Labandera Noon, Milyonarya na Ngayon Dahil sa Food Cart Business

Pinatunayan ng babaeng ito na walang imposible basta’t may determinasyon at pangarap sa buhay. Sa kabila ng kahirapan at pang-aabuso na naranasan ay hindi siya sumuko at nanatiling matatag. Mula sa pagiging labandera na maruruming damit at timba ang dala, ngayon ay puro pera na ang lagi niyang dala.

Si Cristhel Gardoce Bulabon ay lumaki sa mahirap na pamilya. Sa edad na pito ay nagsimula na siyang alagaan ang kanyang mga kapatid matapos silang iwan ng kanyang magulang. Iniwan sila sa pangangalaga ng kanyang tiyuhin sa Bacolod City, ngunit imbes na alagaan ay pang-aabuso ang kanilang natanggap.

Credit: Facebook / Rated Korina

Ayon kay Cristhel hindi umano sila pinapakain ng maayos at kailangang gumawa ng mabibigat na gawaing bahay bago mabigyan ng pagkain. Mula sa paglilinis ng bahay hanggang sa pag-iigib ng tubig mula sa balon ay ginagawa niya, ngunit hindi pa rin umano sila binibigyan ng sapat na pagkain ng kanyang tiyuhin.

Dahil kulang ang pinapakain sa kanila, natuto si Cristhel na magtrabaho sa mga kapitbahay upang kumita. Naghuhugas umano siya ng plato at nagbabantay ng tindahan at ang konting kita ay ang ipinambibili niya ng kanilang pagkain. Sa kabila nito ay hindi pa rin tumigil sa pang-aabuso ang kanilang tiyuhin.

Credit: Facebook / Rated Korina

Dala ng kanyang pagmamahal sa kanyang mga kapatid at hindi niya na kayang tiisin pa ang pang-aabuso ay nagdesisyon silang umalis sa poder ng kanyang tiyuhin. Tumira umano sila sa maliit na kubo at tumayong magulang ng kanyang mga kapatid. Sa murang edad ay pinasok niya ang ibat-ibang klaseng trabaho upang kumita. Naranasan ni Cristhel na maglako ng mga kakanin sa daan, mangalakal ng basura at maging labandera.

Sa 50 pesos na kita sa paglalaba ng damit ng iba ay pinagkakasya ito ni Cristhel sa kanilang lahat. Napakahirap ng kanilang buhay noon kaya naman naisip niyang magandang desisyon ang magpakasal kahit bata pa, upang matakasan ang kahirapan. Sa kaisipan na magkakaroon na siya ng katuwang sa buhay at tutulungan siya ng asawa sa kanyang mga kapatid ay hindi na siya nagdalawang-isip na pumasok sa buhay may asawa.

Credit: Facebook / Rated Korina

Sa kasamaang palad ay hindi naging maganda ang turing sa kanya ng asawa. Imbes na mahalin at tulungan siya sa buhay ay inabuso rin siya nito katulad ng ginagawa ng kanilang tiyuhin noon. Sa puntong iyon ay halos mawalan na umano ng pag-asa si Cristhel at pinaghihinaan na ng loob. “Naisip ko, ganito ba talaga ang kapalaran ko at ipinanganak akong walang asenso sa buhay?” pagbabahagi ni Cristhel sa Rated Korina.

Lalo lamang lumala ang sitwasyon ni Cristhel at nadamay na rin ang kanyang mga anak kaya naman iniwan niya rin ang mapang-abusong asawa. Nagbago ang lahat matapos niyang makapagtrabaho bilang isang telephone operator sa isang kumpanya. Nabigyan siya nito ng pag-asa kaya naman ay sinubukan niya na rin magtrabaho sa ibang bansa. Matapos makapag-ipon ay umuwi siya sa Pilipinas at sumubok ng ibat-ibang negosyo.

Credit: Facebook / Rated Korina

Nagtayo sya ng computer shop at karinderya, at nagbukas ng isang diving shop kung saan ay natuto rin siyang maging deep sea diver. Unti-unti nang natutupad ni Cristhel ang kaniyang mga pangarap at gumiginhawa na rin ang kanilang buhay, ngunit hindi pa dito natapos ang kanyang pangarap matapos niyang mapagdesisyunan na mag-franchise ng ibat-ibang food carts.

Credit: Facebook / Rated Korina

Ngayon ay nagmamay-ari na siya ng malaking ‘dampa’ restaurant sa Antipolo City at mayroon ng 12 food carts, bar at resto. Ang dating 50 pesos na kita mula sa pagiging labandera ay naging 500,000 pesos na buwan-buwan dahil sa kanyang mga negosyo. Nakapagpatayo na rin siya ng malaking bahay at nagmamay-ari na ng apat na sasakyan.

Credit: Facebook / Rated Korina

Ayon kay Cristhel, lahat ay makakaahon sa hirap basta may determinasyon at pangarap. “Walang taong maghihirap sa taong masikap.” Isa siyang magandang halimbawa na walang imposible kung gugustihin at huwag mawalan ng pag-asa gaano man kahirap ang sitwasyon.