Mala-Thesis na Pagpapaalam sa Magulang ng Kaibigan, Patok sa Netizens!

Maraming kabataan ngayon na kahit nasa tamang edad na ay hindi pa rin pinapayagan ng mga magulang na gumala. Ang pagpapaalam sa mga striktong magulang ay hindi biro at kailangan ng matinding dasal sabi nga nila. Ngunit hindi lang dasal ang ginawa ng mga magbabarkadang ito, kundi ipinagpaalam lang naman nila ang kanilang isang kaibigan in thesis defense style.

Noong December 08, 2021, kabado ang magbabarkadang sila Mandy, Czarina, Rafael, Bianca, Angel, Kirk, Audrey, Alei, Alexia at Ski hindi dahil magde-defense sila ng kanilang thesis, kundi ipagpapaalam nila ang kanilang kaibigan na si Anaya. Subalit ang simpleng pagpapaalam na ito ay tila naging thesis defense kung titingnan dahil naghanda sila ng powerpoint presentation na naglalaman ng mga dahilan kung bakit dapat payagan ang kaibigan nilang si Anaya na sumama sa kanilang get-together.

Credit: Facebook / Philippine Star

Ang powerpoint presentation ay may pamagat na “Thesis 2022: The Probability of Anaya to Join a get-together amidst the Pandemic” na makikitang pinaghandaan talaga ng mga magkakaibigan. Makikita sa powerpoint na bukod sa makulay at maganda ito, puno rin ito ng mga impormasyon patungkol sa kanilang gaganapin na get-together.

Ayon kay Mandy nabuo ang kanilang grupo noong pandemic kaya naman noong nagplano sila na magkita-kita ay gusto nilang kumpleto ang lahat. Ngunit ang isa nilang kaibigan na si Anaya ay may strikto umanong magulang at malabo siyang payagan lalo na at may pandemic pa.

Credit: Facebook / Philippine Star

“Ayaw na magpaalam ni Anaya sa parents niya kasi alam niyang hindi siya papayagan sice may COVID. Pero halos lahat pinayagan na so hindi kami pumayag na hindi siya makakasama,” pahayag ni Mandy.

Naisipan ng magbabarkada na gumawa ng pitch deck presentation, hindi lang ito basta simpleng powerpoint presentation dahil naglalaman ito ng introduction, sources, impormasyon ng kanilang pupuntahan, mga patunay na silang lahat ay fully-vaccinated at may kasama pang Q&A portion. Lahat umano sila ay kabado at iniisip na baka pagalitan pa sila ng nanay ni Anaya ngunit nilakasan nila ang kanilang loob at buong tapang na tinuloy ang ibang level na pagpapaalam.

Credit: Facebook / Philippine Star

“Most of us were kinakabahan kasi baka magalit yung parents ni Anaya pero kinapalan na namin mukha namin. Some even turned off their cams kasi nahiya kami,” dagdag ni Mandy.

Ikinagulat naman ng nanay ni Anaya na si Analie Estapia ang paraan ng pagpapaalam na ginawa ng mga kaibigan ng kanyang anak para lang makumbinsi siya ng mga ito. “Nagulat ako kasi I didn’t expect na ‘yun ang presentation nila. Kasi as per Bianca’s email, subject title is ‘thesis presentation.'”

Credit: Facebook / Philippine Star

Magkahalong gulat at pagkamangha ang naramdaman ni Analie sa ginawang pagpapaalam ng mga kaibigan ng kanyang anak. Bukod sa maganda ang presentation ng mga ito ay nasagot rin ang mga posible nyang mga tanong at halatang pinaghandaan talaga.

“I was surprised when I saw lots of her classmates in the Google Meet. I was amazed when they presented and they are ready. They have all the possible answers to my possible questions na pwede ko itanong sa kanila,” saad ng nanay ni Anaya.

Hindi naman nabigo ang magkakaibigan dahil nakumbinsi naman nila ang nanay ni Anaya at sa huli ay pinayagan na ito. Natuwa ang inang si Analie sa kanilang presentation at nakuha ng mga bata ang kanyang tiwala kaya’t pinayagan niya ang anak.

Ang ibang level na pagpapaalam na ito ay nagpatunay lamang na mayroong mabubuting kaibigan ang anak ni Analie na si Anaya. Hindi biro ang magpaalam lalo na sa istriktong magulang tulad niya, kaya naman bumilib talaga siya sa mga bata at kagustuhan ng mga ito na makasama ang kanyang anak.

Credit: Facebook / Philippine Star

Malaki naman ang pasasalamat ni Anaya sa kanyang mga kaibigan para sa time at effort na ibinigay ng mga ito para lang ipagpaalam siya. Masasabi niyang napakaswerte niya sa mga kaibigan dahil nagawa ng mga ito na magpaalam na tila nag-defense sa harap ng kanyang ina.

Normal lang sa mga magulang ang pagiging strikto dahil paraan nila ito ng pagprotekta sa kanilang mahal na anak. Subalit hindi rin naman masama na payagan paminsan-minsan ang anak na gumala at mamasyal basta’t alam mong mapagkakatiwalaan ang kanyang mga kasama.

Leave a Reply