Mariel at Robin Padilla, Niregaluhan ang Kanilang mga Kasambahay ng Sariling Apartments

Kilala si Mariel Rodriguez bilang isang magaling na host na napangasawa ang action star na si Robin Padilla. Sila ay nagkaroon ng masayang pamilya kasama ang kanilang dalawang anak na sina Isabella at Gabriela. At dahil mga showbiz personalities, kasama rin nila sa kanilang bahay ang mga kasambahay at yaya ng kanilang mga anak na tumutulong upang mapadali ang kanilang buhay.

Isa sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng mga kasambahay at yaya nila ay ang malayo sila sa kanilang mga pamilya. Kailangan nilang magtrabaho upang may maipadala buwan-buwan para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Kahit malayo, wala namang problema dahil nakakadalaw naman at nakakauwi sila sa kanilang pamilya tuwing day-offs at holidays. Ngunit noong dumating ang pandemya, nalimitahan ang kanilang pag-uwi at tsansang makasama ang pamilya.

Credit: Instagram / marieltpadilla

Dahil sa panganib na dala ng Covid-19 ay nagpatupad rin ng mahigpit na quarantine ang pamilya ni Mariel kasama na rito ang kanilang mga kasambahay at yayas. Para na rin sa kaligtasan ng lahat lalo na ng kanyang mga anak na si Isabella, 4 years old, at Gabriela na 1 year old pa lamang. Nalimitahan ang paglabas ng mga taong kasama nila sa bahay upang maiwasan ang pagkakasakit o pagkahawa.

“That means, walang nakakalabas at nakakapasok, that includes yung mga kasama namin dito sa bahay. Siyempre dahil tao sila, they long for their families. Namimiss nila yung mga pamilya nila.”

Credit: Instagram / marieltpadilla

Batid ng mag-asawang Mariel at Robin na nangungulila ang kanilang mga kasambahay at yaya na sina Jo, Analyn, Elsy, Belen, Jam at Narcisa sa kanilang mga pamilya. Halos isang taon rin ang mga ito na hindi nakita at nakasama ang kanilang mga pamilya kaya naman naisip nilang regaluhan ang mga ito ng sariling apartments na malapit sa kanila upang palagi na nilang makasama ang kanilang pamilya.

“Naisip namin, siyempre, mag-aalala sila. And we wanted to remove that worry away from them para ‘di na nila yun iniisip.”

Credit: YouTube / Mariel Padilla

Ang apartments ay bilang pasasalamat ng mag-asawa sa kabutihan, katapatan at pagiging maalaga ng mga kasambahay at yaya sa pamilya Padilla. Alam umano nila ang sakripisyo ng mga ito para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya, maliit na bagay lamang ang apartment sa ilang taong serbisyo ng mga ito sa kanila.

“It is because they are also sacrificing so much for their families. It is because they have showed us loyalty—nagpakita sila ng pagmamahal sa amin at gusto rin naming suklian yung pinapakita nilang pagmamahal at mabuting serbisyo sa amin,” saad ni Mariel.

Credit: YouTube / Mariel Padilla

Ang mga apartments ay ipinatayo ng mag-asawa noong panahon ng pandemya sa kanilang compound sa Museo de Padilla. Ang nasabing compound ay may mga apartments rin na pinatayo ni Robin para sa mga pamilyang Muslim na kanyang tinulungan.

“There’s a place wherein Robin takes of a few Muslim families. And for the very first time, we opened the doors to Christians, to Catholics like myself, for our staff,” pahayag ni Mariel.

Credit: YouTube / Mariel Padilla

Bukod sa mga apartments na iniregalo ng mag-asawa sa kanilang mga kasambahay at yayas, nagpalaro rin sila sa mga ito. Nagpalaro umano si Mariel ng Bingo kung saan ang mga papremyo ay mga appliances para sa kanilang bagong apartments. Masaya umano si Mariel na makitang masaya sila at nagustuhan ng mga ito ang kanilang regalo.

Labis din ang kasiyahan ng mga kasambahay at yayas sa regalong natanggap nila sa kanilang mga amo. Hindi daw nila lubos akalain na mabibigyan sila ng bagong tahanan at sa wakas ay magiging malapit na sila sa kanilang mga pamilya at hindi na nila kailangan mag-alala palagi.

Credit: Instagram / marieltpadilla

“Nagpapasalamat po ako kasi napunta po ako sa inyo ni Sir Robin. Yung mga naranasan namin dito, hindi namin mararanasan sa iba. Iba po yung pinapakita ninyo sa amin. Kakaiba po yung pakiramdam, parang at home na at home ako sa bahay ninyo,” pahayag ni Yaya Jo, isang midwife at yaya nila Mariel ng mahigit tatlong taon na.

“Thank you po sa inyong puso, di ninyo kaming trinato na ibang tao. Pamilya tayo. Wala akong naramdaman na kahit anu man, lagi kayong andyan, hindi ko naramdaman na nag-iisa ako,” saad naman ni yaya Analyn, ang personal assistant ni Mariel ng higit sampung taon na naging yaya na ngayon ng pamilya nila.

Credit: Instagram / marieltpadilla

Masaya ang mag-asawang si Mariel at Robin dahil nagustuhan ng mga kasambahay at yaya ang kanilang munting regalo. Kulang pa daw ito sa matagal nilang serbisyo sa kanilang pamilya at pananatiling mabuti at matapat ng mga ito. Naging malaking tulong ang mga ito sa kanilang pamilya lalo na sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.

Isang magandang halimbawa ang mag-asawa na tinatapatan ng kabutihan ang kabutihang nagawa sayo ng ibang tao. Kung may kakayahan naman at hindi masamang magbigay, magpasaya kung karapat-dapat naman. Ang pagiging mabuting amo ay dapat lamang gawin ng lahat bilang simpleng kabayaran sa magandang serbisyo na natatanggap.


Leave a Reply

%d bloggers like this: