Daga, Nag-Ala ‘Money Heist’ at Itinakbo ang Inipong Pera ng Ginang

May mga pagkakataon na tayo ay nawawalan ng gamit at hindi natin maalala kung saan natin ito nailagay. Minsan naman ay sigurado tayo na doon natin inilagay ngunit nakapagtataka na wala ito sa iyong pinaglagyan. Kaya naman hindi natin maiwasan na isipin na baka tayo ay pinaglalaruan ng multo o engkanto.

Ngunit imbes na multo o engkanto ang isiping may sala, sino ang mag-aakala na daga pala ang may kasalanan? Katulad na lamang ng pangyayari sa babaeng ito matapos niyang matuklasan na ang kanyang mga nawawalang pera ay ninakaw pala ng mga daga sa kanilang tahanan.

Credit: Facebook / Sherryl Anlap Tayhopon

Ibinahagi ni Sherryl Anlap Tayhopon sa kanyang Facebook account ang nakakagulat at nakakatawang pangyayari na kanyang natuklasan sa kanilang tahanan. Ayon sa kanya, palagi niya umanong napapansin na lagi siyang nawawalan ng perang papel sa kanyang ipon na lubos niyang ipinagtataka dahil imposibleng mawala ito at may kumuha sa kanyang kapamilya.

Ang perang kanyang iniipon ay pambayad umano ng tuition ng kanyang anak. Sa una ay baka nakalimutan niya lang umano kung saan ito nalagay ngunit nang madalas na itong nangyayari ay doon na siya nagsimulang magtaka at kabahan. Naisip niya na hindi kaya ay may masamang loob na nagnanakaw ng kanyang pera o baka naman ay minumulto na siya?

Credit: Facebook / Sherryl Anlap Tayhopon

Ilang araw na umanong hindi mapakali si Sherryl sa kakaisip kung nasaan ang kanyang mga nawawalang pera. Subalit isang araw ay napansin niya ang isang daga sa kanilang bahay at naisipan niyang sundan ito. Nakita niyang pumasok ito sa isang butas sa kanilang pader bago tuluyang nawala.

Naging curious si Sherryl at minabuting ilawan ang butas na pinasukan ng daga upang makita ng malinaw kung saan ito nagpunta. Ngunit laking gulat niya na imbes na daga ang makita ay pera ang nakita niya. Hindi niya inaasahan na makakakita siya ng ilang pirasong perang papel sa likod ng kanilang pader at iyon nga naman ang kanyang mga nawawalang pera.

Credit: Facebook / Sherryl Anlap Tayhopon

Upang makuha ang mga perang nakita sa likod na pader ay giniba ni Sherryl ang ibabang bahagi nito. Nakita niya ang mga pera na mula 20 pesos hanggang 1,000 pesos na umabot ng mahigit 4,000 pesos. Ang ilan sa mga perang papel ay may kagat na ng daga at madudumi. Umaasa si Sherryl na sana ay mapalitan pa ang kanyang mga pera dahil kanya itong pinaghirapan.

Magkahalong inis at pagkaaliw ang naramdaman ni Sherryl matapos madiskubre ang nangyari. Nainis siya dahil sumakit ang kanyang ulo kakaisip kung saan napunta ang pinaghirapang pera. Hindi niya naman naiwasang matawa ng madiskubre na daga lang pala ang may sala. Buong akala niya talaga ay baka naging ulyanin na siya o kaya’y may magnanakaw o minumulto siya.

Credit: Facebook / Sherryl Anlap Tayhopon

Maski ang mga netizens ay hindi napigilang magkomento dahil sa pagkaaliw na nangyari kay Sherryl.

“Matalinong daga alam na alam ang dapat na kunin. hahaha!”

“Money heist yarn? Sa lahat ng pwedeng kunin pera talaga, napakatalino.”

“Siya na lang daw mag-iipon para sa’yo, magastos ka daw kasi Ate. Hahaha!”

“Ilagay mo na lang sa wallet yung pera mo or iipit mo sa libro, ‘wag mo lang basta ilagay sa lagayan para di na makuha ulit.”

“Bumili po kayo ng trap para sa daga para ‘di na ulit makapagnakaw yan.”

“Sayang naman yung pera, sana mapalitan pa yan.”

Credit: Facebook / Sherryl Anlap Tayhopon

Ang pangyayaring ito ay nagsilbing aral kay Sherryl na itagong mabuti ang kanyang mga pera at ilagay ito sa mas ligtas na lugar. Kung nakuha ito ng daga ay posible rin itong makuha ng ibang tao. Mahalaga ang pera lalo na at pinaghirapan mo iyong ipunin kaya dapat lang na ingatan ito at ilagay sa ligtas na lugar.

Isa rin itong paalala na mas maging malinis sa ating mga tahanan para hindi pamahayan ng mga daga o mga insekto. Kung gaano natin pinahahalagahan ang ating pera ay dapat rin nating mapahalagahan ang tahanan na ating tinitirhan dahil para rin ito sa ating ikabubuti.