Larawan ng Tatay na Bumili ng Manika Para sa Anak Galing sa Construction, Umantig sa Netizens

Natural sa mga magulang na gawin ang lahat upang mapasaya ang kanilang anak. Kasiyahan ng magulang ang kasiyahan ng anak kaya naman kahit mahirap ang buhay ay pinipilit nilang maibigay ang nakapagpapasaya sa anak. Katulad na lamang ng amang ito na nagpaantig sa damdamin ng mga netizens.

Viral ang mga larawan ng isang lalaki matapos itong makuhanan ng litrato sa isang tindahan na bumibili ng manika. Ang nasabing lalaki ay galing pa umano sa trabahong construction dahil makikita pa ang bakas ng semento sa mga paa nito. Halata umano na nagmamadali ito at sabik sa pagbili ng manika dahil hindi na nag-abala pang maglinis ng mga paa.

Credit: Facebook / Supermom

Hindi napangalanan ang nasabing lalaki ngunit ayon sa nagpost ito ay nangyari sa Tambang, Tinambac sa Camarines Sur. Ang lalaki umano ay isang ama na galing pa sa trabaho at ang manika ay para sa kanyang anak. Tiningnan umano ng lalaki ang mga panindang laruan at napili ang isang manika na nagkakahalaga ng 75 pesos.

Para sa iba, simpleng bagay lang naman ang manikang laruan ngunit para sa amang ito, napakahalaga ng manika lalo na at regalo niya ito sa kanyang mahal na anak. Maliit man ang halaga ng manika at masasabing mura lang, ang importante ay nagmula ito sa pagmamahal ng isang ama.

Credit: Facebook / Supermom

Maliit lang ang sinasahod ng isang construction worker kaya naman bawat piso ay importante sa kanila. Hindi rin biro ang gumastos ng halagang 75 pesos para sa isang laruan na pwede nang ipambili ng ulam, ngunit pinili pa rin ng amang ito na bilhan ang anak ng laruang manika dahil importante sa kanya ang kasiyahan nito.

“Kahit maliit na halaga lang kinikita ko, basta nakakakain ang mga anak ko at naibibigay ko mga gusto at pangangailangan nila, daig ko pa po nanalo sa lotto,” saad umano ng lalaki.

Dahil sa mga larawan at kwento sa likod nito, maraming netizens ang naantig ang puso at natuwa kung kaya’t inulan ng maraming reaksyon at magagandang komento at papuri ang ama.

Credit: 123RF

“Very touching naman, nakakaiyak si Kuya, saludo po ako sa inyo! God bless you always and your family.”

“A father’s love indeed. They will do everything to see their children happy.”

“Ganyan din Tatay ko dati kaya excited ako lagi pag-uuwi siya kasi may dalang pasalubong. I hope lahat ng Tatay ganito.”

“Napakaswerteng bata ng anak niya. Not all children have a father like that. Salute, Kuya.”

“May bata na namang magiging masaya pag-uwi ng papa niya.”

Credit: Facebook / Supermom

Ayon din sa post, malaki umano ang ngiti ng lalaki matapos makapili at mabili ang laruang manika. Halata umanong sabik nang umuwi at ibigay ang kanyang dalang sorpresa. Kahit umano ang tindera ng mismong tindahan ay naantig at natuwa rin para sa lalaki.

Isang magandang halimbawa ang lalaking ito bilang mabuting ama. Ipinakita nya na sa simpleng bagay ay pwedeng makapagpasaya ng isang anak. Hindi kailangan ng magarbo at mamahaling laruan na pasalubong, ang importante ay nagmula ito sa pagmamahal.