Suma1L, Pakistani DOTA 2 Player, Isa sa Pinakabatang Milyonaryo sa Larangan ng E-Sports

Ang ‘DOTA’ o Defense of the Ancient ay isa sa pinakakilalang online game sa mundo. Nilaro at nilalaro ito ng marami bilang libangan at kalaunan ay ginawa na ring worldwide competition kung saan maaari kang manalo ng milyon. Karaniwan itong nilalaro ng grupo sa mga computers at sinasabing malaki ang kasiyahan na ibinibigay nito sa kanila.

Sa paglipas ng panahon, ang simpleng computer game o online game na ito ay hindi na lang naging basta libangan, itinuturing na rin ito ngayon bilang e-sport. Kung iisipin ito ay parang Olympics at labanan ng mga atleta ngunit sa paraan ng paglalaro habang nasa tapat ng computer. Ibat-ibang kalahok galing sa ibat-ibang panig ng mundo ang sumasali upang maipakita ang kanilang talento sa DOTA at nangangarap na maiuwi ang premyo.

Credit: Face of ESports

Sa dami ng mga dota player sa mundo, may ilan ang nakikilala dahil sa angking galing pagdating sa larong ito. Isa na nga dyan si Syed Sumail Hassan o mas kilala bilang SumaiL. Isa siyang Pakistani-American at itinuturing na isa sa pinakamagaling na DOTA 2 player.

Bata pa lamang ay mahilig na si SumaiL sa paglalaro ng computer games. Sa edad na 8-anyos, isa nga sa mga pinagkaabalahan niya ay ang paglalaro ng DOTA. Nauna siyang umani ng parangal matapos manalo sa ‘Dota 2 Asia Championship 2015’ at ‘Dota Pit League Season 3’ kung saan nga ay nag-uwi sya ng milyon bilang cash prize.

Credit: Instagram / ssumayl

Nakilala siya bilang isa sa pinakamagaling na player sa murang edad at itinuring na top earner dahil sa mga papremyong naiuwi. Matapos nito ay sumali sya sa grupong ‘Evil Geniuses’ kung saan ay muling nagwagi sa International 2015. Sumabak pa si SumaiL sa maraming mga kompetisyon sa larangan ng e-sports at DOTA 2 at patuloy na nag-uwi ng maraming parangal at cash prize.

Noong taong 2016 ay napasama si SumaiL sa sikat na magazine na Time Magazine’s Top 30 Influential Teenagers of 2016. Dahil dito siya ay itinuring na kauna-unahang DOTA 2 player na nakatanggap ng ganitong parangal mula sa isang sikat na magazine. Ang mapasama dito ay napakalaking bagay lalo na sa murang edad niya pa lang.

Credit: Instagram / ssumayl

Nagpatuloy ang karera ni SumaiL sa DOTA 2 bilang miyembro ng Evil Geniuses sa loob ng apat na taon, at maka-ilang beses na umani ng mga parangal sa paglalaro ng DOTA 2. Taong 2019, kasama ang kanyang kapatid ay lumipat sila ng grupong Quincy Crew. Hindi nagtagal umalis si Sumail sa grupong ito at lumipat rin sa OG taong 2020. Ang OG ay isa sa pinakasikat na organisayon sa e-sports na kilala bilang may pinakamagagaling na DOTA players 2 kaya’t hindi kataka-taka na lumipat dito si SumaiL.

Ayon kay SumaiL, wala umano siyang pakialam sa pera na kanyang napapanalunan, pinaka-importante sa kanya ay masaya siya sa kanyang ginagawa. Masaya umano siya na nakikipaglaro sa kanyang mga kaibigan at kagrupo at nakakakilala ng mga taong talentado rin sa larangan ng e-sports.

Credit: Instagram / ssumayl

Ibang saya umano ang naihahatid sa kanya ng paglalaro ng DOTA 2 dahil palagi siyang may natutunan dito at natutuwa sa mga nakikilalang mas magaling kung kaya’t mas lalong nagiging inspirado na mas galingan pa. Ang pera umano ay bonus na lamang sa kanyang ginagawa.

Bukod sa siya ay masaya sa kanyang ginagawa at sa sarili, masaya rin umano si SumaiL sa mga natatanggap na suporta sa mga tao at itinuturing siyang idolo sa paglalaro. Masaya umano siyang nakakapagpasaya ng mga tao habang pinapanuod ang kanyang paglalaro ng DOTA 2.

Sa kasalukuyan ay kabilang na si SumaiL sa Team Secret at patuloy pa ring naglalaro bilang DOTA player. Hangad niya na mas lalo pa syang gumaling at makapaglaro pa sa ibat-ibang kumpetisyon sa larangan ng e-sports.


Leave a Reply

%d bloggers like this: