Isa sa mga magandang naidulot ng pandemya ay ang pagkakaroon ng interes ng mga tao sa pag-aalaga ng ibat-ibang halaman tulad ng cactus o succulent plants. Dahil sa nangyaring lockdown, natuon ang atensyon ng mga tao sa paghahalaman dahil nakakatulong ito sa pagtanggal ng stress at anxiety dulot ng pandemya.
Kaya naman maraming netizens ang naging certified plantita at plantito. Ang simpleng pag-aalaga ay naging pagandahan, palakihan at paramihan pa nga ng halaman. Ngunit sino ba ang mag-aakala na ang itinuturing na damong ligaw lang dito sa Pilipinas ay inaalagaan at ibinebenta sa mataas na halaga sa ibang bansa?

Ang ‘Sensitive Plant’ o tinatawag na ‘Makahiya’ ay isang uri ng halaman na tumitiklop kapag hinahawakan na tila ba nahihiya. Ito ay madalas makita sa tabi ng daan o bakanteng lote dito sa Pilipinas na madalas lamang tapakan ng mga tao. Subalit ang damong ligaw na ito kung ituring ay nagkakahalaga pala ng $7.99 o halos 400 pesos sa Canada.
Naging viral ang post sa Facebook ng netizen na si Than-Than Javier ng madiskubre niyang ibinebenta sa isang pet shop sa Canada ang Makahiya, na kung saan ay madalas lang paglaruan ng mga bata at hindi pansinin dito sa Pilipinas.

“They are selling Sensitive (Makahiya) Plant in pet shop here and it cost $7.99 that’s almost 400 pesos… damo lang sa amin yan e,” pahayag ni Than-Than.
Dahil dito ay maraming netizens ang nagulat at natawa sa ibinahagi ni Than-Than. Sino nga ba ang mag-aakala na ang hindi pinapansing halaman dito sa atin ay malaki pala ang halaga sa ibang bansa?

Ito ang ilan sa mga komento ng mga netizens:
“Inaapakan ko lang yan dito sa amin e.”
“Ang dami nyan sa likod bahay namin.”
“Benta na lang tayo ganito.”
“Madicinal plant kasi yan kung di nyo alam kaya may halaga”
“Ang pagkaka-alam ko herbal din ang Makahiya.”
“This will happen soon enough pag naubos na sa mining ang kalikasan natin na kahit maliit na puno worth a price na kasi wala na tayong fresh air na mahihingahan.”

Nakakatawa mang isipin para sa karamihan, ay mayroon palang pambihirang tulong ang nagagawa ng Makahiya. Ito ay ginagamit bilang isang herbal medicine sa panggagamot. Ipinapainom ito sa taong may karamdaman tulad ng ubo, hika, diabetes, dysmenorrhea at almoranas. Ginagawa rin itong pampahid sa mga pasa at sugat.

Maaaring simpleng damong ligaw na madalas tapakan at paglaruan lang ang Makahiya dito sa Pilipinas, ngunit kung bibigyan natin ito ng atensyon at pagkakataon ay tiyak na malaki ang maitutulong nito sa mga taong may sakit.
Pinapatunayan lamang ng Makahiya na isa siyang halaman na may silbi at hindi dapat tawanan at ikahiya. Bilang bansa na mayaman sa halamang ito, dapat tayong matuwa na mayroon itong malaking halaga at nakakatulong pa.