Ang pagkakaroon ng maitim na kulay ng balat ay naging parte na ng diskriminasyon ng ilang dekada. Itinuturing ang maitim na balat bilang pangit at kahit kailan ay hindi maituturing na maganda. Ngunit sa pagdaan ng maraming taon ang mga tao ay naging bukas na para sa mga taong may maiitim na balat at nagkaroon ng reyalisasyon sa tunay na kagandahan nilang taglay.

Si ‘Anok Yai’ ay isang sikat na fashion model, itinuturing siya na isa sa pinakamaganda at pinakamahal na modelo ngayon. Halos lahat ng kilala at sikat na luxury brands ay kanya ng nai-modelo katulad ng Prada, Chanel, Saint Laurent, Versace at marami pang iba. Madalas rin siyang cover girl ng mga sikat na fashion magazine tulad ng Vogue. Nakasama niya rin sa pagrampa at pag-momodelo ang mga kapwa sikat na modelo na sina Gigi Hadid, Bella Hadid at Kendall Jenner.

Si Anok Yai ay isang Sudanese na ipinanganak sa Cairo, Egypt. Noong dalawang taon pa lamang siya ay lumipat sila ng kanyang pamilya sa Manchester, New Hampshire sa America. Siya ay isang Biochemistry college student sa Plymouth State University at nagnanis na maging doctor sa hinaharap dahil na rin sa impluwensya ng kanyang nurse na ina.
Subalit sino ang mag-aakalang ang isang simpleng university student at walang kaisipan sa pagmomodelo ay biglang sisikat dahil sa nag-viral niyang larawan? Hindi akalain ni Anok na ang simpleng larawan niya na nakuhanan noong taong 2017 ang makakapagpabago ng malaki sa kanyang buhay at magdadala sa kanya sa kasikatan at magbibigay ng karangyaan.

Noong 2017 ay lumipat sa Howard University ang kanyang kaibigan at inimbitahan siya nito na sumama sa Howard’s Homecoming. Pinaunlakan niya ang imbitasyon ng kanyang kaibigan ngunit pinaalalahanan siya nito na mag-ayos at huwag magsuot ng karaniwan niyang pananamit na t-shirt at jeans lang. Kaya naman napilitan siyang magsuot shorts at black sheer top at inilugay ang natural niyang kulot na buhok.
Sa pagkakataong iyon ay hindi akalain ni Anok na maraming makakapansin sa kanya dahil hindi niya nakikita ang sarili bilang maganda. Nagulat na lamang siya dahil maraming gustong magpalitrato at nagsasabing maganda siya. Isa na nga sa mga yun ay ang professional photographer na si Steve Hall na agad napansin at kinuhanan niya ito ng candid photo. Hindi siya nakuntento at nilapitan pa si Anok para humiling ng isa pang kuha.

Sa sobrang pagkamangha ni Steve sa kaganadahan ni Anok ay ibinahagi niya sa kanyang instagram account ang larawan ni Anok. Ang larawang ito ay agad na nag-viral at umani ng maraming atensyon mula sa mga tao at sa mga sikat na modeling agencies. Nagsimulang makatanggap ng maraming mensahe at tawag si Anok mula sa mga modeling agencies at hinihikayat siyang maging modelo.
Walang kumpyansa si Anok sa kanyang sarili kaya naman noong una ay nagdadalawang-isip pa siya na pasukin ang mundo ng pagmomodelo. Lumaki siyang ang nasa isip ay tanging ang mapuputi lamang ang magaganda at ang mga katulad niya na may maitim na balat ay pangit, ngunit dahil sa maraming magagandang komento at suporta ng kanyang pamilya ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na subukan ang modeling.

Si Anok ay naging unang black beauty model na naging opening show ng sikat na brand na Prada noong 2018 matapos kay Naomi Campbell noong 1997 pa. Matapos nga nito ay nagtuloy-tuloy na ang kanyang kasikatan sa industriya ng modeling na naging dahilan para maituring siyang isa sa may pinakamagandang mukha at ngayong ay may 3.5 million US dollars na net worth.

Isang patunay si Anok na ang kagandahan ay hindi nasusukat sa kulay ng balat. Maputi ka man o maitim, ang lahat ay may karapatang mapansin at umangat. Magtiwala lamang sa sariling kakayahan ay maaari kang magtagumpay sa buhay. Naging malaking tulong rin para kay Anok na hindi siya pinabayaan ng kanyang pamilya at patuloy siyang sinusuportahan.