Viral na Parking Boy Noon, Nabiyayaan ng Scholarship at Nakapagtapos na ng Elementarya Ngayon

Kay bilis nga naman ng panahon dahil kung naaalala nyo pa, mayroong isang bata ang nag-viral noong taong 2017 dahil sa kanyang ipinakitang katapatan. Makalipas ang ilang taon, siya ngayon ay matagumpay ng nakapagtapos sa elementarya.

Si Andrey Macabuhay ang batang lalaki na hinangaan ng mga netizens noong taong 2017-2018 dahil sa pagsasauli niya ng pera na nagkakahalaga ng 7,000 pesos sa may-ari nito. Isa siyang batang parking boy noon na tumutulong sa mga sasakyan na makapag-park ng maayos sa tulong ng pagbibigay ng senyas, at umaasa sa baryang iaabot sa kanya ng mga driver.

Credit: TV Patrol News

Ibinahagi noon ng netizen na si Dindo Lorenzo sa kanyang Facebook ang paghanga niya sa batang parking boy na si Andrey. Siya ang may-ari ng 7,000 pesos na napulot ng bata. Kumakain umano siya sa isang fast food restaurant noong naiwala niya ang kanyang pera, naisip niya noon na hindi niya na ito makikita pa dahil maraming tao at baka may kumuha na nito.

Laking tuwa umano ni Dindo na isang batang lalaki ang nakapulot nito at isinauli sa kanya. Napag-alaman niya na isa itong parking boy sa lugar at umaasa lamang sa kinikitang barya-barya upang may pangkain at may maiabot sa pamilya nito.

Credit: Facebook / Dindo Lorenzo

Masayang-masaya si Dindo noong panahon na iyon kaya’t ibinahagi niya sa kanyang Facebook ang nangyari na may kasamang papuri at pasasalamat para sa bata. Humanga umano siya dito dahil kahit halatang kapos sa buhay ay hindi ito natukso na kuhanin ang perang napulot. Kung tutuusin daw malaking halaga na ang 7,000 pesos para matukso ang isang tao na kunin ito lalo na kung walang nakakitang napulot niya ito.

Ngunit iba ang batang si Andrey, sa murang edad ay alam na nito ang tama at mali. Nagpamalas ito ng katapatan imbes na magsinungaling at magnakaw, na nagpahanga sa maraming netizens hindi lang kay Dindo.

Credit: TV Patrol News

Dahil sa katapatan ni Andrey, nakatanggap siya ng munting gantimpla mula kay Dindo. Ginawaran rin siya ng full scholarship hanggang kolehiyo ng Immaculate Concepcion Institution. Ang scholarship ay may kasamang libro, uniporme at allowance.

Labis daw na humanga ang paaralan ng Immaculate Concepcion sa katapatan ni Andrey kaya’t nararapat lamang sa kanya ang gantimpalan ng full scholarship. Ngayon nga, makalipas ang ilang taon ay nakapagtapos na siya sa elementarya at patuloy na mag-aaral hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo.

Malaki ang pasasalamat ni Andrey kay Mr. Dindo dahil naging tulay ito upang siya ay mabigyan ng scholarship at makapag-aral. Lubos rin ang kanyang pasasalamat sa Immaculate Concepcion Institution sa oportunidad na makapag-aral na ibinigay sa kanya. Kung kaya’t labis rin ang kanyang pagsusumikap at patuloy siyang magsususmikap upang mapatunayan na siya ay karapat-dapat at masuklian rin ang kabutihan na iginawad sa kanya.

Credit: Facebook / Neil Mateo

Isang patunay si Andrey na wala sa estado ng buhay ang katapatan. Mayaman man o mahirap ay kayang maging tapat basta’t huwag magpapatukso. Hindi rin hadlang ang pagiging bata upang makagawa ng mabuti, kahit anong edad ay kayang makagawa ng kabutihan at makatulong sa kapwa.

Isa rin siyang inspirasyon sa lahat ng kabataan na ang kabutihan ay ginagantimpalaan ng Diyos kaya’t piliing maging mabuting tao. Ang gantimpala ay gamitin rin sa mabuti bilang sukli rin sa kabutihan ng kapwa.


Leave a Reply

%d bloggers like this: