Misis, Nag-Live Selling ng mga Gamit ng Nangaliwang Mister, Kumita ng 300K

Karaniwan sa mga binebenta sa live selling ay mga damit na ukay-ukay o preloved at ibinibenta ito sa murang halaga lang. Ngunit sino nga ba ang mag-aakala na magkakaroon ng live-selling na ang binibenta ay gamit ng nangaliwang asawa katulad na lamang ng babaeng ito na kinagiliwan ng maraming netizens.

Si Jamille Margarita Galves ay isang negosyante at maybahay na nagmula sa San Ildefonso, Bulacan. Nito lang March 24 ay nagkaroon siya ng live selling sa kanyang Facebook account kung saan hindi ukay at hindi rin preloved na gamit ang kanyang binebenta, kundi mga gamit ng kanyang asawa na niloko siya at pinagpalit sa iba.

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

Ikinagulat ng netizens ang kanyang live selling kung saan may caption itong “MGA GAMIT NG SUMAKABILANG BAHAY NA ASAWA LIVE SELLING”. Imbes kasi na ipakuha niya sa naglokong asawa ang mga gamit nito o kaya naman ay itapon na lang, mas minabuti ni Jamille na ibenta na lang ito at pagkakitaan.

“Ganito ‘pag business-minded yung asawang niloko!” saad ni Jamille. Dahil mga original items ang gamit ng asawa at halos lahat ay bago pa, bilang isang business-minded na Misis at imbes na itapon ay pinagkakitaan niya na lang bilang kabayaran na rin sa panlolokong ginawa nito sa kanya at pag-iwan sa kanila ng kanyang mga anak.

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

Bago mag-mine ang mga viewers sa kanyang mga nila-live selling, nagbigay pa ng babala si Jamille sa mga ito. Ayon sa kanya ay dapat mag-ingat bago bumili dahil may sumpa ang mga gamit ng kanyang asawa at baka maging babaero sila. “CAUTION: BUY AT YOUR OWN RISK, MAY SUMPA ‘TO SIGURADONG MAGIGING BABAERO UNG BF O ASAWA NIYO! HAHAHA! Unang suot fuccboi agad! May bonus pang pagiging sugalero!”

Upang makabenta si Jamille ay sinasamahan niya pa ng mga hugot at biro ang kanyang live selling na mas kinagiliwan ng mga netizens. Ayon sa mga netizens nakakatuwa umanong panuorin si Jamille at maski sila ay hindi mapigilang manggigil sa asawa nitong manloloko at sa kabit nito.

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

“Super MURA nalang, kasi ‘di naman marunong magMAHAL ung may-ari.”

“Lahat ng items MATINO pa, yung may-ari lang ung hindi.”

Hindi lubos akalain ng mga netizens na ang katulad ni Jamille na maganda, mabuting asawa at ina at isa pang masipag na negosyante ay kayang ipagpalit sa ibang babae. Aminado naman si Jamille na labis siyang nasaktan sa nangyari at hindi naiwasang mapatanong kung ano bang mali sa kanya, kung anong kulang at bakit siya nagawang ipagpalit at iwan para sa ibang babae.

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

“Sabrang dami kong tanong na bakit? Saan ako nagkulang? Anong mali sakin? Anong nagawa ko? Bakit iniwan ako? Bakit ipinagpalit ako? Bakit pinili ang kaladkaring babae over us na pamilya niya? Pero ayoko na din po magtanong ng paulit ulit. Baka po masiraan lang ako ng ulo kakaisip,” saad ni Jamille.

Dagdag pa niya, “Sobrang sakit, sobrang hirap. Yung dati na akala mong near to perfect family na eh hindi na. Wala eh, kailangan ko tanggapin at mag-move forward sa buhay ko.”

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

Bilang parte ng kanyang pagmo-move ay ibinenta na nga niya sa live selling ang mga gamit ng nangaliwang asawa. Hindi pa rin maiwasan ni Jamille na magpasaring sa kanyang asawa at sa kabit nito sa kanyang live selling dahil siya ay nasaktan at masama ang loob. Ngunit idinadaan niya na lang ito sa pagtawa at pagngiti para mapasaya rin ang mga viewers.

“ORIG lahat ‘to walang fake, ‘di naman ako MANLOLOKO gaya nung may-ari.”

“Walang LASPAG dito, yung kabit lang niya yerrnn.”

“Wag mag-MINE kung ‘di mo kaya panindigan gaya ng ginawa ng asawa ko.”

“RFS (Reason For Selling): Baboy yung nagsuot.

“BAWAS BASURA SA BAHAY.”

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

Naging matagumpay ang unang live-selling ni Jamille kaya naman nagkaroon pa siya ng Part 2: MGA GAMIT NG SUMAKABILANG BAHAY NA ASAWA LIVE SELLING. Sa kasalukuyan ay kumita na si Jamille ng 300,000 pesos sa pagla-live selling ng mga gamit ng kanyang naglokong asawa.

Para naman kay Jamille ipagpapasa-Diyos na lamang daw niya ang lahat. Mahirap man ang kanyang naranasan at masakit na siya ay niloko, sigurado daw na may mas magandang plano ang Diyos para sa kanya at sa kanyang tatlong anak.

Credit: Facebook / Jamille Margarita Galvez

“Kay Lord nalang po natin isurrender ang lahat. Hindi po tayo papabayaan ni God. Iniisip ko na lang na may mas maganda at malaking plano siya para sa akin at sa 3 kids ko.”

Payo naman niya, “Life is short. Pilitin nating wag na magpaka-stress at depress sa taong hindi na tayo pinapahalagahan. Papangit lang tayo. Let us choose to be happy kahit sa ngayon napakahirap gawin.”

Ipinakita ni Jamille na isa siyang matatag na babae, “Nagmahal. Sinaktan. BUMAGON.” Kahit na naloko, ipinagpalit at iniwan ay hindi siya nito mapapabagsak at patuloy lang siyang magsusumikap sa buhay para sa kapakanan niya at ng kanyang mga anak.