Maraming netizens ang nagulat ng mag-trending ang balita tungkol sa isang lolo na nakulong dahil umano sa pagnanakaw ng mangga. Sino ba naman ang mag-aakala na maaari pa lang makulong ang isang tao sa ganitong kababaw na bagay—na pwede namang pag-usapan at ayusin?
Kinilala ang matanda na si Lolo Narding Flores mula sa Asingan, Pangasinan. Siya ay 80-anyos at simpleng matanda lamang na namumuhay ng tahimik. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nang dahil sa prutas na mangga ay naranasan niyang makulong kahit siya ay matanda na.

Mangiyak-ngiyak si Lolo Narding ng siya ay kasuhan ng pagnanakaw ng mangga at makulong sa Asingan Police Station. Ayon sa post ng PIO-Asingan, lubos ang kalungkutan ng matanda at gusto na nitong makauwi sa kanyang tahanan.
Ang insidenteng ito ay nagsimula lamang sa hindi pagkakaintidihan. Ayon kay Lolo Narding, tanim niya umano ang mangga ngunit nasa bakuran ito ng kanyang kapitbahay. Inisip ni Lolo Narding na dahil tanim niya naman ito ay may karapatan pa rin siya sa mga mangga kaya kumuha siya.

“Pinapitas ko yung isang puno ng mangga, wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun,” saad ni lolo Narding.
Ayon sa batas, ang tanim na prutas na nasa lupa ng iba ay hindi masasabing sa iyo. Kaya naman isang pagkakamali ang pagkuha ni Lolo Narding ng mga mangga kahit siya pa ang nagtanim nito. Hinuli si Lolo Narding sa bisa ng Warrant of Arrest noong January 13 sa Barangay Bantog, Asingan, Pangasinan.

Ikinagulat ni Lolo Narding ang paghuli sa kanya at nais sanang pag-usapan at magkasundo na lamang. Simpleng bagay lang naman daw ito at payag naman daw siyang bayaran na lang ang mga mangga na kanyang kinuha.
“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo.”

Upang pansamantalang makalaya si Lolo Narding ay kailangan niya magpiyansa ng halagang anim na libo. Pagkatapos nito ay didinggin pa sa korte ang kanyang kaso.
Agad na umani ng maraming reaksyon at komento ang kwento ng pagkakulong ni Lolo Narding dahil sa mangga. Maraming netizens ang hindi naiwasan na magpahayag ng kanilang galit sa taong nagpakulong kay Lolo Narding at sinabing napakababaw daw nito. Ang ilan naman ay nagsasabing hindi makatao ang nangyari dahil maliit na bagay lamang at pwede namang pag-usapan.

“Grabe naman walang patawad… hindi na naawa sa matanda parang mangga lang e.“
“Hindi yan makatao, matanda na siya at siya naman pala ang nagtanim ng mangga bakit nyo ipagdadamot at pinakulong pa.”
“Karmahin po sana ung nagsampa ng kaso. Pwede namang pagpasensyahan na lang at pagsabihan ng maayos kung nagkamali ang tao, sobra naman ung ipakulong.”
“Madami nga diyan mas malala pa yung ginawa, mga corrupt sa gobyerno pero di naman nakukulong, tapos ayan mangga lang kulong agad.”

Sa tulong naman ng mga kapulisan ng Asingan police station ay nakapag-piyansa na si Lolo Narding matapos nilang pag-ambagan ang halagang anim na libo. Siya ay pansamatala nang nakalaya noong January 20 at may arraignment sa korte sa darating na February 8.

Isa namang media personality, vlogger at content creator na si Shewin Lim ang nagpaabot ng tulong kay Lolo Narding. Pinuntahan nila ito sa Asingan police station at tumulong rin sa pagpiyansa. Nagbigay rin ito ng abogadong tutulong kay Lolo Narding para tutukan ang kanyang kaso at tulungan ito sa darating na arraignment.

Bukod pa diyan ay binigyan rin niya ito ng konting tulong, tulad ng mga grocery. Marami ring netizens ang nagpaabot ng tulong kay Lolo Narding at sa kanyang pamilya. Malaki naman ang pasasalamat ni Lolo Narding sa lahat ng taong tumulong sa kanya at nagpaabot ng kabutihan at suporta.