Hindi lahat ng sikat na artista ngayon ay nagmula sa kilalang pamilya na mayaman o kaya naman mula sa angkan ng mga artista. Sa katunayan ang mga pinakasikat na artista ay nagmula sa simpleng buhay at naranasang maghirap bago nila natamasa ang meron sila ngayon. Kilalanin kung sino-sino ang mga ito.
Coco Martin. Siya ay isang kilalang aktor kung saan ay nagmamay-ari ng malaki at napakagandang mansyon ngayon. Ngunit bago niya ito nakamtan ay marami siyang ordinaryong trabaho na pinasok. Si Coco ay dating flyer distributor, waiter at barista. Naging isa rin siyang OFW sa Canada kung saan nagtrabaho siya bilang isang janitor at housekeeper.

Piolo Pascual. Katulad ni Coco, naging isa ring OFW ang kapamilya hunk na si Piolo o mas kilala ring Papa P. Nagtrabaho si Piolo sa Amerika bilang isang emergency room representative. At sino ang mag-aakala na pinasok nya rin ang pagiging security guard at salesman sa Beverly Hills.

Pia Wurtzbach. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na dating child star at modelo si Pia noon bago siya manalong Miss Universe 2015. Si Pia ay naging bread winner ng kanyang pamilya at isa pinagkunan niya noon ng pagkakakitaan ay ang pag-aartista. Ngunit hindi naging maganda ang takbo ng kanyang karera kaya naman nawala siya sa showbiz at nagtrabaho bilang isang waitress at factory worker sa ibang bansa.

Jericho Rosales. Isa sa pinakasikat na aktor at hinahangaan ng lahat ay si Jericho Rosales dahil sa angking kagwapuhan at galing sa pag-arte. Ngunit bago siya pumasok sa showbiz ay isa pala itong tindero ng isda, barker, driver, at waiter sa isang restaurant. Halos lahat ng pangkaraniwang trabaho upang kumita ay kanya na palang napasukan.

Melai Cantiveros. Si Melai ay kilalang host, aktres at komedyante. Siya ay sumikat matapos niyang manalo sa reality show na Pinoy Big Brother. Ikinagulat ng marami na bago pala siya sumali sa PBB ay isa pala siyang guro at may simpleng buhay sa Gensan. Ngunit tila hindi para sa kanya ang pagtuturo dahil mas bumagay ang kanyang personalidad sa mundo ng showbiz.

Kaori Oinuma. Tulad ni Melai ay nakilala si Kaori sa reality show na PBB teen star. Bago sumali si Kaori sa PBB ay dati siyang caregiver sa Japan sa murang edad na 16 years old. Ngayon nga ay isa na siyang hinahangaang artista ng kanyang henerasyon, malayo sa dating buhay na nag-aalaga ng tao.

Nikko Natividad. Nakilala si Nikko bilang Hashtag Nikko ng noontime show na It’s Showtime at nagbukas din ito ng oportunidad upang mag-artista siya. Ngunit bago pa man siya napasama sa Hashtag ay dati na siyang waiter at sumubok rin umanong maging isang OFW sa UAE.

Marvin Agustin & Diether Ocampo. Ang dalawang batikang aktor na ito na sumikat bilang leading men noong 90s at early 2000s ay dati palang waiter at bartender. Sino ang mag-aakala na ang tinitilian ng maraming kababaihan ay dating nagseserve sa restaurant?


Patunay lamang ito na kahit sino ay pwedeng pumasok sa mundo ng showbiz at sumikat basta may talento. Lahat ay posible basta may pangarap at handang magsumikap sa buhay.