Ang mga matatanda ay nararapat na nagpapahinga na lang dahil delikado na para sa kanila ang lumabas at magtrabaho dulot ng kanilang edad at mahinang pangangatawan. Ngunit hindi maiwasan na napipilitan pa rin ang mga matatanda na magtrabaho dahil sa hirap ng buhay, katulad na lamang ng lolong ito.
Isang lolo ang nag-trending sa social media matapos mapag-alaman na sa kabila ng kanyang edad ay patuloy pa rin siyang nagtatrabaho. Siya si Lolo Lauro na 80-anyos na ngunit nagsusumikap pa ring magtinda ng bagoong sa araw-araw. Naglalakad siya mula sa kanyang tahanan sa Bitukang Manok, Pandi Bulacan hanggang sa Real de Cacarong, Pandi Bulacan rin.

Ang kanyang nilalakad lang naman ay 20 kilometro araw-araw habang dala ang mabigat na balde na may lamang bagoong. Makikitang kuba na si Lolo Lauro at mabagal na rin siyang maglakad dahil sa kanyang edad. Mahirap na para sa kanya ang maglako at magtinda ngunit patuloy niya pa rin itong ginagawa.
Ayon sa impormasyon, kumikita lamang siya ng 50 pesos sa kanyang pagtitinda ng bagoong. Ito ay napakaliit para sa layo ng kanyang nilakad at pagod sa pagtitinda. Dahil maliit lamang ang kanyang kita, napipilitan si Lolo Lauro na maglakad dahil malaking kabawasan sa kanya ang sumakay at mamasahe pa. Tinitiis niya ang mahabang paglalakad at mainit na panahon para lang maiuwi ang 50 pesos na kita at pagkasyahin ito.

Ikinadurog naman ito ng puso ng maraming netizens at hindi napigilang maawa para sa matanda. Ayon sa kanila masyadong maliit ang kitang 50 pesos lalo na at ang minimum wage ng trabaho sa Bulacan ay nasa 300 pesos.
“Kawawa naman po si lolo sana may tumulong sa kanya.”
“Senior citizen na siya, dapat nagpapahinga na lang siya sa bahay, baka ano pang mangyari sa kanya sa daan nyan.”
“God bless you po tatay, mag-ingat po kayo at kapit lang.”

“Ang mga katulad ni manong ang dapat tinutulungan ng gobyerno. Hindi na dapat siya nagtatrabaho kasi matanda na siya.”
“Salute sayo Lo, despite his age naghahanap buhay pa rin. Napakahirap ng buhay ngayon kaya kahit matanda na mapipilitan talaga magtrabaho.”
Dahil matanda na si Lolo Lauro kaya inaalala ng marami ang kanyang kaligtasan. Hindi pa rin nawawala ang Covid19 kaya naman malaki pa rin ang tyansang magkasakit siya lalo na at mahina na ang resistensya ng matatanda. Mabagal na rin siya maglakad at ikinakatakot ng lahat na baka ay mapahamak siya sa daan habang naglalako ng bagoong. Hindi rin biro ang panahon ngayon lalo na at sobrang init na pwedeng maging sanhi ng heat stroke.

Nakakalungkot isipin na ang tulad ni Lolo Lauro na isa ng senior citizen ay napipilitan pa ring magtrabaho dahil sa hirap ng buhay. Kahit gustuhin niya mang magpahinga at mamalagi na lang sa kanyang bahay ay hindi niya ito magawa dahil wala siyang magiging pangkain sa araw-araw.
Pinatunayan naman niya na hindi hadlang ang edad upang makapagtrabaho, hanggat kaya at gugustuhin ay posible ito. Ipinakita ni Lolo Lauro ang kanyang pagiging matatag sa buhay at hindi pagsuko sa kabila ng kahirapan at katandaan. Kaya niyang maglakad ng ilang kilometro para lang makaraos sa buhay.