Ang pag-aaral ay isang importanteng bagay na pinapahalagahan ng marami sa atin, lalo na sa mga mahihirap dahil ito ay magsisilbing daan upang guminhawa ang buhay. Kahit sino ay maaaring makapag-aral, wala itong hinihinging estado o maski edad. Isa na diyan ang security guard na ito na hindi ginawang hadlang and estado ng buhay at kanyang edad upang makapag-aral at maabot ang kanyang pangarap.
Marami siguro sa atin ang mahihiya na bumalik sa pag-aaral kung may edad at pamilya na. Mas pipiliin ng marami na magtrabaho na lamang dahil sa tingin nila, huli ng mag-aral pa kung matanda na. Ngunit para sa security guard na ito, walang salitang hiya o edad sa pag-aaral, kaya naman lakas loob siyang bumalik sa pag-aaral at nagsumikap na makapagtapos.

Si Erwin Macau ay dating security guard at ngayon ay matagumpay nang naabot ang kanyang pangarap bilang isang guro. Si Erwin ay isang security guard noon sa St. Theresa’s College sa Cebu City, 37-anyos at may sarili ng pamilya. Maayos niya namang naitataguyod ang pamilya sa kanyang trabaho, ngunit alam ni Erwin na may kulang at may gusto pa siyang maabot bukod sa pagiging isang security guard.
Pangarap ni Erwin na makapag-aral ng kolehiyo at makapagtapos ngunit dahil sa hirap ng buhay noon ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Bilang isang security guard sa isang paaralan, palagi niyang nakikita ang mga estudyante at palagi ring naiisip ang pangarap niya.
Napagdesisyunan ni Erwin na pumasok sa kolehiyong kanyang pinagtatrabahuan at kumuha siya ng kursong Education. Hindi naman tumutol ang kanyang misis sa kanyang naging desisyon dahil alam nitong pangarap ito ng asawa. Imbes na tumutol ay sinuportahan si Erwin ng kanyang asawa at inintindi ang kanyang desisyon. Isa daw ito sa mga dahilan kung bakit mas lalo siyang nagsumikap sa pag-aaral dahil ayaw niyang biguin ang kanyang asawa at anak.

Habang nagtatrabaho bilang security guard ay pinagsasabay ni Erwin ang pag-aaral ng kolehiyo. Hindi ito naging madali dahil mahirap pagsabayin ang pagtatrabaho, pag-aaral at responsibilidad niya bilang asawa at ama. Subalit palagi niyang isinasaisip na para ito sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. Ang paghihirap niya ay masusuklian rin ng tagumpay basta’t magpatuloy lamang siya sa pagsusumikap at pagtitiyaga.
Hindi naman siya nabigo dahil matapos ang apat na taon na pagsusumikap na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral ay sa wakas nakapagtapos na siya. Hindi lang siya basta nakapagtapos, kundi nagkaroon din siya ng parangal bilang ‘Cum Laude’. Ito ay isang mataas na karangalan na talaga namang kahanga-hanga lalo na sa katulad ni Erwin.

Sino nga naman ang mag-aakala na ang isang simpleng security guard ay makakapagtapos sa kolehiyo bilang isang Cum Laude pa. Patunay lamang ito na basta’t may tiyaga, may nilaga. Ipinakita rin ni Erwin na hindi hadlang ang edad upang makapag-aral ulit, dahil ang edukasyon ay bukas sa kahit anong edad, mapabata man o kahit matanda na.
Maaalala na si Erwin Macau ay lumabas sa isang commercial ng kape. Pinahayag niya na kahit mahirap ang kanyang sitwasyon na pagsabayin ang mga responsibilidad sa trabaho, pamilya at paaralan ay hindi siya sumuko. Sa halip ay ginawa niyang inspirasyon ang kanyang pamilya at pangarap upang parating bumangon sa buhay. Dahil sa ipinakitang pagsusumikap ni Erwin ay hingaan siya ng maraming netizens at nagbigay papuri.

“Congratulations! Poverty and age are not hindrances to reach the goal. With your dreams and believe in yourself, everything is possible.”
“Salute, Sir! May you achieve more in your life, such an inspiration.”
“Tama yan, wala naman talaga sa edad ang edukasyon kahit ugod-ugod na pwede pa ring mag-aral basta gugustuhin. Galing mo Sir, proud po ako sa mga katulad nyo.”
“Congrats po. Patunay po kayo na susi ang sipag at tiyaga para magtagumpay sa buhay. Laban lang ng laban at huwag hihinto maaabot rin ang pangarap.”
Sa kasalukuyan si Erwin ay ganap ng guro at nagtuturo siya ng asignaturang Araling Panlipunan at Work Education sa isang elementary school. Masaya siya ngayon sa kanyang bagong propesyon at proud na proud sa kanyang mga naabot. Malaki rin ang pasasalamat niya sa kanyang pamilya na laging nakasuporta sa kanya. Ang kanyang tagumpay ay para sa kanila at aasahang patuloy na magsususmikap.