Ang pag-o-online shopping ay sumikat at naging isang normal na gawain simula ng pandemya. Dahil limitado na lang ang paglabas ng mga tao at takot sa Covid-19 ay pinipili na lang na mag-order online katulad sa Shopee. Ngunit paano kung may dumating na order at hindi ka naman nag-order, ano ang gagawin mo?
Dahil sa online shopping, nauso na rin ang scam kung saan may darating na order ngunit hindi mo naman inorder at mapipilitan kang magbayad. Ayan ang akala ng isang nanay noong may dumating na order mula sa Shopee at sinasabing kanya ito. Naalarma ang nanay dahil ang pagkakatanda niya ay wala namang siyang ino-order sa Shopee. Ngunit nang malaman na ito pala ay isang laruan at tiningnan niya sa kanyang cellphone, doon na nga nakumpirma na ito ay kagagawan ng kanyang 3 year old na anak.

Ang kanyang anak na si Nathan na tatlong taong gulang pa lang ay nagawang mag-order sa Shopee ng halagang 4,000 pesos na laruan. Ikinagulat ito ng nanay at ng buong pamilya dahil hindi nila lubos akalain na marunong pa lang umorder online ang bata, at walang kamalay-malay na ang inorder nitong laruang sasakyan ay nagkakahalaga nga ng 4,000 pesos.
Biglang naalala ng tiyuhin ni Nathan na nagpaalam umano itong o-order sa Shopee, subalit hindi nila ito pinansin dahil abala sila at ang kanyang nanay sa paglalagay ng pang-Paskong dekorasyon. Isa pa, bilang isang 3 year old, hindi naman nila lubos akalain na marunong itong umorder at ang akala nila ay simpleng naglalaro lang ito sa cellphone ng kanyang nanay.

Dumating ang delivery rider at may dalang isang malaking kahon. Ito nga ay naglalaman ng laruang sasakyan na inorder ng batang si Nathan sa Shopee. Noong una ay inakala talaga nilang scam ito, ngunit matapos ngang makumpirma ay wala na silang nagawa kundi bayaran ang inorder ng kanyang anak.
Nakiusap pa umano ang nanay ni Nathan na hindi niya na ito kukunin dahil masyadong malaki ang halagang 4,000 pesos at hindi niya naman alam ang ginawa ng kanyang anak. Ngunit nakiusap rin ang delivery rider na kunin na ito dahil nahirapan siyang ideliver ang laruan dahil sa laki at bigat ng laruang sasakyan.

Bilang isang responsableng nanay, tinanggap niya na lang ang laruang sasakyan at nagbayad ng halagang 4,000 pesos. Pagkakamali niya rin umano na hindi napansin ang ginawa ng anak, kaya’t marapat lamang na akuin ang ginawa nito. Hindi naman nila nagawang pagalitan ang anak dahil nakita nilang masaya ito sa inorder na laruang sasakyan. Bukod diyan ay mabait at malambing din ang bata kaya’t ituturing na nila itong maagang Pamasko kay Nathan.
Nagsilbi rin itong aral sa kanila na bantayan ng mas mabuti ang anak, lalo na kapag ito ay may hawak na cellphone. Hindi dahilan na masyado pa itong bata para isiping wala itong magagawa, dahil likas sa mga bata ang pagiging matalino kaya’t hindi maiiwasan na maka-order sila sa online.

Ang nangyari kay Nathan at sa kanyang nanay ay nagsilbing aral para sa lahat ng magulang na mahilig ipahiram sa mga anak ang cellphone. Marapat na lagi silang bantayan upang maiwasan ang ganitong pangyayari o mas malala pa. Bilang isang responsableng magulang, hindi dapat magpakampante na maglalaro lang sa cellphone ang mga bata, kailangan samahan ito ng maiging pagbabantay at paggabay.