Karpintero, Pinahiya at Tinanggihan ng Dealer Pautangin ng Motor Dahil sa Itsura Nito

Sa panahon ngayon, marami pa rin ang nakakaranas ng pangmamaliit at panghuhusga dahil lang sa pisikal na anyo at ayos ng isang tao. Kahit hindi pa lubusang kilala ay hinuhusgahan na at hindi binibigyan ng pagkakataon katulad na lamang ng karpinterong ito na tinanggihan umano ng isang motor dealer na pautangin ng motor.

Nag-viral ang post ng anak na si Jialyn Mapula, matapos umano makaranas ang kanyang ama ng diskriminasyon sa isang kilalang branch ng motor company. Hindi naitago ni Jialyn ang pagkalungkot para sa kanyang ama at ang pagkadismaya sa naranasang panghuhusga.

Credit: Facebook / Jailyn Mapula

“Hindi pinautang si Papa ng motor dahil pumunta siya doon na maalikabok ang suot na damit, madudumi ang mga paa, madumi ang suot na tsinelas, madumi ang kanyang mga kamay, maalikabok ang kanyang buhok dahil sa klase ng kanyang trabaho na kung minsan ay hindi siya nababayaran ng tama. Tinatawaran pa buti sana kung madali lang magbuhat-buhat ng mga kahoy at mga pinto.”

Ayon sa post ni Jialyn, sinamahan niya ang kanyang ama sa isang branch ng Yamaha Motor dealer malapit sa kanilang lugar sa Bukidnon. Balak kasi ng kanyang ama na kumuha ng hulugang motor para magamit sa trabaho nito. Napili nga nito na kumuha ng hulugang motor sa Yamaha Motor dahil naniniwala itong matibay at tatagal ang motor ng nasabing kumpanya.

Credit: Yamaha

Ang ama ni Jialyn ay isang karpintero at may-ari ng isang maliit na furniture shop. Nais nitong kumuha ng motor at kabitan ng side car para magamit sa pagkuha ng mga kahoy at materyales, at sa pag-deliver ng mga gawa nitong furniture. Masaya umano ang kanyang ama at sabik na magkaroon ng motor, ngunit pagdating nila sa nasabing tindahan ay pinaramdam agad ng Motor dealer ang pangmamaliit sa kanyang ama dahil lang sa itsura nito.

Papa: Magandang umaga Sir, gusto ko sanang kumuha sa inyong pautang na motor.

Dealer: Fill-up mo lang to. (While tinitingnan si Papa from head to foot)

Papa: (Tapos na mag Fill-up)

Credit: Motodeal

Dealer: Ano pala trabaho mo Tay?

Papa: Nagkakarpintero lang Sir. Meron din akong maliit na furniture shop.

Dealer: Sige magpapa C.I (credit investigation) nalang kami sa inyo.

Ngunit makalipas ang ilang linggong paghihintay ay wala umanong dumating na mag-ke-credit investigation. Kaya naman bumalik sila ng kanyang ama sa branch ng Yamaha Motor upang ifollow-up ang application ng kanyang ama. Ngunit imbes na magandang balita ang makuha ng kanyang ama ay pangmamaliit ang nakuha nito mula sa motor dealer.

Credit: Facebook / Jailyn Mapula

Papa: Magandang tanghali Sir, follow-up lang sana yung pinasa kong application na pautang, wala pa kasing pumupuntang C.I.

Dealer: Meron ka bang maimpambabayad Tay? Saan mo naman kukunin ang pambayad?

Papa: (Nakayuko dahil nahiya)

Papa: Tara na Jai. Baka doon sa ibang Motor dealer, papautangin tayo. (Naiiyak)

Sobrang sakit umano para kay Jailyn na makita ang kanyang ama na mangiyak-ngiyak dahil hindi naaprubahan ang application nito sa motor. Gustuhin niya mang sumagot upang ipagtanggol ang kanyang ama ngunit hindi niya na ginawa dahil may respeto siya at pinalaking maayos. Nilinaw din ni Jailyn na kahit mahirap lang sila ay kahit kailan wala silang tinakbuhan na utang at nagbabayd sila ng maayos dahil mabuting tao ang kanyang ama at nagsusumikap ito sa buhay mapaaral lang sila.

Credit: Yummy Mummy Club

Hindi rin umano palaayos ang kanyang ama dahil sa uri ng trabaho nito. Mapagkumbaba ang kanyang ama at hindi nito hilig ang mag-ayos at magsuot ng magarang damit, sapat na ang simpleng pambahay lang. Hindi rin nila pinipilit ang ama na mag-ayos dahil ayaw niyang isipin nito na kinakahiya niya ang ama.

Hindi na pinangalanan ni Jailyn ang eksaktong branch ng Yamaha Motor kung saan sila nakatanggap ng pangmamaliit. Nilinaw niya rin na hindi siya nagpost dahil gusto niya ng simpatya kundi para ipaalala sa lahat na hindi tama ang manghusga ng kapwa. Nararapat lamang na ituring ng pantay-pantay ang tao, kahit naka-pambahay o pormal na damit ito. Huwag umanong mangmaliit at manghusga dahil sa pisikal na itsura at anyo.