17-Anyos Kumikita ng 100K Kada Buwan sa Pagtitinda ng Kangkong Chips

Sino ang mag-aakala na ang simpleng kangkong ay kaya palang makapagbigay ng malaking kita? Madalas ay sahog lang ito sa mga ulam tulad ng sinigang ngunit ngayon ay nakakarating na ito sa ibang bansa. Ito ang ginawa ng binata mula sa Cavite kung saan kumikita sya ng malaki dahil sa kangkong.

Ang 17-anyos na si Josh Mojica isang Grade 12 student mula sa Cavite ay nagsimula ng negosyo ng pagtitinda ng Kangkong Chips. Mula sa puhunang 3,000 pesos ay kumikita na sya ng 5,000 pesos kada araw at 100,000 pesos naman kada buwan. Hidi lubos akalain ni Josh na ang kanyang simpleng ideya ay magiging malaking negosyo pala na tutulong sa marami.

Credit: Facebook / Josh Mojica

Ang recipe umano ng Kangkong Chips ay nakuha niya sa kanyang Tita na niluto ito sa kaarawan ng kanyang lolo. Nagustuhan nila ito at ng mga bisita kaya naman naisip niyang gawing negosyo.

“Nagsimula po ako magluto mag-isa, nagpaturo po ako sa Tita ko. Una po, parang nakalagay lang siya do’n sa alam nyo po yung lalagyan ng rice box na meal? Yun po may na-order na po ng ganun. Nasasarapan sila, may nagre-repeat order na po.”

Credit: Facebook / Josh Mojica

Hindi naging madali ang simula ni Josh dahil kailangan niyang gumising ng mas maaga para magluto ng mga order. Ngunit nagsumikap siya at nagtyaga kaya naman nagbunga ang kanyang paghihirap.

“Gumigising na po ako ng maaga kasi madaming order. 6 AM mag-isa lang po ako. May nagdidip, may nagpiprito ako din po yun lahat. ‘Yun po, hanggang sa lumaki na nang lumaki.”

Credit: Facebook / Josh Mojica

Noong nagsimulang dumami ang mga nag-o-order sa kanyang Kangkong Chips ay nahirapan na si Josh na patakbuhin ang kanyang negosyo. Kaya naman humingi siya ng tulong sa isa niyang pinsan, ngunit hindi pa rin iyon naging sapat matapos mag-tweet si Senator Ping Lacson tungkol sa kanyang Kangkong Chips, kaya pati ang kanyang mga kaibigan ay kinuha niya na rin para magtrabaho sa kanya.

“My office ordered delicious ‘kangkong’ chips as part of our Xmas gift-basket giveaways from this 17-year old entrepreneur from Cavite who started this business to help his parents after his lolo passed away last June. I don’t know him but I’m so proud of him. Hats off!” saad ni Senator Ping Lacson sa kanyang tweet sa twitter.

Credit: Facebook / Josh Mojica

Nakakalungkot man na hindi na naabutan ng kanyang lolo ang kanyang tagumpay, ginawa niya naman itong inspirasyon upang magpatuloy at tumulong pa sa maraming kabataan na katulad niya. Ngayon ay nakapagbigay na siya ng maraming trabaho sa mga kabataang katulad niya, imbes na magbabad lang sa cellphone at computer ay tinulungan niya ang mga ito na kumita.

“Ngayon po halos lahat po ng tropa ko, bale mga sampu po sila. Lahat din po sila nag-aaral pa. Pero nabigyan ko po sila ng opportunity para po kumita ngayong pandemic.”

Credit: Facebook / Josh Mojica

Sa kasalukuyan ay nakakarating na ang kanyang kangkong chips sa ibat-ibang probinsya tulad ng Baguio, Tagaytay, Manila, pati sa Canada at USA. Ngunit dahil siya ay menor de edad pa lamang, tinutulungan siya ng kanyang mga magulang sa pagpapatakbo ng kanyang negosyo at sila ang humahawak ng kanyang finances.

Ibinahagi naman ni Josh na dumaan ang kanyang negosyo sa paghihirap, hindi ito agad nagtagumpay. Dumaan siya sa maraming proseso kung paano mapapasarap ang kanyang kangkong chips, paglalagay ng ibat-ibang flavor dito maski ang packaging at pag-po-promote ay hindi naging madali.

Credit: Facebook / Josh Mojica

“Masasabi mo talaga na kailangan ng failure para matuto ka,” pahayag ni Josh. Ayon sa kanya, kailangan dumaan sa pagsubok para matuto at ang matutunan ay gamitin sa pagpapalago ng negosyo.

Bilang isa rin siyang estudyante, nakakamangha na napagsabay niya ang pag-aaral at pagpapatakbo ng kanyang negosyo na hinangaan ng marami. “Hanggang hapon po nakabantay po ako doon. Tinutulungan ko din po sila. Tapos gabi po ako nagsta-start magsagot ng mga module.”

Credit: Facebook / Josh Mojica

Sa ngayon ay nakapagpatayo na siya ng maliit na factory malapit sa kanilang bahay para sa produksyon ng kanyang kangkong chips. Sa hinaharap ay plano ni Josh na magkaroon ng pop-up stores sa mga mall upang lumawak pa ang kanyang negosyo at makapagbigay pa siya ng maraming trabaho sa mga kabataan na katulad niya.

Patunay si Josh na wala sa edad ang basehan ng tagumpay dahil kahit anong edad ay pwedeng magsimulang magnegosyo at kumita. Mahirap man, basta may sipag at tyaga ay magiging posible ang lahat.