Sa hirap ng buhay ngayon, nakakatuwang marami pa ring mga tao ang nananatiling mabuti at hindi natutuksong gumawa ng masama. Hindi sila nabubulag gaano man kalaki ang halaga sa kanilang harapan, at pinapatunayan na kahit mahirap at mababa ang estado sa buhay ay hindi ito hadlang upang maging tapat.
Inulan ng papuri ang basurerong si Reny Corpuz mula sa Urdaneta, Pangasinan matapos niyang magsauli ng perang kanyang nakita sa basura. Hindi inaasahan ni Reny na imbes na basura ang kanyang makolekta noong araw na iyon ay tumpok pala ng pera, ngunit hindi siya nagpasilaw dito at hindi nagdalawang isip na ibalik ito.

Napansin umano ni Reny ang isang 500 peso bill na nasa ibabaw ng tumpok ng basura at nang tingnan niya ito ng mabuti ay nakita niyang marami pa palang 500 pesos bills ang naroon. Ang kabuuan ng pera na kanyang nalikom ay 191,000 pesos na kanyang ikinagulat sa laki.
Sa ilang taon niyang pagtatrabaho bilang basurero ay ito umano ang unang pagkakatao na makuha siya ng malaking halaga sa basura. Hindi ito normal na nangyayari kaya naisip ni Reny na siguradong aksidente lamang itong naitapon kaya naman ay agad niya itong ini-report upang maisauli.

Malaki naman ang pasasalamat ng may-ari ng pera dahil sa katapatan ni Reny. Ayon sa kanya ay nagsagawa umano ng general cleaning ang kanilang opisina at hindi namalayan na ang paper bag na may lamang pera pala ay naisama sa pagtapon ng basura. Labis ang kanyang saya dahil akala niya ay hindi na ito maibabalik, mabuti na lamang at sa kamay ni Reny ito napunta na may tapat na puso.
Ayon naman kay Reny nararapat lamang na ibalik niya ang perang nakuha dahil hindi niya naman ito pinaghirapan. Ang bagay na hindi sa kanya ay hindi dapat angkinin at ibalik dapat sa totoong may-ari.

Kahit mahirap ang buhay niya at mababa lamang ang antas ng trabaho ay hindi umano ito hadlang upang maging mabuti at tapat siya sa kanyang kapwa. Ang pagbabalik ng hindi sa atin ay normal lang at dapat na ginagawa ng lahat ng tao.
Dahil sa katapatan ni Reny ay na-promote siya sa kanyang trabaho. Sinigurado ni Urdaneta City GSO head, Emily Lucero na magiging permanente na ang kanyang trabaho at hindi na contractual. Ipinagpasalamat naman ito ni Reny at ito daw ay napakalaking tulong sa kanya at sa kanyang pamilya.

Umani naman si Reny ng maraming papuri at paghanga mula sa mga netizens. Sana daw ay marami pang maging katulad niya sa mundo.
“Mabuti ang kanyang kalooban dapat lang siya mapromote.”
“God bless you more Kuya, you deserve more because of your kind heart.”
“Honesty is the best policy talaga! Kudos Kuya.”
“Kung tutuusin ay pwede nya na iyon ibulsa pero pinili niya paring ibalik kaya idol talaga!”
“Congrats to your promotion Kuya, you deserve it!”
Isang inspirasyon si Reny ng pagiging tapat at may mabuting puso sa kabila ng pagiging mahirap. Siya ay nagbigay patunay na huwag gawing dahilan ang kahirapan upang makapanlamang ng kapwa at mang-angkin ng hindi sa atin. Ang lahat ay nararapat na maging mabuti at matapat mayaman man o mahirap.