Inang Nagtrabaho Bilang Construction Worker, Kinabiliban at Tinaguriang “Wonder Mom”

Ang pagiging ina ay itinuturing na pinakamahirap na trabaho sa mundo dahil hindi biro ang kanilang sakripisyo at pag-aalaga para sa pamilya. Ang trabahong ito ay walang kapalit na salapi at hindi natatapos hanggang sa sila ay mawala kaya naman maituturing na ito ang pinakadakilang trabaho sa lahat.

Madalas ang ina ay nasa bahay lamang at nag-aalaga ng mga anak habang naghihintay sa pag-uwi ng asawang galing sa trabaho. Ang pagiging ‘housewife’ ang nakasanayang kultura sa ating bansa kapag nagkapamilya ang isang babae, kaya naman nakakagulat para sa marami kung ang isang ina ay nagtatrabaho nang hindi lang simple kundi mabigat na trabaho katulad ng pagiging isang construction worker.

Credit: Facebook / Kryzia Lourde Kahulugan Diviva

Itinampok sa programang Wish Ko Lang ang kwento ng isang ina na napilitang magtrabaho bilang isang construction worker dahil sa hirap ng buhay. Kinilala siyang si Joan Diviva na tinaguriang “Wonder Mom” dahil sa kanyang pagiging dakilang ina.

Si Joan ay dating fruit vendor noong hindi pa nagkakaroon ng pandemya, maayos naman ang kanilang buhay at kumikita ng sapat noon. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, isa ang kanyang hanapbuhay sa naapektuhan ng pandemya, nalugi ito kaya naman nahinto siya sa pagiging fruit vendor.

Credit: Facebook / Wish Ko Lang

Ang asawa niyang si Sherwin na isang construction worker ang natirang inaasahan nila ngunit ito ay naging LSI o “Locally Stranded Individual” at hindi na nakapagtrabaho at nakapagpadala sa kanila. Pakiramdam ni Joan ay pinagbagsakan sila ng langit at lupa noong panahon na iyon dahil pareho na sila ng kanyang asawa na walang trabaho.

Bilang isang ina, lubos ang pag-aalala ni Joan para sa kanyang mga anak dahil hindi niya kayang hindi ito makakain at hindi maibigay ang mga pangangailangan nito. Napagdesisyunan ni Joan na maghanap ng trabaho at doon nga ay natanggap siya bilang isang construction worker. Hindi na niya naisip ang pagiging delikado ng trabaho na ito, dahil ang nasa isip niya lamang ay kumita upang may maiuwi sa kanyang pamilya.

Credit: Facebook / Kryzia Lourde Kahulugan Diviva

Maituturing na delikadong trabaho ang pagiging construction worker dahil sadyang ito ay mabigat na trabaho at karaniwang ginagawa ng mga kalalakihan. Kaya’t nakakagulat para sa lahat na malaman na isang babae ang lakas-loob na sinubukan ang trabahong ito.

Hindi inalintana ni Joan ang bigat at hirap ng trabaho bilang isang construction worker, dahil para sa kanyang pamilya ay handa siyang magsakripisyo. Hindi naging hadlang ang kanyang kasarian, imbes na panghinaan ng loob dahil sa pagiging babae ay ginawa niya itong motibasyon.

Credit: Facebook / Wish Ko Lang

Araw-araw siyang nagsusumikap sa pagtatrabaho at pagiging ina, sa umaga ay isa siyang construction worker at sa tanghali ay ipagluluto niya ng tanghalian ang kanyang mga anak, at babalik ulit sa pagtatrabaho. Talaga namang nakakapagod ang ginagawa ni Joan kaya nararapat lamang siyang tawagin na “Wonder Mom” dahil sa kanyang kasipagan, kadakilaan at pagsasakripisyo para sa pamilya.

Nagpaabot naman ng tulong ang programang WISH KO LANG sa pamilya ni Joan upang hindi niya na kailangang magtrabaho bilang construction worker. Tinulungan ng programa na makauwi ang kanyang asawa na si Sherwin mula sa pagiging LSI nito. Naging emosyonal ang kanilang pagsasamang pamilya at labis ang kanilang kasiyahan.

Credit: Facebook / Wish Ko Lang

Nagbigay din ang programa sa kanila ng bagong e-bike para sa kanilang bagong prutasan at mga beauty products na pwede din nilang ibenta. Bukod pa dyan ay biniyayaan rin ang kanilang anak na si Kryzia ng scholarsip grant para sa kanyang pag-aaral na may kasamang bagong laptop, cellphone, at pocket wifi. Para naman masimulan ang kanilang e-bike fruit business ay mayroon ding Wish Ko Lang savings na magagamit nila bilang kapital.

Malaki ang pasasalamat ni Joan at ng kanyang pamilya sa programa dahil napakalaking tulong umano ng binigay nito sa kanila. Hindi napigilan ni Joan at Sherwin ang mapaiyak sa sobrang saya at pasasalamat nsa natanggap na tulong at mga biyaya.


Leave a Reply

%d bloggers like this: