Ang calamares ay prinitong pusit na nilagyan ng pampalasa at may kasamang sukang sawsawan. Ito ay kilalang street food dito sa Pilipinas na patok sa maraming Pinoy. Sino ang mag-aakalang ang simpleng pusit na ito ay kaya palang makapagbigay ng malaking kita sa isang pamilya?

Isang pwesto na nagtitinda ng calamares sa Sta. Ana, Manila ang pinipilahan ng maraming tao pagsapit ng alas kwatro ng hapon. Ang calamares business na ito ay pagmamay-ari ng mag-asawang sina Rowena at Pablo Geroy na kumikita ng 20,000 pesos kada araw.
Sa sobrang sikat ng kanilang calamares ay pinipilahan nga ito ng napakaraming tao. Hindi alintana ang init at matagal na paghihintay matikman lamang ang kanilang tinda. Kada araw ay nagluluto sila ng 100 kilos na calamares dahil sa mataas na demand ng mga tao at hindi rin nagtatagal ay nauubos ito agad bago pa man sumapit ang gabi.

Ayon kay Rowena, nagsimula lamang sila na magtinda ng calamares taong 2003 gamit ang kapital na 1000 pesos. Napakahirap umanong magtinda noon gamit ang kariton dahil sa init at ulan, at nasa gilid lamang sila ng kalsada. Kaya naman nang nakapag-ipon ay kumuha sila ng pwesto kung saan madali silang makikita ng mga tao.
Hindi naman sila nabigo dahil mas tinangkilik ang kanilang calamares, miski ang mga taong mula sa malayong lugar ay dumadayo pa para lang matikman ang kanilang sikat na calamares. Ayon pa sa mga customers ay sulit ang kanilang paghihintay at pagpila dahil sa sarap ng calamares na tinitinda ng mag-asawa.

“Kasi masarap, babalik-balikan mo talaga siya pati yung sauce niya,” saad ng isang customer.
“The best ang pagkakatimpla nila, babalik-balikan ang lasa.”

“Masarap, yung breading di masyado makapal tsaka yung suka talaga game changer siya sa calamares nila, actually galing pa kami Taguig dumayo pa kami dito.”
Sa sobrang patok ng kanilang calamares ay kasama na rin nilang nagpapatakbo ng negosyo ang kanilang tatlong anak. Kasama nila ito sa pagluluto at pagtitinda sa araw-araw at kumuha pa sila ng ibang empleyado. Masasabing napakalaking tulong talaga ng calamares sa kanilang buhay malayo na sa dati.

Ang sikreto umano sa masarap nilang calamares ay hindi sila nag-iistock ng pusit. Laging fresh at bago umano ang kanilang binibiling pusit. Sinisigurado nilang mauubos ang 100 kilos na pusit bago sila magsara dahil ayaw umano nilang ibenta pa ito kinabukasan dahil hindi na ito magiging masarap.
Masaya naman ang mag-asawa dahil maraming tumatangkilik sa kanilang calamares. Nawawala umano ang kanilang pagod sa tuwing nauubos ang kanilang paninda. “Masaya kasi nakakatuwa kasi maraming bumibili. Kahit pagod, masaya kasi madaming bumibili, mabilis kami nauubos,” saad ni Rowena.

Patunay ang mag-asawa na sa maliit na kapital ay posibleng maging isa itong matagumpay na negosyo. Huwag maliitin ang simpleng pusit dahil kaya nitong makapagpabago ng buhay ng isang pamilya. Maniwala sa sarili at samahan ng tiyaga ang trabaho at siguradong makakamit ang tagumpay.