Ang pag-aaral ay isang importanteng bagay para sa lahat ngunit may mga pagkakataon na naisasantabi ito dahil sa pamilya at pinansyal na problema. Maraming mga magulang ngayon ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil mas naging prayoridad nila ang trabaho at kanilang pamilya. Ngunit hindi pa huli ang lahat para bumalik at tuparin ang kanilang pangarap na diploma, tulad na lamang ng aktres na si Ruffa Gutierrez.
Si Ruffa Gutierrez ay isang kilalang aktres at dating beauty queen na nagmula sa sikat na angkan ng mga artista. Bata pa lamang ay pumasok na siya sa mundo ng showbiz para magtrabaho. At hindi rin lingid sa marami na maaga siyang ikinasal at nagkaroon ng sarili niyang pamilya.

Subalit hindi naging maganda ang takbo ng kanyang buhay pag-ibig matapos silang mag-divorce ng kanyang asawa. Bigo man sa pag-ibig ay sinwerte naman siyang mabiyayaan ng dalawang magagandang anak na babae. Pinalaki ni Ruffa ang kanyang mga anak nang mag-isa habang nagtatrabaho siya sa showbiz bilang modelo, TV host at artista.
Dahil naging abala siya sa mga anak at sa showbiz ay hindi noon nagkaroon ng pagkakataon si Ruffa na makapag-kolehiyo. Ito ang isa sa kanyang pagsisisi. Ngunit nito lang ay ipinahayag niyang bumalik na siya sa pag-aaral at masayang ibinalita na magtatapos na siya ngayong darating na July 2022.

Kasalukuyan siya ngayong judge sa segment na ‘Sexy Babe’ ng It’s Showtime. Sa isang episode noong March 3 ay ipinaliwanag niya kung bakit wala siya noong nakaraan at iyon ay dahil inaasikaso niya umano ang kanyang mga school requirements dahil nag-aaral siya.
“Naku, nag-aaral ako. I had academic deadlines! Practicum ko na. Tomorrow ang last day ko.” Masayang pagbabalita ni Ruffa, “I’m graduating college in July!”

Proud na proud niyang ibinalita na magtatapos na siya at sa wakas ay hindi na umano siya high school graduate lang. Masaya si Ruffa sa darating na achievement sa kanyang buhay na matagal niya ng pinangarap.
“At least hindi na lang ako high school graduate. Pero, excuse me, 13 years old naman nagtatrabaho na ako, ‘di ba. [It’s] never too late!” dagdag niya pa.

Sa edad na 48 ay magtatapos si Ruffa sa kursong Bachelor of Arts Major in Communication Arts sa Philippine Women’s University (PWU). Patunay ito na hindi pa huli ang lahat para mag-aral lalo na sa mga magulang at single parent na katulad niya. Ika nga niya, “You’re never too old to chase your dreams.”
Ayon kay Ruffa ay na-inspire umano siya sa kanyang dalawang anak kaya napili niyang mag-aral muli sa kabila ng kanyang edad. Gusto niyang maging magandang halimbawa kay Lorin at Venice at ipakita na importante ang pag-aaral. Huwag lang makuntento na porke maayos ang kanilang buhay ay hindi na bibigyang prayoridad ang matuto at makapag-aral.

“Not only do I want to fulfill a long-held dream and take control of the next chapter of my life, I want to set a good example for my children,” pahayag niya.
Nagbigay naman ng paghanga si Ruffa sa mga single mother na katulad niya, na napalaki ang kanilang anak ng maayos sa kabila ng pagiging mag-isa lang sa buhay. Hindi biro ang magpalaki ng mga anak lalo na kung wala kang asawang katuwang mo sa buhay dahil mahirap magtrabaho at maging isang ina ng sabay.

“Today I want to salute all the hardworking single mothers who have raised their children with courage and strength on their own.”
Patunay si Ruffa na hindi hadlang ang edad upang matuto at muling bumalik sa pag-aaral. Ang pangarap na diploma ay para sa lahat at wala sa edad. Kahit sino ay pwedeng bumalik sa pag-aaral kahit may pamilya na, dahil isa sa pinakamagandang regalo na maibibigay sa sarili ay ang regalo ng edukasyon.