Tuesday Vargas, Proud at Hindi Ikinakahiya ang Pagiging Online Seller sa Kabila ng Pagiging Artista

Si Marizel Sarangelo-Placido o mas kilala bilang Tuesday Vargas ay isang aktres, host, singer at komedyante mula sa TV5 Network. Sa kabila ng pagiging artista ay pinasok niya na rin ang mundo ng online selling, at hindi ikinahihiya ang ginagawang ito kahit na maraming humuhusga sa kanya.

Hindi maipagkakaila na dahil sa pandemya ay naapektuhan rin ang trabaho ni Tuesday sa showbiz. Nahinto pansamatala ang kanyang mga proyekto at nang dumating ang ‘new normal’ ay hindi rin siya nakabawi agad. Isa sa naging paraan ni Tuesday bilang wais na ina ay pasukin ang pag-o-online selling kung saan ay nagbebenta siya ng kanyang mga preloved items.

Credit: Instagram / tuesday_v

Nito lamang ay nagbigay ng paliwanag si Tuesday sa kanyang Facebook post kung bakit nag-o-online selling siya sa kabila ng pagiging artista. Ayon sa kanya, simula umano nang magsimula siyang mag-online selling ay marami ang nagpapadala ng mensahe at nagtatanong kung bakit niya ito ginagawa.

“May mga nag PM sa akin at tinatanong bakit daw ako nagla-live selling pa eh artista na daw ako. Simple lang naman po.”

Credit: Instagram / tuesday_v

Para sa marami, nakakapagtaka umano kung bakit siya nag-o-online selling dahil artista naman siya at inisip ng mga tao na marami siyang pera. Nakakatanggap si Tuesday ng panghuhusga kung saan masakit ito para sa kanya lalo na at wala naman siyang ginagawang masama at para ito sa kanyang pamilya.

“Sa loob ng dalawang oras ng live selling meron na akong pang bayad ng internet at pang-grocery,” sagot ni Tuesday.

Credit: Facebook / Tuesday Vargas

Bukod sa nakakatulong sa kanyang pinansyal na pangangailangan ang pag-o-online selling, natutulungan rin umano siya nito na mabawasan ang kanyang mga gamit na hindi niya na ginagamit. Imbes na nakatago at masira lamang ang mga gamit na hindi niya na ginagamit, mas mabuti umanong ibenta niya ito at pakinabangan ng ibang tao na mas nangangailangan.

“Napakadami ko pong gamit at damit na hindi na po napapakinabangan, maaari pa itong magkaroon ng pangalawang buhay sa miners natin,” dagdag ni Tuesday.

Credit: Instagram / tuesday_v

Ang pinaka-importante daw sa lahat ay wala siyang ginagawang masama dahil marangal ang pag-o-online selling. Hindi dapat minamaliit at hinuhusgahan ang trabahong ito dahil marami nang natulungan ang online selling, panawagan at pag-explain ni Tuesday sa mga netizens.

“Marangal na kabuhayan ang pagbebenta at hindi ko ito ikinakahiya. Lahat ng oras na libre ay ginagawa kong kapaki-pakinabang dahil nanay ako at gusto kong punuan ang pangangailangan ng pamilya ko.”

Credit: Facebook / Tuesday Vargas

Nagpapasalamat naman si Tuesday sa lahat ng taong sumuporta sa kanya at hindi siya hinusghan, pati na rin ang mga taong tumatangkilik sa kanyang mga binebenta. Malaking tulong umano sila sa kanya at kanyang pamilya.

“So yun na nga po. Huwag pong magtaka or husgahan ang aking ginagawa. Sa lahat naman po ng mga tumatangkilik, salamat po talaga sa inyo. Malaking tulong ito sa pamilya namin.”

Credit: Facebook / eTUESera

Mabibili ang mga ibinebenta ni Tuesday sa kanyang Facebook page na eTUEsera, kung saan nagbebenta siya ng mga fashionable na damit na nagkakahalaga ng 99 pesos pataas lamang. Nagpahayag din si Tuesday ng kanyang pagsaludo sa lahat ng online seller, dahil tunay na nakakamangha ang pasukin ang mundong ito ng buong tapang.

“Mabuhay ang lahat ng small business owners! Saludo po ako sa inyo.”