Sa loob ng maraming taon, maraming tao ang nag-iisip at nagtataka kung bakit nga ba walang Mercury Drugstore sa loob ng mga SM Malls dito sa Pilipinas.
Isa sa mga sikat at kilalang drugstore dito sa Pilipinas ang Mercury Drug kung kaya maraming Pilipino ang curious sa istorya nito, habang ang SM Malls naman ay ang pinakasikat na mall at pangunahing mall na palaging pinupuntahan ng lahat ng Pilipino sa buong bansa.
Ano nga ba kwento ng dalawang negosyong ito?

Kilalanin muna natin si Henry Sy Sr., isang Chinese-Filipino na negosyante. Siya ang nagpasimula at nagpatayo ng SM Malls dito sa Pilipinas kung saan ay may mahigit 50 ng branch. Tinagurian siyang Philippine Retail King at Chairman rin ng SM Prime Holdings Inc. Naitala rin siya sa sikat na Forbes Magazine bilang No. 1 billionaire o pinakamayaman sa bansa noong taong 2011.
Ang kwento ni Henry ay masasabing ‘rags to riches’. Nagsimula siya bilang mahirap na nangarap yumaman balang araw. Sa murang edad ay dumanas na siya ng maraming pagsubok sa buhay, marami siyang negosyo at trabahong sinubukang gawin ngunit lahat ng ito ay hindi nagtagumpay at madalas lang na malugi.
Ngunit isang araw ay napag-isipan niyang magkaroon ng negosyo ng sapatos at magkaroon ng maliit na tindahan nito. Una niyang naisip na ipatayo ang tindahan niya ng sapatos sa tabi ng Mercury Drug sa Quiapo, Maynila. Napansin ni Henry na maraming tao ang labas-pasok sa tindahan ng Mercury at naisip na dahil dito ay maraming makakapansin ng mga binebenta niyang sapatos.

Nakiusap si Henry sa may-ari ng Mercury Drug kung pwede siyang pumwesto sa tabi ng kanilang establisyemento, subalit sa kasawiang palad ay hindi siya nito pinayagan at pinahiya pa sa kabila ng magalang niyang pakikiusap.
Dahil sa pangyayaring ito ay ipinagako ni Henry na kapag dumating ang panahon na magtagumpay siya sa buhay at yumaman ay hindi niya rin bibigyan ng opurtunidad ang Mercury Drug at hindi na niya hahayaan na pahiyain siya nito.
Ang naranasang ito ni Henry ay nagbigay sa kanya ng motibasyon upang magsumikap sa buhay at sa kanyang negosyo ng mga sapatos. Ipinatayo niya ang una niyang tindahan ng sapatos nong 1958 sa Quiapo, Maynila kung saan ay SM Quiapo na ngayon na naging unang SM Mall noong November 1972.

Talaga namang mapagbiro ang tadhana dahil ang dating mahirap noon ay bilyonaryo na ngayon. Hindi mo aakalain na ang dating naghihirap at nangangarap lamang ng simpleng tindahan ng sapatos sa tabi ng Mercury Drug ay nagmamay-ari na ng higit singkwentang Malls sa Pilipinas at mayroon ring anim sa China at isa sa Guam. Bukod sa Malls ay nagmamay-ari na rin siya ng China Bank, BDO, real estates, condominium business at paaralan.
Sa kabila naman ng kanyang tagumpay ay hindi naman nakalimutan ni Henry na tumulong sa iba, kung kaya ay nagtatag rin siya ng SM foundation na tumutulong sa mga kabataan sa kanilang pag-aaral.

Ang SM Malls ay hindi magiging kumpleto kung walang drugstore kaya naman ay kumuha ng franchise si Henry ng ‘Watsons’ na naging kapalit nito sa Mercury Drug.
Hindi pa rin maitatanggi na kahit walang Mercury Drug sa loob ng mga SM Malls ay maganda pa rin ang takbo at tinatangkilik ng mga tao ang Mercury Drug saang sulok man ng bansa. Sa kasalukuyan ay pareho pa ring sikat at matagumpay ang Mercury Drug at SM Malls. Hindi man sila naging matagumpay na magkalapit ay pareho naman silang matagumpay sa larangan ng negosyo.

Ang kwentong ito ay parehong aral at inspirasyon sa lahat na hindi dapat natin minamaliit ang ibang tao ano man ang estado nila sa buhay dahil hindi natin alam kung paano magbiro ang tadhana. Hindi rin dapat maging hadlang ang kahirapan at insultong matatanggap sa iba, sa halip ay gawin itong inspirasyon upang magtagumpay sa buhay.