Dating Batang Kalye, Nagsumikap at Nakapagpatayo ng 6 na Branches ng Kanyang Burger Shop

Sino ang mag-aakala na ang isang batang kalye na palaboy-laboy lang sa daan ay magiging isang matagumpay na negosyante pala? Ipinakita niyang walang imposible basta’t may pagsisikap sa buhay kaya naman hinangaan siya ng mga netizens.

Si Roy Carlo Villegas mula sa Calamba, Laguna ay isa na ngayong may-ari ng hindi lang isa kundi anim na burger restaurant. Malayo na nga ang kanyang narating kumpara sa dati niyang buhay na palaboy-laboy lang sa kalye. Siya ngayon ay isa ng matagumpay na negosyante na kumikita lang naman ng 300,000 pesos kada buwan.

Credit: Facebook / Roy Carlos Villegas

Noon pa man ay madiskarte na si Roy dahil nang mga panahong nasa kalsada siya ay gumagawa na siya ng paraan upang kumita ng pera. Ayon sa kanya, kasama niya ang kanyang kaibigan at nag-aalok sila ng linis-puntod sa sementeryo upang kumita at may maipambili ng pagkain.

“So dati kasi, may barkada ako yung bestfriend ko si JC. Kung anu-ano ang ginagawa namin. Minsan, nag-aalok kami ng linis-puntod. Kahit ano basta magkaroon lang ng pagkakakitaan,” saad ni Roy.

“Kasi nasa kalsada kami e. Bale choice na namin na tumira sa kalsada,” dagdag niya pa.

Credit: Facebook / Roy Carlos Villegas

Ngunit maswerte pa rin si Roy dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makapag-aral. At ng tumuntong siya ng kolehiyo ginamit niya ang kanyang pagiging masipag at madiskarte upang makapasok sa varsity team ng kanyang university. Nakapagtapos siya at naging isang basketball coach sa ibat-ibang paaralan bilang kanyang trabaho.

Kahit mayroon ng permanenteng trabaho at kumikita naman ng maayos si Roy, nais niya paring makapag-negosyo. Nais umano ni Roy na matupad ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng sariling negosyo. Kaya naman nagdesisyon siyang makipagsapalaran at subukang gawin ang kanyang pangarap.

Credit: Facebook / Roy Carlos Villegas

Ang natitirang 10,000 pesos mula sa kanyang ipon matapos manganak ang kanyang asawa ay ginamit niya upang simulan ang kanyang burger shop na tinawag niyang Uncle Roy’s Burger. Subalit hindi naging maganda ang simula ng kanyang negosyo at tatlong buwan umano siyang lugi at walang kita.

“Three months iyon lugi, e. So, walang bumibili. So, parang nalulugi pa ako ng PHP 2,000 a month,” pagbabalik-tanaw ni Roy.

Credit: Facebook / Roy Carlos Villegas

Ngunit determinadong magtagumpay si Roy kaya naman kahit ilang buwan na siyang lugi ay hindi siya sumuko. Nagpatuloy siya at sa wakas ay nagbunga rin ang kanyang pagsisikap. Matapos ang pagkabigo, sa wakas ay dumating rin ang panahon ng kanyang tagumpay at ngayon nga ay nakapagpatayo na siya ng anim na branch ng kanyang burger shop.

Ngayon ay naipatayo niya na ang kanyang dream house, nakabili ng sasakyan at namumuhay ng kumportable kasama ang kanyang pamilya. Dahil rin sa kanyang negosyo ay nakapagbigay siya ng trabaho sa maraming tao at nakatulong. Malaki ang pasasalamat niya sa Panginoon at sa mga taong sumuporta sa kanya dahil isa sila sa dahilan kung nasaan siya ngayon.

Credit: Facebook / Roy Carlos Villegas

Payo naman ni Roy, kailangang makipagsapalaran kung gustong pumasok sa mundo ng pagnenegosyo. Hindi ito biro, kaya kailangang magsumikap at huwag basta sumuko kapag nahirapan. Darating ang panahon na magbubunga ang paghihirap at paghihintay at magiging matagumpay rin.

“If meron kayong naiisip, do a calculated risk. Never back down. Lagi mong piliin na maniwala sa sarili mo, at eventually yung hardwork mo, with honesty, magbubunga iyan, no matter what.”