Amang Mangangalakal, Nagsusumikap Para sa mga Anak Matapos Iwan ng Asawa Dahil sa Liit ng Kita

Ang mga magulang ay handang magsakripisyo para sa mga anak kahit gaano man kahirap ang buhay. Hindi nila alintana ang pagod at pawis sa araw araw na trabaho, maibigay lang ang pangangailang ng pamilya. Katulad na lamang ng basurerong ito na patuloy na nagsusumikap mangalakal ng basura may maiuwi lang sa kanyang mga anak.

Isang butihing ama ang naabutan ng good samaritan at kilalang influencer na si Shiwen Lim. Ang ama ay nangangalakal ng basura gamit ang kanyang bisikleta at masikap na nag-iikot sa ibat-bang lugar para lang makapaghanapbuhay. Hindi alintana ng ama ang init ng panahon at alikabok ng kalsada, basta kumita lang kahit konti.

Credit: Facebook / Shiwen Lim

Ayon sa lalaki, tanging pagbabasura o pangangalakal lamang ng basura ang kanyang hanapbuhay. Kumikita lamang umano siya ng halagang 30 pesos hanggang 100 pesos sa buong araw na pagbabanat ng buto. Sa maliit niyang kita ay pilit niya itong pinagkakasya na pambili ng pagkain para sa kanyang mga anak.

Tinanong sya ni Shiwen tungkol sa kanyang asawa, ngunit ayon dito ay iniwan siya ng kanyang misis dahil sa klase ng kanyang trabaho. Hindi daw nito gusto ang maliit na kita niya sa pagiging basurero kaya’t lumayas ang misis at iniwan sa kanya ang kanilang mga anak.

“Wala na lumayas na. Walang kita eh. Mahirap ang buhay,” malungkot nitong saad.

Credit: Facebook / Shiwen Lim

Nakakalungkot na sa hirap ng kanyang trabaho na pangangalakal ng basura ay kaunti lang ang kanyang kita. Gayunpaman, hindi ito nawawalan ng pag-asa dahil naghihintay sa kanya ang kanyang mga anak at kailangan niyang magpakatatag. Hindi rin bakas dito ang hirap dahil ngumingiti pa ito habang kinakausap.

Humanga si Shiwen sa pagiging matatag ng lalaki at pagsusumikap nito sa buhay para sa kanyang mga anak. Kaya naman inabutan niya ito ng maliit na halaga upang may pambili ng bigas at masarap na ulam para sa kanyang mga anak. Bakas ang hiya ng lalaki at hesitasyon na tanggapin ang inaabot na pera, ngunit sa huli ay naiiyak niya itong tinanggap at nagpasalamat.

Credit: Facebook / Shiwen Lim

“Hinihintay ka nyan ng mga anak mo? Bibigyan kita pambili ng bigas. Ano bang masarap na ulam para sayo? Kunin mo pa ‘to. Pang extra mo bukas. Bili ka ng maraming bigas. Godbless you, kapatid,” saad ni Shiwen sa lalaki.

Nagbigay rin ng payo at mensahe si Shiwen para sa lalaki upang mapalakas ang loob nito. “Wag ka tumigil magtiyaga, kahit iniwan man tayo ng asawa natin. Laban lang sa buhay, ang mahalaga, ang mga anak mo. Laban lang ng patas… mabait si God, pinadaan ako dito para makita ka. Ingat ka sa daan. Pag tinanong kung saan galing sabihin mo galing kay God, wag samin.”

Marami ring netizens ang nagpahatid ng mensahe upang mapalakas ang loob ng lalaki. Humanga rin sila sa katatagan nito at pinuri ang pagiging mabuti niyang ama.

“Cge lang Tay laban lang po sa buhay, gawin mo lang ang tama. Huwag kang susuko para sa mga anak mo, tutulungan ka po ng Diyos.”

Credit: Facebook / Shiwen Lim

“Marangal na trabaho yan, laban lang Kuya… sa misis dapat tulungan niya ang asawa hindi lang lalaki ang laging kikilos.”

“Mabuti na yan na nagsusumikap ka sa buhay, kesa naman tambay, palamunin, sugarol, babaero at lasenggo. Kahit maliit ang kita ang importante hindi ka gumagawa ng masama.”

Hangad din ng iba pang netizens na may iba pang tumulong sa lalaki at sa mga anak nito. Sana raw ay magkaroon ito ng maayos at bagong trabaho na may sapat na kita upang mas mapalaki ng maayos ang kanyang mga anak. Gayunpaman, kahit maliit ang kita, isang magandang patunay ang lalaki na hindi ito dahilan para gumawa ng masama. Mas mabuti ng mapagod sa buong araw kahit maliit ang kita, kaysa naman galing sa masama ang ipapakain sa pamilya.