Si Mariel Padilla ay isang celebrity mom kung saan proud nyang ibinabahagi sa kanyang social media kung gaano niya kamahal ang kanyang dalawang anak na sina Isabella at Gabriella. Madalas ngang makita ng mga netizens ang mga larawan ng mga bata sa kanyang Instagram na may mga nakatutuwang pananamit.
Aminado si Mariel na hilig niyang bihisan ng ibat-ibang costume ang kanyang mga anak at gustong-gusto rin ito ng mga bata. Dahil nakalakihan na ito nina Isabella at Gabriella, sila pa mismo ang humihiling kay Mariel ng gusto nilang costume. Ang pagkahilig ng kanyang mga anak sa costume ay umabot na nga sa halos sampung beses nilang pagpapalit sa isang araw.

“Pag babae yung anak niyo, bye money,” saad ni Mariel sa isang interview niya sa Pep.ph.
“Yung mga anak ko, sa isang araw, siguro mga nakasampung beses magpalit iyan ng costume, with hair! Okay talagang full to the max talaga.”

Sa dami ng costume ng mga bata ay halos nasubukan na daw nila ang halos lahat ng cartoon characters. Mula sa sikat na Elsa at Anna ng Frozen, Encanto costume, Paw Patrol costume at kahit ang hindi masyadong kilala na Miraculous Ladybug costume.
Isa nga sa mga paborito ni Isabella at Gabriella ay ang pagsusuot ng costume bilang si Elsa at Anna, na sinuot mismo nila sa flight papuntang Spain. Masaya umano si Mariel na nakikitang masaya ang kanyang mga anak sa pagsususot ng ibat-ibang costume, ngunit minsan ay hindi niya na ito mapagbigyan dahil may mga costume na mahirap daw mahanap.

“Feeling kasi nila lahat ng costume, lahat ng character na nakikita nila, mabibilhan ko sila ng costume na ganun. Kaya minsan mahirap talaga,” pahayag ni Mariel.
Sa tuwing wala umanong mahanap na costume si Mariel para sa kanyang mga anak ay ginagawan niya ito ng paraan. Umaabot umano sya sa pag-di-DIY para lang mapagbigyan ang mga gusto nito.

“Gagawin ang lahat. Umabot na din sa time na kunwari kailangan ng arm sleeves kasi viking naman sila, vikings! Yung mga leggings, gugupitin ko iyon. Yung mga leggings na kinaliitan nila para magkaroon sila. alam mo yung magiging creative ka talaga.”
Marami namang netizens ang natuwa sa ibat-ibang costume na suot nila Isabella at Gabriella, at sumang-ayon kay Mariel. Ayon sa mga netizens normal lamang ito kapag may anak na babae dahil nakakatuwa daw talagang ayusan at bihisan ang mga babaeng anak, at kasiyahan din daw ito ng mga magulang.

“Ang cute na mga bata, pag ganyan din anak ko lagi ko rin talaga bibihisan ng kung ano-ano.”
“Ganyan talaga pag babae yung anak, gusto nating mga mommy na maayos sila at maganda.”
“Magastos talaga magkaroon ng babaeng anak haha, ang sarap kasi nila damitan e.”
“As long as may pambili ka at masaya ang mga bata sa pagko-costume e di go lang.”
“It will be a precious memory for the girls when they grow up. They will thank you Mariel for dressing them up.”

Pinapaliwanang naman daw ni Mariel sa mga anak kung may mga pagkakataon na hindi niya talaga ito mapagbigyan. Hindi niya naman talaga ito ini-spoil at sinisiguro pa rin na naiintindihan ng mga ito na hindi lahat ng kanilang gustong costume ay mabibili niya.
“Sometimes, I explain, ‘No no no, there’s no like that. It’s not available. We cannot buy it. We have to have it made. It’s too expensive’, minsan gumaganon na ako.”

Ayon naman sa pag-aaral ang pagsusuot ng ibat-ibang costume ng mga bata ay may magandang dulot sa kanila. Bukod sa nagbibigay ito ng kasiyahan sa kanila, nakakatulong din umano ito sa kanilang character development. Narito ang ilang benepisyo ayon kay Dr. Karen Aronian, isang college professor, at founder ng Aronian Education Design ng Healthline.
1. Pagiging malikhain. Ang pagdadamit ng ibat-ibang costume ay nakakatulong sa mga bata upang maging malikhain. Napapalawak nito ang kanilang imahinasyon na nakakatulong rin sa kanila para madagdagan ang kaalaman kung ano ang gagawin sa ibat-ibang sitwasyon.

2. Kilos at Galaw. Ang pagsusuot ng ibat-ibang costume ay nakakatulong sa pagdevelop ng kilos at galaw ng mga bata. Natututo sila ng tamang pananamit at pagsusuot, maski ang simpleng pag-butones at pag-zipper ng damit ay nakakadagdag sa kanilang kaalaman. Nalalaman din nila ang ibat-ibang kilos at galaw depende sa kung anong karakter ang kanilang suot.
3. Pakikipagkomunikasyon. Ang pagsusuot ng ibat-ibang costume ay nakakatulong na ma-develop ang pakikipag-komunikasyon ng isang bata. Gamit ang karakter na kanilang suot, maaari mo silang kausapin at tanungin tungkol dito at gumawa ng ibat-bang senaryo upang maka-usap sila.