Ang pagtatrabaho sa ibang bansa o pagiging isang OFW ay isa sa pinakamahirap na hanapbuhay lalo na at kailangan mong malayo sa iyong pamilya. Hindi biro ang sakripisyo ng mga OFW para lang matugunan ang pangangailangan ng pamilyang naiwan sa Pilipinas. Kaya naman malaking bagay sa kanila na malamang pinapahalagahan ang bawat barya na kanilang pinapadala.
Si Rodelyn Fortes ay isang OFW na nagtatrabaho sa bansang Kuwait at nagsususmikap para lang matulungan ang kanyang pamilya. Pinili niyang malayo at magsakripisyo dahil pangarap niyang magkaroon ng maginhawang buhay ang pamilya, lalo na ang kanyang mga anak. Hindi naman nasayang ang kanyang pagod at sakripisyo dahil sinuklian ito ng kanyang pamilya na talaga namang nagpasaya sa kanyang puso.

Nasurpresa si Rodelyn matapos niyang madatnan ang kanilang tahanan na tapos na dahil buong akala niya ay uuwi siyang walang pinagbago dito. Doon na nga niya napag-alaman na ang bawat padala pala niya buwan-buwan ay iniipon ng kanyang pamilya at iyon ay ginamit upang mapagawa ang kanilang tahanan.
Ang kanyang asawang si Rogelio Fortes at ang dalawang anak mula sa Agoo, La Union ay binigyang halaga ang bawat padala niya. Magkatulong nilang inipon ang padala ni Rodelyn na umabot ng mahigit 300,000.00 pesos. Makikita sa mga larawan na balde-baldeng perang papel at barya ang lahat ng kanilang naipon at patunay lamang ito na kung gaano nila pinahalagahan ang pinaghirapan niya sa ibang bansa.

“Ang ginawa ko para makatulong ako sa asawa ko, talagang nagpursige akong mag-ipon, lahat ng kada padala ng misis ko. Imbes na bawasan ko, dinadagdagan ko pa,” saad ng kanyang asawa na si Rogelio.Maski ang mga anak ni Rodelyn ay masaya ring tumulong sa pag-iipon ng kanilang ama. Naturuan sila ng mabuti kung paaano pahalagahan ang pinaghirapan ng kanilang ina, at kung gaano ka-importante ang mag-ipon. Saad ng kanyang bunsong anak, “Masaya po ako, dahil nakapag-ipon po ako.”
Maski ang mga anak ni Rodelyn ay masaya ring tumulong sa pag-iipon ng kanilang ama. Naturuan sila ng mabuti kung paaano pahalagahan ang pinaghirapan ng kanilang ina at kung gaano ka-importante ang mag-ipon. Saad ng kanyang bunsong anak, “Masaya po ako dahil nakapag-ipon po ako.”

Hindi lubos akalain ni Rodelyn na malaki na pala ang naipon ng kanyang pamilya mula sa kanyang mga pinapadala. Maliit lang umano ang kanyang sweldo sa Kuwait at Malaysia kaya ikinagulat niya na nakapag-ipon pala ang mga ito at naipagawa pa ang kanilang tahanan.
“Hindi ko alam at nung dumating na po ako dito, buo na ang bahay sementado na. Tsaka di ko lubos maisip na ganon yung maiipon nila kasi magkano lang naman yung sahod ko doon sa Kuwait at Malaysia,” kwento ni Rodelyn.

Bukod sa napagawa ang kanilang tahanan, nakapagpundar rin ang kanyang pamilya ng motor at sidecar na gingamit ng kanyang asawa sa paghahanapbuhay. Labis ang saya at pasasalamat ni Rodelyn sa kanyang pamilya dahil hindi nila sinayang ang kanyang pinagpaguran at ginamit pa ito sa mabuti.
Payo naman ng kanyang panganay na anak, “Magtipid po tsaka yung mga hindi na kilangang bilhin, di po bibilhin.”

Marami namang netizens ang natuwa sa pamilya Fortes at binigyan sila ng papuri.
“Good job Fortes Family, you’re such an inspiration to all the families out there.”
“Napakaswerte mo mam sa iyong pamilya, marunong silang magpahalaga sa mga hirap mo sa abroad.”

“Sana lahat ng pamilya ganyan, hindi lang puro gastos.”
“Ang galing naman, best gift na makita ang mga pinaghirapan mong napunta sa tama.”
Isang magandang halimbawa ang pamilya ni Rodelyn para sa lahat ng pamilyang may kapamilyang nagtatrabaho sa ibang bansa. Matutong pahalagahan ang kanilang pagod at sakripisyo at huwag lang basta magwaldas ng pera dahil hindi habambuhay ay magtatrabaho ito para sa kanila. Isang magandang paraan din ang pag-iipon bilang pasasalamat sa mga sakripisyo nitong ginawa.