Ang pagpapatayo ng sariling bahay ay hindi madali dahil malaki ang kakailanganing pera upang magawa ito. Mas lalong hindi madali ang pagpapatayo nito kung ikaw ay may mga anak na binubuhay at single parent pa na mag-isang tinataguyod ang pamilya at mga pang-araw-araw na gastusin.
Ngunit isang nakakabilib na single mother ang nagpatunay na posibleng makapagpatayo ng sariling bahay basta’t may sipag at tiyaga. Si Wendee Arriesgado ay nagmula sa Cebu at may tatlong anak. Mag-isa niyang pinagsasabay ang pagiging ina at pagtatrabaho. Pinatunayan niya na kaya niyang makapagpatayo ng sariling bahay nila ng kanyang mga anak.

Hindi lang basta simpleng bahay ang kanyang naipatayo kundi isang konkretong 2-storey house. Ito ay dream house ni Wendee at ng kanyang mga anak, at noon pa man ay pangarap na talaga niyang maisakatuparan ang kanyang pangarap na bahay. Hindi naman nabigo si Wendee dahil nagsumikap siyang magtrabaho at mag-ipon ng mabuti kaya nagbunga ang kanyang paghihirap.
Ayon kay Wendee, lumipat sila ng kanyang mga anak sa kanilang probinsya sa Bantayan, Cebu. Mayroong lupang pang-araro ang kanyang mga magulang at doon niya naisipang itayo ang kanyang dream house kasama ang mga anak.

Hindi naging madali ang pagpapatayo niya ng kanilang dream house dahil hindi sapat ang kanyang ipon upang matupad ito. Nagsimula umano siya sa halagang Php 200,000 ngunit nahinto ang pagpapatayo ng bahay dahil hindi sapat ang halagang ito upang matapos ang kanyang dream house.
Noong nahinto ang pagpapagawa ng kanilang dream house, nagsumikap si Wendee sa kanyang trabaho. Todo-kayod umano siya sa pagkuha ng ibat-ibang projects upang mas lalong makaipon. Hindi rin niya naiwasan na mag-overtime ng ilang beses sa trabaho upang mas lalo pang kumita. Walang ibang inisip si Wendee kundi kailangan niyang magtrabaho upang siya ay makaipon at tuluyan ng matapos ang dream house nila ng kanyang mga anak.

Nagsimula ulit ang pagpapatayo ng dream house nila nang may sapat na ulit siyang ipon. Ang kanyang nagastos sa bahay ay umabot ng Php 700,000. Hindi pa ito lubos na tapos ngunit konti na lamang ay matatapos na. Saad ni Wendee, maaari na nila itong lipatan ng kanyang mga anak sa buwan ng Disyembre kung saan ay ipagdidiwang nila ang unang Pasko sa kanilang dream house.
Kwento ni Wendee worth it ang kanyang pagsusumikap sa trabaho at mga panahon na siya ay nag-o-overtime. Dahil ngayon, nakikita na niya at ng kanyang mga anak ang bunga ng kanyang pagsusumikap. Proud umano siya sa kanyang sarili dahil sa kabila ng pagiging single mom niya ay nabigyan niya na ng maayos at magandang bahay ang kanyang pamilya.

Payo niya sa mga netizens na nangangarap rin na makapagpatayo ng kanilang dream house ay magsumikap lamang. Huwag gumastos sa mga hindi importanteng bagay at mag-focus lamang sa pag-iipon. Gawin umanong daily habit ang pag-iipon upang makamtan ang pangarap na bahay.
Importante rin umano sa pagpapatayo ng pangarap na bahay ay maging tutok dito at huwag lang basta iaasa sa ibang tao. Magplano ng mabuti upang mas maging sulit ang gagastusin sa pagpapatayo at maging maganda ang resulta ng bahay. At syempre, hindi daw magiging posible ang lahat kung walang pagsususumikap at disiplina sa pag-iipon.

Masayang-masaya naman ang mga anak ni Wendee sa bago nilang bahay. Bukod sa bago, ito rin ay maganda at malaki. Alam daw nilang pinaghirapan ito ng kanilang ina kaya’t malaki ang kanilang pasasalamat. Tila isang malaking regalo para sa pamilya ni Wendee ang bahay nila ngayong darating na Pasko. Wala ng sasaya pa sa kanilang pamilya dahil sa wakas ay may sarili na silang tahanan na matagal na nilang pinangarap.
Isang inspirasyon at magandang halimbawa si Wendee para sa lahat na basta’t may pagsusumikap at tiyaga ay makakamtan ang pangarap. Maging disiplinado at matalino sa pera upang hindi masayang ang pinaghirapan at mapasaya ang pamilya.