Miriam Quiambao, Ibinahagi ang Dahilan ng Paglipat ng Kanyang Pamilya sa Boracay

Si Miriam Quiambao ay isang beauty queen na nanalo bilang first runner up sa Miss Universe 1999. Isa rin siyang aktres, television host, entrepreneur, motivational speaker at physical therapist. Nito lang ay napabalita ang kanyang biglaang paglipat sa Boracay kasama ang kanyang pamilya malayo sa syudad o nakagisnang city life.

Noong Pebrero 22 ay naging guest siya sa segment na ‘Bawal Judgmental’ ng noontime show na Eat Bulaga. Doon niya nga naibahagi ang totoong dahilan ng kanilang paglipat sa Boracay at bakit nila iniwan ang nakasanayang buhay sa syudad.

Credit: Instagram / miriamq888

Ayon kay Miriam, tila daw ang Panginoon mismo ang nagplano ng kanilang paglipat. Isang araw ay tila narinig umano ng kanyang mister na sinabihan ito ng Panginoon tungkol sa paglipat at pamumuhay ng simple at payapa malayo sa syudad.

“E, kasi nung minsang naglalakad ang asawa ko doon sa village namin parang sinabi sa kanya ni Lord: ‘You don’t have to stay in the city, you can go outside of the city.’ Tapos nung naisip niya beach! So, nag-consider siya sa Batangas, pero parang masyadong malalayo sa kabihasnan, tapos meron kaming maliliit [na anak].”, pagbabahagi ni Miriam.

Credit: Instagram / miriamq888

Sumakto naman na habang naghahanap ng bagong malilipatan ang kanyang asawa ay natagpuan nito ang murang apartment sa Boracay. Dahil sa nangyaring pandemya at krisis ay bumaba ang presyo ng mga apartment sa Boracay na halos kalahati na umano ng dating presyo. Kaya naman hindi na nagdalawang isip pa ang mag-asawa at kinuha na ang oportunidad na makalipat sa Boracay.

“Nung naghahanap siya ng mga apartments, natungtungan niya itong Boracay, nakita niya na kalahati ang presyo dahil pandemic price ang lahat ng mga condos and apartments dito. Isa ‘yun sa mga desisyon kung bakit kami lumipat dito,” saad ni Miriam.

Credit: Instagram / miriamq888

Isa rin umano sa magandang dahilan ng kanilang paglipat ay ang klase ng lifestyle. Hindi tulad noong nasa syudad sila ay palagi lamang silang nasa loob ng tahanan, ngayon ay malaya na silang nakakalabas at nakikita ang magandang view ng Boracay beach malayo sa syudad na puro ingay at sasakyan.

“Bukod doon, e, siyempre outdoor lifestyle, ma-e-enjoy ng mga bata. Also, for our mental health di ba? Panahon ng pandemya, parang it’s a once in a lifetime opportunity ika nga,” dagdag pa nito.

Credit: Instagram / miriamq888

Nakabuti umano ang kanilang paglipat sa Boracay sa kanilang mental health. Masasabing mas payapa ang kanilang buhay at isipan kumpara noon, naging mas maganda rin ang relasyon ng kanilang pamilya.

“It makes mental health sense; it makes family sense and then it makes economic sense. So, why not!”

Credit: Instagram / miriamq888

Taong 2014 ng ikasal si Miriam Quiambao sa mister niyang si Erdy Roberto. Sila ay nabiyayaan ng tatlong anak, na sina Elijah at Ezekiel Isaiah. Ang panganay naman na anak nila na si Joshua, ay anak ng mister ni Miriam na si Ardy sa dati nitong asawa, na itinuring ng totoong anak ni Miriam.