Ipinakita ni John Angelo De Dios Ortiz na hindi hadlang ang mga pagsubok sa buhay upang maging magaling sa isang bagay. Sa kabila ng kanyang kondisyon ay napabilib niya ang maraming tao maski na ang Santo Papang si Pope Francis.
Si John Angelo Ortiz o mas kilala bilang si Angel ay 27-anyos at ipinanganak na may kondisyon na cerebral palsy kung saan ito ay ang pagkakaroon ng problema sa bahagi ng utak na naging sanhi para mahirapang gumalaw at kumilos ang katawan gaya ng normal na tao. Gayunpaman, ipinakita ni Angel na hindi hadlang ang kanyang kondisyon upang maipakita ang kanyang talento sa larangan ng sining.

Si Angel ay kilala ngayon dahil sa ipinapakita niyang talento sa digital painting na ibinabahagi niya sa kanyang Facebook account. Hindi biro ang paggawa ng obra maestra gamit ang paa lalo na sa kondisyon ni Angel kaya naman lubos ang paghanga ng mga netizens sa kanyang talento at dedikasyon.
“Nagsimula po ako sa digital painting noong 2016,” saad ni Angel.

Bukos sa digital painting ay may talento rin si Angel sa pagguhit, pagpinta at pag-cross stitch. Lahat na ata ng klase ng paggawa ng sining ay kanyang sinubukan at patunay lamang ito kung gaano siya ka-talentong tao. Naging daan ang sining upang makalimutan ni Angel ang kanyang kondisyon at maipakita sa mga tao na ang mga katulad niya ay may kayang gawin sa lipunan.
Matatandaan na si Angel ay nagkaroon ng pagkakataon na makaharap si Pope Francis noong Enero 2015 nang bumisita ito sa Pilipinas. Binigyan niya ang Santo Papa ng kanyang cross-stitched na imahe ni Madonna Dolorosa na ginawa niya ng dalawang buwan gamit ang kanyang paa. Lubos ang tuwa at pasasalamat noon ni Pope Francis sa regalo ni Angel.

Sa kasalukuyan ay naka-focus si Angel sa kanyang pagdi-digital painting na ayon sa kanya ay mas madali umano itong gawin kaysa ang pagko-cross stitch kung saan ay inaabot siya ng ilang buwan sa paggawa. Sa panahon rin ngayon, mas madali niyang naibabahagi ang kanyang talento lalo na at maraming nahuhumaling sa digital painting at patok rin ito sa social media.
“Ang ginagamit ko po, DS digital paint yung computer na bigay ng La Salle Saint Benilde.”

Nakakalungkot nga lang na bumagal na umano ang computer na ginagamit niya. Matagal niya na rin kasi itong ginagamit at mukhang kailangan niya na ng bago. Gayunpaman, hindi siya nito napigilan na ipagpatuloy ang digital painting. Gumagamit siya ng app sa cellphone upang makagawa pa rin ng kanyang magagandang obra.
“Minsan po naghahanap ako ng app sa cellphone para madali gumawa, doon na lang ako gumagawa,” pahayag ni Angel.

Sa ganda ng kanyang mga likhang sining, hindi mo aakalain na gawa ito ng taong may kondisyon na cerebral palsy na gamit ang paa lamang. Talagang nakakamangha hindi lang ang ganda ng kanyang obra kundi pati na rin ang dedikasyon at pagmamahal niya sa kanyang talento.
“What wonderful talent and skills! Keep it up Angel.”
“Nagkulang ka man dahil sa pisikal mong kondisyon, sumobra ka naman sa talento. God is good talaga.”

“Ang galing! Hindi madali ang mag-art gamit paa kaya sobrang nakaka-proud ka.”
“God bless, sana magkaron ka na ng bagong computer, deserve mo yun dahil magaling ka.”
“Ako na normal, hirap na hirap magdrawing gamit pa kamay, gift yan ni Lord sayo kaya pagbutihan mo pa.”

Hangad rin ni Angel na sana ay tumigil na ang pandemya upang makalabas na ang mga PWD na tulad niya at mas maipakita pa ang kanilang mga talento. Sa ngayon ay gumawa siya ng Youtube channel na may pangalang AngelFeet Gaming kung saan ay ibinabahagi niya ang proseso ng kanyang paggawa ng mga obra.