Normal ang pagiging malapit ng mga bata sa sa hayop dahil nagpapakita ito ng kanilang pagiging inosente at mapagmahal. Madalas nilang kalaro ang aso o pusa dahil itinuturing nila itong kaibigan at kapamilya kaya naman lubos ang kanilang pag-aalaga at pag-aalala dito.
Trending ngayon sa Facebook ang isang video na ibinahagi ng isang page. Ito ay dahil sa isang batang lalaki na umiiyak dahil sa kanyang pusa. Makikita sa video na halos maglumpasay na ito sa iyak at tila nagwawala na nung makita niya ang kanyang pusa na tuturukan.

Ayon sa post ng Animal Kingdom, ito ay naganap sa Barangay Lawy, Capas, Tarlac noong nagsagawa sila ng Anti-Rabies Vaccination Drive. Ang vaccination o pagbabakuna sa mga hayop ay para sa kaligtasan ng parehong hayop at tao kung sakaling ang alagang hayop ay makakagat.
“This scene proved how innocent kids are, and how genuine their love for their pets can be,” mula sa caption ng Animal Kingdom.
Makikita nga sa video na grabe ang iyak ng bata nang makita nitong hawak ng ibang tao ang kanyang alagang pusa na may hawak na injection. Hindi sang-ayon ang bata na turukan ang kanyang alagang pusa dahil sa kanyang paningin ito ay sasaktan o papatayin.

Makikita rin sa video na pinipigilan siya ng kanyang ate sa pagwawala at pinapatahan sa pag-iyak. Ngunit hindi mapigilan ang bata at wala pa rin itong tigil sa pag-iyak ng malakas hanggat hindi nababalik sa kanya ang pinakamamahal na pusa. Makikita ag labis nitong pag-aalala sa alaga at takot na baka ito ay mawala.
Hindi naman mapigilan ng mga tao ang maantig at maaliw sa reaksyon ng batang lalaki. Nakakatuwa umano ang pag-aalala na ipinakita nito. Ito ang unang pagkakataon na makakita sila ng batang halos maglumpasay na dahil sa alagang pusa.
“Such a genuine love. God bless you little boy, continue to love the animals.”
“Ang cuteeee! Nakakatuwa yung reaksyon niya hahaha halatang love na love yung pet nya.”

“Grabe yung iyak akala mo kakatayin yung pusa hahaha. Sobrang bait ng bata na ito, naturuan ng mabuti ng magulang na mahalin ang pusa.”
“Sana lahat ng bata ay may pagmamahal sa pusa. Yung ibang bata kasi sinasaktan lang uung mga pusa e, binabato lagi o kaya hinahagis. Good job boy.”
“Napakaswerteng pusa at may amo siyang mabait at mapagmahal.”

Ang batang ito ay patunay na dapat nating mahalin at pahalagahan ang mga hayop. Pusa, aso o anumang lahi ng hayop dahil deserve ng mga hayop ang mabigyan sila ng pagmamahal at pag-aalaga dahil sila ay may buhay rin at likha ng Maykapal.
“If only we teach our children to be compassionate, we will be assured of a better tomorrow for the animals,” dagdag na saad ng Animal Kingdom.
Isang magandang halimbawa ang batang ito para sa lahat ng bata at sa mga magulang na turuan ang mga anak na maging mapagmahal at mabuti sa mga hayop. Hindi dapat manakit ng hayop o pagtripan sila dahil sila ay may nararamdaman at nasasaktan rin.