Bilang isang magulang, importante ang pag-iipon lalo na at mayroon kang anak. Ang pag-iipon ay simpleng gawain na dapat ginagawa ng lahat ng magulang para sa hinaharap ng kanilang anak na maaaring gamitin sa pag-aaral at iba pang pangangailangan nito. Ngunit hindi lahat ng magulang ay ginagawa ang pag-iipon para sa anak, sa halip ay hindi ito iniisip at gastos lang ng gastos.
Subalit ibahin natin ang magulang ng tatlong taong gulang na batang ito. Ibinahagi ng ama na si Jarlo Manalad sa kaniyang Facebook account ang kahanga-hangang pag-iipon na ginawa nila ng kaniyang asawa sa pera ng kanilang anak.

Sino ba ang mag-aakalang ang tatlong taon na bata, na wala pang muwang ay may Php 77,000 nang ipon? Ibinahagi nga ni Jarlo na lahat ng perang natatanggap ng kaniyang anak tuwing kaarawan at tuwing pasko ay hindi nila ginagastos sa halip ay itinatabi nila. Nagmula ang mga perang kanilang naipon sa mga kamag-anak at mga kaibigan nila na nagmamahal sa kanilang anak.

“Mag-3 years old pa lang yung bata. May ipon na siyang 77k. Salamat sa lahat ng kamag-anak, ninong, ninang, family, friends na nagmamahal sa bata,” kwento ni Jarlo.

Dagdag pa niya na ang lahat ng ipon na pera ay nagsimula hanggang sa noong bininyagan ang kanilang anak. Wala raw silang ibinulsa maski kusing ng kaniayng asawa. Hindi rin nila ginamit ni minsan bilang pantapal ang perang natatanggap ng kanilang anak para sa mga nagastos nila noong binyag o kaarawan nito.
“Hanggang sa huling sentimo sa bata po iyan. At lahat pa ng ibibigay niyo ay idadagdag po diyan.”

Kahanga-hanga ang ginawa ng mag-asawang ito para sa kanilang anak. Talaga namang kakaiba sila kumpara sa ibang magulang kaya naman ay maraming netizens ang nagbigay papuri sa kanila.
“Tama yan, right mindset.”
“It’s the parents upbringing, salute to the proud parents… I admire how you raise your child.”
“Very good parents. Malaking bagay yan lalo na sa college, promise.”
“Congrats sa magulang ng bata, maganda yung mindset niyo.”

Payo rin ni Jarlo sa mga kapwa magulang, “Sana gawin din ito ng mga magiging magulang. Lahat ng expenses niya ay dapat nating itaguyod at lahat ng bigay sa bata ay para sa bata.”
Magkakaiba man tayo ng estado sa buhay, hindi ito dahilan para hindi pag-isipan at paghandaan ang hinaharap ng mga anak. Nararapat lamang na magamit ng mga bata ang perang ibinigay sa kanila, kaya naman napakaswerte ng batang ito dahil nagkaroon siya ng responsableng mga magulang na minamahal siya.