Dito sa bansang Pilipinas ay napakahirap maghanap ng trabaho dahil maraming pinagbabasehan ang mga employer tulad na lamang ng kakayahan at pinag-aralan. Bukod dito, napaka-importante rin sa mga kumpanya na bata pa ang kanilang mga empleyado upang masiguradong magtatagal sila sa trabaho. Ngunit isang lolo ang nagpatunay na hindi basehan ang edad upang matanggap sa trabaho.
Nag-viral ang isang post sa social media nang makuhanan ng litrato ang isang lolo na matiyagang nakapila para sa isang job interview. Ikinagulat at ikinamangha ito ng marami, dahil sino ba ang mag-aakala na ang isang lolo ay maiisip pang mag-apply ng trabaho sa kabila ng kanyang edad?

Ibinahagi ng netizen na si Rodge Tonacao ang mga larawan ng matanda na si Lolo Rotello Escanilla sa Facebook matapos niya itong makita na nakapila sa isang job fair sa Bago City, Cebu. Napag-alaman na ang lolo ay 73-anyos at isa ng senior citizen.
Ayon kay Rodge, noong nakita niya si Lolo Rotello ay inakala niyang baka sinamahan lang nito ang kanyang apo sa pag-aapply ng trabaho. Ngunit laking gulat niya ng malaman na isa pala ito mismo sa mga aplikante at umaasang matanggap sa trabaho.

Sa pila pa lang ay bilib na bilib na si Rodge kay lolo, nakakamangha umano ang lakas ng loob nito na mag-apply ng trabaho kahit na siya ay may edad na. Madalas kasi na ang mga matatanda ay nasa bahay na lamang at nagpapahinga. Hindi na naiisip ng mga senior citizen na magtrabaho lalo na at malabong matanggap pa sila kaya mas kontento na silang nasa bahay lang at nag-aalaga ng mga apo.
Sinubaybayan ni Rodge si Lolo Rotello hanggang sa final interview nito at nakita niya namang masaya ito dahil walang diskriminasyon na nangyari sa job interview. Binigyan siya ng pagkakataon ng mga employer na maipakita ang kanyang kakayahan.

Saad pa ni lolo ay huwag umano siyang bigyan ng special treatment dahil lang isa na siyang senior citizen. Hindi problema sa kanya na maghintay sa mahabang pila dahil parte naman ito ng pag-aapply ng trabaho at ayaw niyang maging unfair sa ibang nakapila at nag-aapply rin.
Agad na naging paborito si Lolo Rotello dahil sa kanyang nakakatuwang personalidad. Binansagan pa siyang ‘Groovy Lolo’ dahil sa kabila ng napakahabang pila ay hindi ito nagreklamo bagkus ay masaya pang naghihintay.

Hindi naman nabigo si Lolo Rotello dahil matapos ang matagal na paghihitay sa pila ay matagumpay niyang naipasa ang kanyang job interview. Ngayon nga ay isa na siyang ganap na call center agent na ikinatuwa niya naman dahil patunay lang ito na hindi naging basehan ang kanyang edad at ang kanyang kakayahan ang tiningnan ng mga employer kaya siya natanggap sa trabaho.
Sa kasalukuyan ang post na ito ni Rodge ay umabot na ng 2.2k reactions at maraming komentong paghanga at papuri mula sa mga netizens.

“As long as you speak well in English grammar and good pronunciation you will be hired doesn’t matter the age.”
“Dapat ganito talaga dito sa Pilipinas walang age limit as long as competent pa ring magtrabaho dapat hina-hire pa rin.”
“Ang galing ni Lolo nakakaproud po kayo!”

“Salute sa company na tumanggap kay lolo, more blessings to come po sa inyo.”
“Sana makayanan ni lolo ang trabaho ng call center dahil mahirap ang trabahong yan, congrats sa inyo lolo.”
“Conratulations po lolo. Sana po morning shift ang ibigay sa inyo para makapagpahinga parin po kayo ng maayos.”

Marami ang natuwa para kay Lolo Rotello, nagbigay umano siya ng inspirasyon sa lahat na gusto pa ring magtrabaho kahit matanda na. Pinalakas umano ni Lolo Rotello ang kanilang mga loob at nabigyan sila ng pag-asa na hindi magiging hadlang ang edad basta may kakayahan.
Sa bansang naging basehan na ang edad sa trabaho, ang pangyayaring ito kay Lolo Rotello ay isang magandang pagbabago. Umaasa ang lahat na sana ay marami pang kumpanya ang magkaroon ng pantay na pagtingin sa mga aplikante ano man ang kanilang edad, upang mabigyan rin sila ng magandang opurtunidad sa buhay.