Ang bawat babae ay naghahangad na magkaroon ng makinis at magandang mukha. Ang pagkakaroon ng magandang pisikal na kaanyuan ay nakapagpapataas ng kanilang tiwala sa sarili at masasabing isa ring daan upang magustuhan ng mga tao. Ngunit paano kung ang iyong mukha ay may peklat mula sa sunog? Makakayanan mo kayang humarap sa maraming tao na taas noo, kung sa panahon ngayon pisikal na kaanyuaan ang pinakabasehan ng lahat?
Kilalanin ang dalagang si Joanna Sisracon, 18-anyos at isang burn survivor. Siya ay may peklat sa kanang bahagi ng kanyang ulo hanggang mukha. Pinanganak na normal si Joanna gaya ng ibang sanggol, siya ay may makinis na balat at maayos na itsura, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon siya ay naaksidente. Taong 2003, noong limang buwang gulang pa lamang siya, ay aksidenteng nahulog ang gaserang may sindi na nagdulot ng pagkasunog ng kanyang ulo at mukha.

Ang aksidenteng iyon ang naging dahilan kung bakit mayroon syang malaking peklat sa mukha at walang buhok sa kanang bahagi ng ulo dahil nasunog ang kanyang anit. Ayon sa ina ni Joanna, sa sobrang lala ng pagkasunog ng kanyang anak noon ay inakala niyang mawawala na ito. Hindi niya alam ang gagawin at awang-awa sa kanyang limang buwang gulang na anak.
Mahirap lamang ang buhay nila Joanna at ng kanyang pamilya noon, wala silang kuryente kaya’t nagtitiyaga sila sa paggamit ng gasera. Takot na takot ang kanyang ina noong nasunog ng gasera ang batang si Joanna, hindi agad siya nadala sa ospital dahil walang naiuwing sahod ang kanyang ama noong araw na iyon kaya’t wala silang pera pampagamot.

Sa awa ng Diyos ay nabigyan ng lunas si Joanna ngunit dahil sa natamong pagkasunog ng balat ay nagdulot ito ng malaking peklat. Halos kalbo rin ang kanang bahagi ng kanyang ulo dahil hindi na ito tinubuan ng buhok pagkatapos ng akasidente. Dahil sa aksidente, malaki ang pinagbago ng buhay ni Joanna. Ang kanyang naging itsura ay naging tampulan ng tukso.
Hindi katulad ng ibang bata na masayang naglalaro at pumapasok sa paaralan, si Joanna naman ay madalas malungkot at umiiyak dahil sa mga pambu-bully na kanyang natatanggap. Lumaki siyang nahihiya sa kanyang pisikal na itsura at tinatago ang kanyang mukha. Kaya naman sa kagustuhang maiharap ang sarili sa maraming tao nang hindi nahihiya ay nag-aral si Joanna na mag-ayos ng sarili. Natuto siyang mag make-up upang matakpan ang kanyang peklat sa mukha at nagsusuot rin siya ng wig upang matakpan ang peklat sa kanyang ulo na walang buhok.

Noong pumutok ang pandemya, ang lahat ay abala sa social media upang may mapaglibangan at isa na roon si Joanna. Sa tulong ng TikTok ay proud niyang naihaharap ang kanyang sarili sa mga tao ng hindi nahihiya. Isang araw ay napagdesisyunan ni Joanna na ipakita ang kanyang totoong itsura na walang makeup at wig. Ginawa niya ito upang ipahayag ang kanyang karanasan sa bullying at maging panawagan sa mga tao na hindi maganda ang pambu-bully dahil nakaksakit ito ng damdamin at hindi mo naman alam ang kwento ng isang tao upang manghusga.
Maraming nakapanuod ng kanyang video na iyon sa TikTok na umabot ng 31.8 million views na naging dahilan ng pagkakaroon niya ng biglaang pagdami ng followers na umabot na ng higit 500,000 ngayon. Ang kanyang panawagan sa TikTok na “stop bullying please” ay nagpaantig sa mga netizens at nagbigay papuri at paghanga sa kanyang katatagan sa buhay.

Hindi lang dyan natapos ang biyaya ni Joanna dahil nabasa ni Denice Sy Munez, anak ng may-ari ng Ever Bilena, isang sikat na cosmetic brand ang kanyang kwento. Natuwa at humanga ito kay Joanna, lalo na at ang gamit nitong brand ng makeup ay Ever Bilena. Agad niya itong sinabi sa kanyang ama na si Dioceldo Sy, ang presidente at CEO ng Ever Bilena Cosmetics, Inc. Katulad niya ay napahanga at natuwa rin ang kanyang ama kay Joanna kaya naman ginwaran nito si Joanna ng business pagkage worth 50,000 pesos upang makapagsimula bilang isang entrepreneur.
Noong nag-aaral pa lamang si Joanna na matutong mag-make-up ay Ever Bilena na talaga ang kanyang gamit dahil sa maganda nitong kalidad at mura nitong halaga kaya naman hindi lubos akalain ni Joanna nang malaman niya na napansin siya ng may-ari ng Ever Bilena at gusto siya nitong bigyan ng “Pangkabuhayan Package.”

Bukod sa pakakaroon ng Pangkabuhayan Pagkage, siya na ngayon ay legit distributor ng Ever Bilena Direct Sales. Hindi lang yan, dahil sino ba naman ang mag-aakala na ang dating binu-bully noon dahil sa kanyang peklat sa mukha ay magiging modelo na ng Ever Bilena Cosmetics na isang sikat na brand ng make-up dito sa Pilipinas?
“Yung akala mong hanggang dyan ka na lang, at walang wala ka na, bigla kang isusupresa ni Lord at bibigyan ng napakalaking blessing. Dating inaapi at nagtatago sa mga wig, ngayon ay nakapag-model para kay Ever Bilena Cosmetics. Na-awardan pa ni Sir Dioceldo Sy at Ms. Denice Sy Munez ng pangkabuhayan business package, at naging legit na distributor na ng Ever Bilena direct sales.”

Masayang-masaya si Joanna sa malaking pagbabago sa kanyang buhay. Hindi niya lubos akalain na ang dating mahiyain at nagtatago lamang sa make-up at wig ay entrepreneur na at isa pang modelo ng sikat na cosmetic brand. Patunay lamang ito na walang imposible basta’t hindi susuko. Magtiwala lamang sa Panginoon ay siguradong may darating na biyaya na nararapat para sa iyo. Hindi basehan ang itsura upang maabot ang pangarap basta may tiwala sa sarili at determinasyon malayo ang iyong mararating.
“Wag tumigil mangarap. Ano man pinagdadaanan mo ngayon, may dahilan dyan ang Diyos. Wag kang susuko. Lumaban lang palagi. Malayo pa ang mararating natin,” payo ni Joanna.