Mag-Asawang Security Guard, Naipasa ang LET at Mga Ganap Nang Guro Ngayon

Ang pagiging security guard ay hindi madaling trabaho dahil maghapon itong nakatayo. Paano pa kung kasabay ng pagiging security guard ay nag-aaral ka rin para sa Licensure Exams for Teachers o LET? Katulad na lamang ng mag-asawang ito na matiyagang pinagsabay ang trabaho bilang security guard at pagre-review para sa exam.

Si Reyner at Nurhima Bahulluk ay mag-asawang nagtatrabaho bilang security guard. Kasabay ng kanilang pagtatrabaho ay matiyaga din nilang isinasabay ang pag-aaral para sa LET upang matupad ang kanilang pangarap na maging ganap na guro. Kahit mahirap ang sitwasyon nila, hindi sila sumuko at nagpatuloy para matupad ang kanilang pangarap.

Credit: Facebook / Philippine Star

“Sobrang hirap po ng set-up namin. ‘Yung preparation sobrang hirap. ‘Yung time na nagpre-prepare lahat siguro ng paraan ginawa ko na—sulat sa papel, magsulat sa pader na rin at ‘yung mga notes, gumagawa ako ng mga notes sa papel, tapos binabasa ko ‘yon sa oras ng trabaho,” kwento ni Reyner.

“Kahit nakatayo, kahit makita ko lang doon sa table ko, binabasa basa ko tinatandaan ko ‘yung mga importante,” dagdag niyang saad.

Credit: Facebook / Philippine Star

Nakapagtapos ng Bachelors Degree in Fishery Education si Reyner noong taong 2015. Nakilala niya ang kanyang asawa habang siya ay nag-aaral sa kolehiyo at pinakasalan ito bago siya nakapagtapos. Kasabay noon ay tinulungan niya rin ang kanyang asawa na si Nurhima na makapagtapos sa kursong Elementary Education.

Habang hindi pa nakakapasa sa LET ang mag-asawa ay nagtrabaho muna sila bilang mga security guards. Habang nagtatrabaho ay nag-aaral din sila. Inamin nilang napakahirap magtrabaho habang nag-aaral lalo na at nakatayo pa sila buong araw, ngunit kahit mahirap ay patuloy lamang para sa pangarap.

Credit: Facebook / Reyner Bahulluk

Sabay silang kumuha ng LET noon ngunit parehong hindi nagtagumpay na makapasa. Ngunit nito lang taong 2019 ay matagumpay ng nakapasa ang asawa ni Reyner na si Nurhima sa pangalawang pagsubok nito. Agad itong umalis sa trabaho bilang security guard at nagtrabaho bilang volunteer teacher sa Sulu.

Naiwan si Reyner bilang security guard at patuloy pa rin siyang nag-aaral. May mga pagkakataon umano na pinanghihinaan na siya ng loob lalo na at nakakatanggap ng pangmamaliit sa ibang tao. Mabuti na lang at andyan ang kanyang asawa na pinapalakas ang kanyang loob.

Credit: Facebook / Reyner Bahulluk

“Kami mga Muslim naja-judge na agad. Ang liit ng tingin ng iba sa amin. Parang sa tingin nila parang patapon na ba talaga? Security guard na lang. Sabi ko na lang sa asawa ko, ‘wag mo na lang [pansinin]. Positive na lang. Ito na lang ang isipin natin, sila ang may problema.

Hindi naman nabigo si Reyner dahil pagkatapos ng anim na beses, ay sa wakas nakapasa na siya sa LET at isa nang ganap na guro. Balak niyang mag-apply ng trabaho bilang guro malapit sa kanyang pamilya upang makasama niya na ang mga ito. Masayang-masaya si Reyner dahil nagbunga na ang kanyang pagsisikap at ilang taong paghihintay. Malaki ang pasasalamat niya sa mga taong naniwala sa kanya, lalo na sa kanyang asawa na patuloy siyang sinuportahan.

“Congratulations! You deserve it Kuya.”

“Try and try until you succeed, walang imposible sa taong hindi sumusuko.”

Credit: Facebook / Philippine Star

“Congrats po sa inyo! Isa kayong magandang halimbawa sa lahat, keep it up.”

“Sa mga katulad ko lalong-lalo na sa sa mga security guard, alam nila gaano kahirap ang maging security guard. Lalong lalo na di tayo mataas sa paningin nila. Pero basta alam natin nasa tama tayo, alam natin ang ginagawa natin, respeto pa rin sa kanila para irespeto din nila tayo,” payo ni Reyner.

“At tyaka wag basta-basta susuko, lahat may paraan basta pursige at syempre wag kalimutan magdasal sa Panginoon,” dagdag pa niya.

Isang patunay si Reyner na bastat may buhay ay may pag-asa. Huwag basta sumuko kapag nadapa ng isang beses, sa halip ay gawin itong aral at motibasyon upang magpatuloy. Kahit mahirap laging isipin na para ito sa iyong pangarap.