Miniature Art, Naging Daan Upang Makaahon sa Depression ang Isang Artist

Bilang isang tao, normal sa atin na makaramdam ng pagkalungkot o pagkalugmok sa buhay. Sa mga ganitong sitwasyon maraming ibat-ibang paraan upang makayanan natin ang mga pinagdadaanan sa buhay, tulad ng pagta-travel o kaya naman ay sumubok ng bagong mga bagay tulad ng pagluluto o pagpipinta.


Isang artist mula sa Mabalacat City, Pampanga ang sumubok ng bagong paraan upang malagpasan niya ang naranasang depression noong nagkaroon ng pandemya. Imbes na magpakalunood siya sa depression ay ginawa niya itong dahilan upang makagawa ng magagandang obra.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Si Nhoda Muñoz ay isang tattoo artista simula 2014 bago nagkaroon ng pandemya sa ating bansa. Dahil sa lockdown nawalan siya ng trabaho at mapagkakakitaan kaya naman aminado siyang nahirapan siya sa buhay.


“As a tattoo artist nawalan ako ng kita ng mga panahon na ‘yun so talagang tinamaan ako ng matinding depression. Nandun na pumasok ‘yung paano na? Paano ‘yung ganito, paano ‘yung kinabukasan, paano ‘yung bukas?” saad ni Nhoda.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Dahil walang ginagawa si Nhoda noong mga panahon na iyon ay naisipan nyang gumawa ng miniature art ng mga ibat-ibang klaseng bahay dito sa Pilipinas. Ginamit niya ang kanyang pagiging malikhain upang may mapagkaabalahan at ilihis ang kanyang atensyon mula sa depression.


“December 2020 nung inumpisahan ko ‘yung una kong artwork na tinatawag kong ‘Bahay Juan,’ bahay ng mga matitibay na Pilipino. Sino nagturo sa’kin o sino nag build up sa’kin? Siguro ‘yung naging sakit ko kasi tinamaan ako ng matinding depression, anxiety during the lockdown nito ngang pandemic,” kwento ni Nhoda.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Nais sana ni Nhoda na magpinta, ang ipinta ang kanyang mga nararamdaman sa canvas gamit ang ibat-ibang kulay ng pintura at paint brush, dahil mas malapit ito sa ginagawa niyang pagta-tattoo. Subalit wala umanong mga gamit sa pagpipinta si Nhoda at wala rin siyang pambili ng mga materyales noong mga panahon na iyon, kaya naman napunta siya sa paggawa ng mga miniature art o diorama gamit ang mga recycled materials na nakita niya sa kanyang paligid.


“Gusto kong ipinta ‘yung nararamdaman ko sa canvas, i-paint ko ‘yung ano ‘yung feelings ko nung mga panahon na ‘yun pero wala akong choice. Kasi wala akong mabibiling art materials lalong lalo na wala akong pera nung panahon na ‘yun, talagang gipit na gipit talaga,” pagbabalik tanaw niya.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Gamit ang mga bagay na patapon na at mukhang hindi na mapapakinabangan ay ginawa itong likhang sining ni Nhoda. Sino ang mag-aakala na ang magagandang bahay na tila mga laruan sa liit ay gawa pala sa basura.


“Yung ginamit ko sa “Bahay ni Juan” is made by 100% recycled materials talaga. Bigla na lang talaga siyang pumasok sa isip ko na gusto ko bumuo ng ganitong klaseng artwork. Gusto ko ‘yung konsepto ng bubuuin ko ‘yung nahahawig sa bahay namin noon o ‘yung mga bahay na nakikita ko nung bata ako.”

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Naging inspirasyon ni Nhoda ang dating itsura ng kanilang bahay at mga bahay na nakikita niya sa kanyang paligid para mabuo ang kanyang first miniature art na pinangalanan niyang “Bahay ni Juan” Mapapansin na ang itsura nito ay ang tipikal na bahay ng pangkaraniwang Pilipino dahil sinisimbolo daw nito ang kanyang pagka-Pilipino.


“Yung mga tinatawag natin na informal settlers, ‘yung mga barong barong, ‘yung squatter, yes ako po ‘yan. Kaya nga ganito ‘yung mga konsepto ng dioramang nilalabas ko, sini-symbolize lang po n’yan ang pagkatao ko,” paliwanag niya.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Naging daan umano ang paggawa niya ng diorama upang malagpasan ang pinagdadaanan niyang depression noon. Nagsilbi umano itong therapy sa kanya na tumulong upang makabangon siya sa matinding kalungkutan.


“Ginawa ko ‘tong brain therapy eh, para labanan ‘yung depression ko. Hindi ko lang akalain na possible pala na magiging source of income ko ‘to.”

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


Sa hindi inaasahang pakakataon ay maraming nagka-interes sa ginagawa niyang miniature art o diorama na naging daan upang magbukas ng bagong opurtunidad sa kanya. Sa kasalukuyan ay ito na ang kanyang naging kabuhayan bukod sa pagta-tattoo.


“Mga US Citizen na mga Pilipino na na-appreciate nila ‘yung mga ganitong artwork mostly sa mga client ko, pinagdaanan din nila ‘yung mga ganitong klaseng buhay or pamumuhay ng mga panahon na ‘yun.”


Marami sa kanyang mga kliyente ay mga Pilipinong nakaahon sa kahirapan at nagbabalik-tanaw mula sa kanyang mga gawang miniature art. Marami ang nagpapagawa at bumibili ng kanyang mga likhang sining dahil nagpapaalala ito ng simpleng buhay ng isang Pilipino.

Credit: Facebook/Nhoda Muñoz


“Gumawa tayo ng sining, magpinta tayo, ibigay natin ‘yung nasa isip natin, nasa puso natin sa mga artwork. And someday mapapakilala natin ‘yung pangalan natin, ‘yung mga artwork natin na walang nilalabas na boses gamit ‘yung mga creations na binubuo natin. Tuloy lang natin,” payo ni Nhoda sa lahat.


Si Nhoda ay patunay na lahat ng pinagdadaanan natin ay kaya nating lagpasan. Huwag tayong sumuko sa buhay at gumawa tayo ng mga bagay na makakapagpasaya sa atin. Huwag tayong matakot na sumubok ng mga bagong bagay, dahil maaaring pwede itong maging dahilan upang magbukas ang bagong pinto ng pag-asa sa ating buhay.


%d bloggers like this: