Herlene “Hipon Girl” Budol, Masayang-Masaya Matapos Mabili ang Kanyang Unang Sasakyan

Si Herlene Nicole Budol o mas nakilala bilang “Hipon Girl” ay naging emosyonal sa labis na kaligayahan matapos makabili ng kanyang kauna-unahang sasakayan. Hindi nito napigilan ang ‘tears of joy’ dahil hindi niya akalain na darating ang araw na makakabili siya ng sasakyan para sa kanyang sarili, malayo sa dati niyang sitwasyon na hirap sa buhay.

Credit: YouTube / Herlene Hipon

Matatandaan na nagsimula siyang makilala noon sa variety game show na “Wowowin” kung saan ay sumali sya sa segment na “Willie of Fortune.” Hindi man siya nanalo sa game show ay nagwagi pa rin siya matapos siyang kunin ng host na si Willie Revillame na maging isa sa mga regular host ng programa.

Matapos maging host ay naging kabi-kabila ang mga opurtunidad na nagbukas para kay Herlene. Hindi lang basta hosting kundi pati pag-aartista ay pinasok niya na rin, kung saan ay gumanap siya ng ilang maliliit na roles at pinagbidahan pa mismo ang kanyang sariling kwento sa programang “Magpakailanman”.

Credit: Instagram / herlene_hipon

Ngunit ng dumating ang pandemya ay isa si Herlene sa pinakanaapektuhan. Nawalan siya ng trabaho sa hosting at pag-aartista, at nahinto rin ang small business na kanyang tinayo. Sabi nga niya sa isang interview noon ni Toni Gonzaga ay siya ay nag-‘Back to Zero’ na maski ang kanyang iniingatang ipon ay naubos.

Credit: YouTube / Herlene Hipon

Ngunit talaga namang mabait ang Panginoon at hindi nito pinabayaan si Herlene. Unti-unting bumalik sa normal ang buhay nito at nagsimula ulit makatanggap ng mga trabaho sa showbiz at kinareer na rin niya ang pagiging vlogger. Subalit ang kinagulat ng lahat ay ng pasukin ni Herlene ang larangan ng Beauty Pageant, kung saan ay ipinakita niya hindi lang ang kanyang magandang katawan kundi ang confidence na wala siya noon.

Credit: Instagram / herlenehipon

Madalas kantyawan noon si Herlene na maganda lang ang katawan at hindi ang kanyang mukha kaya naman nabansagan siyang “Hipon Girl”. Ngunit ang pagsali niya sa Binibining Pilipinas ay patunay lamang na hindi lang katawan ang maganda sa kanya kundi ang kanyang itsura din. Kapansin-pansin nga ang pagbabago ng kanyang itsura at pag-angat ng kanyang ganda. Marami ang nagsasabi na nagpagawa umano sya ng ilong at ng ngipin, ang iba naman ay nadala lang daw sa make-up. Gayunpaman, nag-uumapaw pa rin ang sumporta sa kanya partikular na sa social media.

Credit: YouTube / Herlene Hipon

Bilang reward niya sa kanyang sarili dahil sa pagtaguyod sa kanyang pamilya at pagiging masipag ay napagdesisyunan na nga ni Herlene na regaluhan ang kanyang sarili ng bagong sasakyan. Ito ang kanyang kauna-unahang sasakyan kaya naman hindi niya napigilan maging emosyonal sa sobrang saya. Ibinahagi niya nga ang pagbili sa unang sasakyan sa kanyang YouTube channel kung saan ay sinamahan pa siya ng kanyang manager na si Wilbert Tolentino.

Credit: YouTube / Herlene Hipon

Pahayag ni Herlene na hindi siya lubos makapaniwala na kaya niyang bumili ng sasakyan ngayon, kaya nasabi niyang ‘dream come true’ ito. Labis daw ang blessings na kanyang natatanggap ngayon at lubos ang kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong at sumuporta sa kanya, pati na rin sa Panginoong Diyos na kahit kailan ay hindi umano siya pinabayaan.