Si ‘Pokwang’ ay kilala bilang aktres, komedyante at host mula sa ABS-CBN Network at ngayon ay nasa GMA Network na. Bukod sa kanyang karera sa showbiz, siya rin ay kilala bilang isang asawa ng Amerikanong si Lee O’Brian at ina ng cute na si Malia.
Nito lamang ay ibinahagi niya sa Youtube Channel ni Ogie Diaz ang nakakagulat na pangyayari sa kanyang buhay. Hindi niya inakala na siya ay maloloko ng isang tao na pinagkatiwalaan niya nang matangayan siya ng halagang 58,000 pesos.

Bilang breadwinner ng kanyang pamilya, mahalaga para kay Pokwang ang bawat sentimo mula sa kanyang pinagtrabahuan. Sa kanilang doseng magkakapatid, siya ay nagsumikap na mabigyan sila ng maayos na buhay kaya’t todo kayod siya sa showbiz magmula pa man noon. Hanggang sa siya ay nagkaroon ng sariling pamilya ay nanatili ang kanyang pagiging masikap sa pagtatrabaho.
Bukod sa kanyang trabaho sa showbiz ay isa rin siyang mapagmahal at responsableng asawa at ina. Mayroon din siyang mga negosyo na itinayo upang pandagdag kabuhayan. Nagsimula ang kanyang pagnenegosyo noong nagkaroon ng pandemya dahil isa siya sa mga artista na naapektuhan ang trabaho kaya’t sinubukan niyang pumasok sa pagbebenta ng kanyang mga homemade products. Naging malaking tulong ang kanyang negosyo upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan noong panahon na wala siyang proyekto sa pag-aartista.

Isa sa kanyang naging negosyo ang lechon manok dahil sa masarap niyang recipe. Ngunit hindi pala naging maganda ang simula ng negosyo niyang ito matapos siyang maloko ng taong kanyang pinagkatiwalaan. Nagpagawa umano siya ng chicken griller machine na ginagamit sa pagle-lechon ng mga manok, ngunit imbes na siya ay masiyahan ay naloko pa siya. “Kung nanunuod ka, hinayupak ka!”
Nagbayad umano siya ng buo para sa chicken griller machine na nagkakahalaga ng 58,000 pesos ngunit walang dumating. Ilang beses niya umano itong tinawagan ngunit hindi sumasagot at pinuntahan pa nga nila sa Caloocan kung saan ito nakatira pero hindi niya nakita.

“Ipina-Tulfo ko sana yang hayup na yan, eh! Naawa na lang din ako.”
Hindi nagustuhan ni Pokwang ang ginawa sa kanya ng taong ito kaya binalak niya pang ipa-Tulfo ito dahil hindi biro ang 58,000 na nawala sa kanya. Ngunit nang makita niya sa Facebook ang kalagayan ng taong iyon ay nawala ang kanyang galit at siya ay naawa na lamang kaya hindi na niya itinuloy ang pagpapa-Tulfo.
“Pero nung tiningnan ko sa Facebook yung kalagayan nila, nawala yung galit ko.”

Ang taong ito umano ay dati nang nagtrabaho sa kanya noong may pinagawa siya sa kanilang kusina. Maayos naman daw itong kausap at nasiyahan siya sa trabaho nito. Kaya naman kinuha niya ulit ito na magtrabaho para gumawa ng chicken griller machine para sa kanyang negosyo. Kaya masakit para kay Pokwang ng imbes na gawin ng maayos ang trabaho ay niloko pa siya at tinangay ang kanyang pera.
“Naiinis pa rin ako kasi parang feeling ko tinutulungan ko na kayo eh.” Binigyan niya ito ng trabaho at balak niya rin sana itong i-post sa social media upang marami pang magpagawa ng mga customized na gamit sa taong ito, kaya nalulungkot si Pokwang dahil sa kabila ng kanyang kabutihan ay panloloko lamang ang isinukli sa kanya.

Sana daw ay nanghingi na lamang ito ng tulong sa kanya dahil handa naman siyang tumulong at hindi na lang nanloko. Bilang isang tao na nagsusumikap rin sa buhay at pinipilit makabangon dahil sa pandemya, masakit para kay Pokwang ang nangyaring ito sa kanya. Hindi niya nga napigilan ang umiyak habang ibinabahagi ang kwento sa kanyang kaibigan na si Ogie.
“Yun kasi ang mahirap, Mare. Kapag alam nilang artista ka, ang pumapasok agad sa isip nila, kumikita ng pera yan.”
Isa daw ito sa mga nakakalungkot na kaisipan para sa mga artista na iniisip ng lahat na sila ay mapera o mayaman kaya ayos lang na mangloko. Pahayag ni Pokwang, pinaghihirapan at pinagpupuyatan niya umano ang kinikita niyang pera, dapat daw ay magtulungan sila at hindi maglokohan.

Ngunit mukhang natural ang pagiging mabuting tao ni Pokwang dahil kahit nga naloko na siya ay nagawa niya pang maawa. Hinayaan na lamang niya ang perang natangay sa kanya dahil mukhang kailangan na kailangan talaga nito ang pera, nakakalungkot nga lang at sa ganung paraan pa. “Ipagpasa-Diyos na lang,” saad ni Pokwang at hiling niya na sana ay siya na ang huling biktima ng taong iyon.
Hindi naman naging hadlang ang pangyayari na ito upang panghinaan ng loob si Pokwang sa kanyang negosyo. Ipinagpatuloy niiya ang lechon manok business at kumuha siya ng bagong tao na gagawa ng chicken griller machine. Naging aral din umano ito sa kanya na huwag basta magtiwala sa mga tao at huwag basta magbitaw ng buong pera hanggat walang resulta na naibibigay sa kanya.