Ang pagiging panganay sa pamilya ay hindi madali sapagkat sila ang nagsisilbing pangalawang magulang para sa mga nakababatang kapatid. Madalas ay sila ang sumasalo sa responsibilidad ng kanilang magulang kaya naman ay napipilitan silang magparaya para sa ikabubuti ng pamilya katulad na lamang ng panganay na ito mula sa San Pablo, Laguna.
Si Ghel Martinez, 26 anyos ay panganay sa anim na magkakapatid. Dahil sa hirap ng buhay ay nahirapan ang kanilang magulang na pag-aralin sila ng sabay-sabay ng kanyang mga kapatid. Bilang panganay ay nagparaya at nagsakripisyo si Ghel para sa kanyang mga nakababatang kapatid. Imbes na magkolehiyo ay napili niyang magtrabaho para makatulong sa kanyang mga magulang.

Sa murang edad na 16-anyos ay natuto nang dumiskarte sa buhay si Ghel. Pumasok siya bilang store helper sa palengke ng Calauan, Laguna. Sinubukan niya ring mag-apply bilang fast food crew ngunit nabigo siya. Ngunit hindi sumuko si Ghel at nag-apply muli at sa pangalawang pagkakataon ay natanggap na siya.
“Namulat kami sa isang pamilya na salat sa kayamanan pero punong-puno ng pagmamahalan. Walang permanenteng trabaho ang ama ko at taong bahay naman ang aking ina. Panganay ako sa anim na magkakapatid.”

Sinubukan muling mag-aral ni Ghel ngunit nahirapan umano siyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho kaya’t sa huli ang pangarap na makapagtapos ay ipinaubaya niya na lamang sa kanyang mga kapatid. Bukal sa kalooban niyang pag-aralin ang mga kapatid at suportado niya ang ito sa kanilang pangarap. Para sa kanya, ang pangarap ng mga ito ay pangarap niya na rin.
“Sinubukan kong mangarap uli para sa sarili ko pero hindi madali na pagsabayin ang pag-aaral habang pagod ang katawan mo sa trabaho. At mas lalong hindi madali pagkasyahin ang sinusweldo kong 2,400 kada buwan para sa pag-aaral ko at pang-suporta sa pamilya ko.”

Dahil hindi sapat ang kita ni Ghel ay nagtrabaho naman siya bilang call center agent. Dahil sa kanyang sipag at tyaga ay na-promote siya bilang Team Leader hanggang maging Quality Analyst at kalaunan ay naging Product Trainer. Naging malaking tulong ang trabaho niya para sabay na matustusan ang kanyang pamilya at pag-aaral ng kanyang mga kapatid.
Nais sana maging pulis ni Ghel kung nabigyan lamang siya ng pagkakataon. Ngunit ang makitang nakapagtapos na ang kanyang dalwang kapatid sa kolehiyo ay sapat na sa kanya. Masayang-masaya si Ghel na mayroon nang Architect at Accountant sa kanilang pamilya at iyon ay dahil sa kanyang pagpaparaya at sakripisyo.

“HINDI NAKAPAGTAPOS PERO NAKAPAGPATAPOS”, proud na ibinahagi ni Ghel ang larawan nilang magkakapatid na nag-viral at hinangaan ng mga netizens.
Ang kanyang kapatid na si Abigail ay nakapagtapos sa kursong Architectural Drafting and Design sa Laguna State Polytechnic University, habang ang kapatid niyang si Vergel ay nakapagtapos sa kursong BS Accountancy bilang Cum Laude sa Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang kasipagan ni Ghel sa kanyang trabaho dahil may tatlo pa siyang kapatid na pinag-aaral at umaasang mapagtatapos niya rin ang mga ito. Hindi rin naman pinanghihinaan ng loob si Ghel dahil alam niyang pwede siyang bumalik sa pag-aaral anumang oras, ngunit sa ngayon ay prayoridad niya muna ang kanyang mga kapatid.
“Wala man akong diploma basta kayo meron solve na ako do’n dahil kayo ang kayamanan namin nila Inay at Itay—kayo ang maipagyayabang ko,” saad ni Ghel.