OFW, Natupad ang Pinapangarap na Maging Ama, Umabot ng 9 Million ang Ginastos sa IVF

Ang pagkakaroon ng anak ay isa sa pinapangarap ng marami dahil sa sayang hatid nito sa isang pamilya. Sila ay itinuturing na biyaya mula sa Maykapal kung kaya’t madalas silang tawaging mga anghel. Ngunit ano nga ba ang kaya mong gawin upang magkaanak? Hanggang magkano ang kaya mong gastusin matupad lang ang iyong pangarap na anak?

Credit: Facebook / Dan On The Go

Si Dan Lester Dabon na mula sa Davao City ay nakapagtapos ng kursong Nursing at nakipagsapalaran sa ibang bansa upang magtrabaho bilang nurse. Ngayon ay isa na siyang risk officer sa isa sa pinakamalaking Ambulatory Healthcare Provider sa United Arab Emirates (UAE). Umani rin siya ng parangal mula sa International Forum on Advancements in Healthcare noong 2020-2021 nang napasama siya sa “Top 100 Leaders in Healthcare”.

Dahil sa kanyang pagsusumikap sa pagtatrabaho ay nagkaroon siya ng matagumpay na career at masasabing kumportable na sa buhay. Nakapagpundar na siya ng mga ari-arian at nakapagpatayo rin ng sarili niyang negosyo na DLD Consulting na siya mismo ang CEO. Ngunit sa kabila ng kanyang tagumpay ay nakaramdam pa rin si Dan ng lungkot at pagkukulang sa kanyang buhay.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Sa edad na 32-anyos naghangad si Dan na magkaroon ng anak dahil ayon sa kanya ito umano ang kulang sa buhay niya. Pangarap ni Dan magkaroon ng anak ngunit dahil wala siyang partner ay naisipan niya ngang tuparin ito sa pamamagitan ng in-vitro fertilization o IVF.

Si Dan ay nagmula sa isang broken family at ang kanyang lolo at lola lamang ang nagpalaki sa kanya. Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit gusto niyang magkaanak upang may matawag siyang sariling pamilya. Noong February 2021 nga ay lumipad siya mula Abu Dhabi papuntang St. Petersburg sa Russia upang maghanap ng IVF clinic na magpoproseso ng kanyang pagkakaroon ng anak.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Nakapili siya ng isang 24-years old na babaeng Russian bilang egg donor ngunit hindi naging matagumpay ang proseso. Nagkaroon siya ng problema sa kanyang sperm cell, dahil ayon sa doktor mababa ang sperm count niya at mabagal ang paggalaw ng mga ito, dahilan kung bakit hindi umaabot sa egg cell ng babae.

Dahil dito nakaranas si Dan ng depression at nagkaroon pa ng vitiligo dahil sa stress. Labis ang kanyang naging kalungkutan ngunit hindi sumuko si Dan at sa pangalawang pagkakataon ay sumubok ulit siya.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Noong May 2021 ay sa wakas naging matagumpay na ang proseso, nagkaroon na ng heartbeat ang isa sa kambal ngunit ang isa ay hindi. Gayunpaman, masaya pa rin si Dan dahil kahit papaano daw ay may nagtagumpay, at inisip na lamang na maaring nasa plano ng Diyos na isa lang muna ang maging anak niya para sa kanyang ikabubuti.

Nito nga lang January 29, 2022 ay isinilang na ang kanyang anak na babae na pinangalanan niyang Danaya Liyah na ang ibig sabihin ay ‘Gods’ gift”. Nagmula rin ito sa paborito niyang karakter na si Danaya ng Encantadia kung saan gumanap ang paborito niyang aktres na si Sanya Lopez.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Ang pagkakaroon ng anak ni Dan sa pamamagitan ng IVF ay umabot lang naman ng siyam na milyong piso. Hindi naman alintana ni Dan ang laki ng kanyang ginastos, dahil ayon sa kanya ay mapagtatrabahuan niya pa ito at makakapag-ipon siyang muli. Mas importante sa kanya ang kasiyahan niya na sa wakas ay mayroon na siyang anak at matatawag na siyang isang ama.

Malaki naman ang pasasalamat ni Dan sa kanyang lolo at lola na sumuporta sa kanyang desisyon, pati na rin ang suportang ibinigay sa kanya ng mga malalapit na kaibigan. Hindi niya umano ito magagawa kung hindi rin sa suporta at lakas ng loob na ibingay sa kanya ng mga taong nagmamahal sa kanya.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Nangako naman si Dan na bibigyan ng sobrang pagmamahal ang kanyang anak na si Danaya Liyah at sisiguraduhing papalakihin niya ito ng mabuti. Wala ng sasaya pa sa kanyang nararamdaman bilang isang ama, hindi daw ito matutumbasan ng lahat ng pera sa mundo. Ito umano ang pinakamagandang desisyon na nagawa niya sa kanyang buhay.

Credit: Facebook / Dan On The Go

Sa paglipas ng panahon naging malawak na ang kaisipan at pagtanggap ng tao sa proseso ng IVF. Naging daan ito at nagbigay pag-asa sa mga taong gustong magkaanak. Natural na proseso man o hindi ang pinagmulan ng isang bata, pare-pareho parin silang mga anghel at biyaya mula sa Maykapal.

Leave a Reply