Nito lamang July 25 isang babae mula sa Iloilo City ang maswerteng nanalo ng tumataginting na 401 million pesos sa 6/55 Grand Lotto. Solo niyang napanalunan ang malaking halaga ng premyo kung saan agad itong kinainggitan ng marami. Hindi kasi lingid sa kaalaman ng lahat na ang manalo sa lotto ay parang suntok sa buwan kaya naman nakakamangha sa tuwing may nananalo dito.

Ang nasabing babae ay isa umanong simpleng maybahay lamang na 34-anyos. Hindi umano mahilig tumaya ang babae sa lotto ngunit sinabihan umano siya ng kanyang asawa na sumubok tumaya sa lucky pick at tingnan kung swerte siya. Nang tumaya siya ay wala umano siyang paghahangad na manalo at sadyang sinubukan lamang niya dahil kahilingan ito ng kanyang asawa.
“Sabi po ng asawa ko try ko daw po tumaya ng isa lang na lucky pick para maiba naman, kung swerte ka talaga mananalo ka kahit LP (Lucky Pick”), saad ng nanalo.

At talaga namang mapagbiro ang tadhana dahil sino ang mag-aakala na sa milyong Pilipino na tumaya nang araw na iyon ay siya pala ang papalarin na manalo. Ang mga numerong 02-18-49-07-19-47 na kanyang tinaya ay siya palang winning numbers para sa 6/55 Grand Lotto.
Ang babae ay nakatanggap ng halagang P300 million pesos matapos patawan ng 20% tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion or TRAIN Law. Hindi man nya naiuwi ang eksaktong P401,186,804.80 na jackpot price ay masayang-masaya pa rin ang babae sa kanyang nakuha. Ayon sa kanya, wala siyang reklamo dahil biyaya ito ng Panginoon at napakalaking halaga na iyon at marami na ang magagawa.

Bilang proteksyon na rin, hindi pinangalanan ang nasabing babae at kung saan ito eksaktong nakatira. Ngunit hindi pa rin mapigilan ng mga netizens na maging curious dahil umaasa silang mabalatuhan ng babae.
“Ang swerte naman! Sana all.”
“Ate balato naman dyan, kahit pang-gatas lang ng anak ko.”
“Taga-saan kaya sa Iloilo yan? Taga-Iloilo din ako baka kilala ko yan haha.”

“Sobrang swerte, solo niya yung premyo! Lord, baka naman, kahit ilan pa kaming maghati basta panalunin nyo lang ako.”
“Ako kaya? Kailan kaya ako suswertehin, araw-araw akong tumataya sa lotto ilang taon na pero kahit piso di pa ko nanalo dyan.”
Ibinahagi naman ng babae ang kanyang plano sa napanalunang pera. Ayon sa kanya, ibabahagi niya ang kanyang napanalunan sa simbahan at ilang mga institusyon na tumutulong sa ibang tao. Bilang pasasalamat sa biyayang pinagkaloob ng Diyos, nararapat lamang daw na magbahagi siya sa simbahan. Gusto niya ring makatulong sa iba kaya idadaan niya na lamang ito sa mga institusyon.

“Bilang pasasalamat po sa Diyos. Dahil sa biyayang ipinagkaloob Niya, magbibigay po ako sa aming simbahan at magdo-donate din po ako sa mga charity centers and foundations na tumutulong sa mga kapos-palad.”
Ang matitira naman ay kanyang gagamitin para sa kanyang pamilya at magtatayo umano siya ng negosyo upang mapalago pa ang kanyang napanalunan. Gagamitin niya daw sa mabuti at maayos na paraan ang napanalunan upang maipakita na karapat-dapat sya bilang Grand Lotto Winner.