Isa sa mga pangunahing kailangan upang makapagturo ang isang guro ay dapat pasado ito sa LET o Licensure Examination for Teachers. Hindi madaling pagsusulit ang LET kaya kailangan ng matinding pagre-review upang makapasa dito. Marami ang hindi nagtatagumpay sa unang subok kaya’t sumusubok pa rin ng ilang beses.
Isa na dito ang guro na si Teacher Gennie Victoria Panguelo na isang katutubong Aeta mula sa Tarlac. Taong 1987 nang makapagtapos siya ng pag-aaral at nakapagsimulang magturo sa kanyang mga kapwa Aeta noong panahon na iyon. Hindi pa noon mahigpit ang gobyerno kaya’t nakakapagturo pa rin si Teacher Gennie kahit hindi pa siya lisensyadong guro.

Taong 1990 noong una siyang kumuha ng LET ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nagtagumpay. Gayunpamnn, nakapagpatuloy pa rin siya sa pagtuturo. Ngunit alam ni Teacher Gennie na importante ang makapasa siya sa LET dahil dagdag ito sa kanyang kredibilidad.
Sa paglipas ng mga taon lalong nahirapan si Teacher Gennie na makapasa sa LET dahil humigpit ang gobyerno at mas humirap pa ang exam. May mga pagkakataon na pinanghihinaan na siya ng loob ngunit kumakapit pa rin siya dahil pangarap niya ang pagtuturo.

Hindi rin naiwasan na makatanggap siya ng mga panghuhusga mula sa ibang tao at kinukwestyon ang kanyang kakayahan bilang isang guro. Masakit man sa kanyang damdamin ay hindi siya nagpadala at ipinagpatuloy ang pagkuha ng exam taon-taon.
“Sinasabi nila matanda ka na, ‘di ka pa pumapasa. Ano ba yan, maputi na ang buhok mo, di ka pa rin nakapasa,” kwento ni Teacher Gennie.

Ang mga pang-iinsulto na kanyang natanggap ay ginawa niyang motibasyon upang mas magsumikap na makapasa. Hindi naman siya nabigo dahil pagkatapos ng kanyang ika-25 beses na pagkuha ng exam ay sa wakas pumasa na si Teacher Gennie. Taong 2016 ipinagkaloob sa kanya ng Maykapal ang biyayang makapasa na bunga ng kanyang ilang taong pagsusumikap.
“Try and try until you succeed,” ika nga nila. Hindi importante kung ilang beses kang nadapa, ang importante ay kung ilang beses kang bumangon at nagtagumpay.

Si Teacher Gennie ay isang patunay ng determinasyon at hindi pagsuko sa buhay. Ngayon ay isa na siyang ganap na guro na lubos niya ring ipnagpapasalamat sa Maykapal at sa mga taong naniwala at hindi napagod na suportahan siya.
Payo ni Teacher Gennie na kapag may pangarap ay huwag mahiyang bumagsak bastat bumangon lang muli. “Sa mga kabataan na tulad kong nanghangad na maging titulado, huwag po kayong manghinayang. Kapag bumagsak, bumangon ulit. hasi hindi lang nakukuha sa isang pagkakataon, kailangan natin ng tunay sa loob, sinseridad, at pagtitiyaga.”

Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy ni Teacher Gennie ang kanyang pagtuturo sa Tarukan Elementary School sa mga batang Aeta sa Tarlac. Para sa kanya, bilang isang Aeta siya dapat ang unang magpahalaga sa kanyang mga kapwa katutubo, at hindi niya naisip na lumipat ng ibang lugar at magtrabaho sa mas malaking paaralan sa syudad pagkatapos makapasa sa LET.