaki ang pinaglalagyan niya ng kanyang ukay-ukay.

Ang tagumpay ni Rachel ay ibinahagi niya rin sa kanyang pamilya at ibang tao, kung saan nga ay proud siyang nakakatulong sa pamilya at napaayos ang kanilang bahay. Bukod pa diyan, proud din siya na nakapagbigay siya ng trabaho sa ibang tao, dahil nga malaki na ang kanyang negosyo ay kinailangan niya ng kumuha ng mga empleyado na tutulong sa kanyang ukay-ukay business.

Pinatunayan ni Rachel na hindi lang sa iisang direksyon makakamit ang tagumpay kundi may iba ring paraan. May mga pagkakataon talaga na hindi nasusunod ang iyong tinapos na kurso, at maaari kang sumubok ng ibang bagay sa iyong buhay. Lahat ay pwede mong subukan basta’t wag ka lang susuko at magpapa-apekto sa sinasabi ng iba ay siguradong makakamit mo ang iyong pangarap at magtatagumpay ka sa buhay.

Credit: Facebook / Rachel Lucanas

“Kung may pangarap ka, wag mong intindihin ang sasabiin ng iba. Dahil ikaw ang tutupad sa pangarap mo hindi sila,” payo ni Rachel.

Isang inspirasyon si Rachel sa maraming tao na huwag sumuko sa buhay at patuloy lamang na abutin ang iyong pangarap. Hindi importante kung hindi man nasunod ang una mong plano, kundi ang mas importante ay nagkaroon ka ng bagong plano at nagsumikap kang makamit at mapagtagumpayan ito.


3 responses to “Babaeng Nagtagumpay sa Pag-uukay, Napaayos ang Bahay at Nakabili ng Sariling Delivery Van”

  1. Angelo macawili Avatar
    Angelo macawili

    Congrats lodi

  2. Js jet Sabugal Avatar
    Js jet Sabugal

    So proud o you

  3. Mariel Medrano Pullan Avatar
    Mariel Medrano Pullan

    God bless you ma’am.. ako rin agriculture graduate pero full time mom sa dalawang anak sana makapag negosyu manlang ako kahit paapaaano.

Leave a Reply

%d bloggers like this: