Ang mami ay isang kilalang street food at on-the-go food dito sa Pilipinas. Madalas kang makakakita ng mga cart sa tabi ng kalsada na nagtitinda ng mami. Patok na patok ito sa mga Pinoy dahil bukod sa mura, ay masarap at nakakbusog pa ito.
Ngunit huwag maliitin ang mami dahil nakapaghahatid pala ito ng malaking kita na pwedeng makapagpabago ng buhay mo. Katulad na lamang ni Jim Delos Santos o Mang Jim na isang mami vendor na kumikita lang naman ng 100,000 pesos kada araw sa kanyang mamihan.

Ayon kay Mang Jim, nagsimula lang umano siya sa puhunang 2,000 pesos. Nagsimula niyang ibenta ang kanyang sariling mami recipe sa kariton kung saan matiyaga niya itong inilalako sa kalsada. Mula Cavite hanggang sa Maynila ay masikap niyang tinutulak ang kariton ng mami at ibinebenta sa daan at sa mga tao, at kalaunan ay nakabili siya ng sidecar.
“Nagsimula po ako sa kariton. Galing Cavite ay niluwas ko pa sa Maynila. Mula sa kariton, nakabili ako ng sidecar,” kwento ni Mang Jim.

Nagustuhan ng mga tao ang kanyang mami recipe dahil masarap at hindi umano ito nakakasawa. Bukod sa mura ay talagang nakakabusog at sulit pa. Nagkaroon ng maraming suking customer si Mang Jim na laging hinahanap ang kanyang mami.
Hindi nagtagal ay nahirapan na umano si Mang Jim na maglako ng mami sa kalsada lalo na at nakakapagod ang maglakad mula Cavite hanggang Maynila. Kaya naman nagsumikap sya lalo upang makapag-ipon at makapagpatayo ng sarili niyang pwesto ng mamihan. Hindi naman siya nabigo at sa wakas ay nakapagpatayo na nga ng sarili niyang mamihan, kung saan siya na ang dinadayo ng mga customers at hindi niya na kailangan maglakad pa ng malayo.

Katulad ng dati noong siya ay nagtitinda pa lang ng mami sa kariton at sidecar, tinangkilik rin ng mga tao ang kanyang bagong pwesto. Mas maraming customers ang napagsisilbihan ni Mang Jim dahil maluwag na ang lugar at wala na siya sa gilid ng kalsada. Gayunpaman, hindi parin maiwasan na may mga customers na nakatayo habang kumakain ng mami dahil wala ng maupuan sa dami ng customers kaya tinawag itong “maming tayo” (mami+standing).

Sa kabila ng kanyang tagumpay ay nanatiling mapagkumbaba si Mang Jim at nagawa pang tumulong sa iba. Dahil nagmula siya sa hirap alam niya daw ang pakiramdam, kaya naman kapag may pagkakataon ay naglalahad siya ng tulong sa iba. Hindi rin umano siya mahilig bumili ng mamahaling bagay kahit malaki na ang kanyang kita, alam niya daw ang halaga ng pera kaya naman mas gusto niyang gastusin ito sa mas importanteng bagay.

“Ang perang ito ay pinapadaan lang ng Diyos sa akin para makatulong sa kapwa,” saad niya.
Isang magandang patunay si Mang Jim na lahat ay posible basta’t may pagsusumikap sa buhay. Kahit mahirap huwag basta sumuko at magtiwala lamang sa proseso dahil nakikita ng Panginoon ang ginagawa mo. At sa oras na narating na ang tagumpay ay huwag kalimutang lumingon sa pinanggalingan at manatiling mapagkumbaba.