Sugar Mercado, Proud at Masaya Bilang Single Mom sa Kanyang Dalawang Anak

Si Sugar Mercado ay nakilala bilang myembro ng sikat na grupong ‘Sexbomb Girls’ na nagsimula sa longest running noontime show na Eat Bulaga. Naging maganda ang kanyang karera bilang dancer at nagkaroon din ng pagkakataon na maging isang artista.

Credit: Instagram / sugarmercado7

Hindi maipagkakaila na may taglay na ganda at kaseksihan si Sugar kaya naman bukod sa galing niya sa pagsayaw at pag-arte ay nakitaan rin siya ng potensyal sa hosting dahil sa kalog at madaldal niyang personalidad. Kinuha sya ng sikat na TV host na si Willie Revillame bilang co-host nito sa programang ‘Willing Willie’ upang makatuwang sa pagbibigay ng saya sa mga manunood.

Matatandaan noon na nagkaroon ng isyu si Sugar at Willie na mayroon umanong relasyon ang dalawa, na itinaggi naman ni Sugar. Ang malapit na relasyon nila ni Willie ay dahil itinuturing niya na itong tatay dahil sa pagiging mabuti nito sa kanya at sa lahat ng naitulong nito sa kanyang buhay.

Credit: Philippine News

“Para ko nang tatay iyon, para siyang tatay sa lahat, kuya siya ng lahat. So, mao-open mo sa kanya lahat, tsaka sobrang bait niya,” saad ni Sugar.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na talagang mabait ang TV host na si Willie. Marami na siyang taong natulungan dahil sa kanyang mga shows, kaya marami rin ang nagtanggol na netizens sa dalawa. Sadyang mabait na tao talaga si Willie kaya naman hindi maiwasan na mabigyan ito ng malisya ng ibang tao.

Credit: Instagram / sugarmercado7

Ayon pa kay Sugar, malaki ang pasasalamat niya kay Willie dahil ito ang dahilan kung bakit umusad ang karera niya sa showbiz. Dahil hindi na aktibo ang kanilang grupong Sexbomb noon, ang kanyang pagiging co-host ay napakalaking tulong para maipagpatuloy niya ang pagso-showbiz at kumita para sa kanyang pamilya.

“Maligayang kaarawan, Wil. Patuloy ka pong palakasin at ingatan ng Panginoon, sana ay marami ka pa pong matulungang tao na salat sa buhay. Napakabuti ng puso mo, salamat isa po ako sa marami mong natulungan. Araw-araw ka po naming pagdadasal. Happy birthday, Wil. Mahal ka naming lahat, Kuya Wil,” pagbati ni Sugar sa nakaraang kaarawan ng TV host.

Credit: Instagram / sugarmercado7

Si Sugar ay bunso sa apat na magkakapatid, ganun pa man ay nagsilbi pa rin siyang breadwinner ng kanyang pamilya. Napakalaking tulong sa kanya ng showbiz dahil napatayuan niya ng two-storey house ang kanyang pamilya sa Cavite dahil dito.

Ikinasal siya noon sa kanyang kasintahan na si Kristoffer Jay Go at ang kanilang pagsasama ay nagbunga ng dalawang babaeng anak, na sina Gabrielle at Olivia. Ngunit hindi nagtagal ay naghiwalay rin ang dalawa noong 2015 matapos mapabalitang sinasaktan si Sugar ng kanyang asawang si Kristoffer na sinampahan nga niya ng kaso dahil sa paulit-ulit na pananakit nito sa kanya.

Credit: Instagram / sugarmercado7

Makalipas ang ilang taon, maayos na umano ang relasyon ni Sugar sa ama ng kanyang mga anak. Hindi man nagkabalikan ay masaya na si Sugar na nasa poder niya ang mga anak, at kahit papaano ay wala ng gulo sa pagitan nila ng dating asawa.

Sa kasalukuyan ay makikitang masaya at proud si Sugar sa kanyang pagiging single mom. Makikita nga sa kanyang Instagram account ang masasaya nilang larawan ng kanyang mga anak na madalas niyang ibahagi. Ipinapakita ni Sugar na kahit single mom siya ay masaya pa rin siya sa kanyang buhay, at hindi niya naman daw isinasara ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig.

Credit: Instagram / sugarmercado7

May mga pagkakataon pa rin daw na hinahanap ng kanyang mga anak ang kanilang ama, ngunit maayos niya namang ipinapaliwanag at ipinapaintindi sa mga bata ang sitwasyon upang hindi malungkot ang mga ito. Kahit single mom siya ay sinisigurado niya pa ring napupunan niya ang mga pangangailangan ng mga anak at lumalaki ang mga itong masaya sa kanyang poder.