Sa hirap ng buhay ngayon ay maraming tao ang napipilitang gumawa ng masama at kumapit sa patalim. Bihira na lamang makatagpo ng taong may mabuting loob at tapat na puso kaya naman hinangaan ang isang lolo dahil sa kanyang ginawang pagsasauli ng isang wallet.
Si Lolo Rome Punla ay hinangaan ng maraming netizens dahil sa kanyang pagiging matapat nang isauli ang isang wallet na may lamang pera at mga ATM cards. Napulot niya umano ito sa daan at agad na tinawagan ang numero sa ID na nasa wallet upang maisauli ito sa may-ari.

Labis naman ang saya ng may-ari na si Clara Magbanua ng maibalik sa kanya ang wallet niya. Ayon sa kanya ay nahulog niya umano ito sa daan noong bumisita siya sa kanyang kamag-anak sa Puerto Prinsesa, Palawan. Nag-aalala at malungkot si Clara noong araw na mawala niya ang wallet dahil andun ang kanyang mga atm cards at company ID, bukod pa sa lamang pera.
Ikinagulat niya nang may biglang tumawag sa kanyang cellphone at nagpakilala itong napulot umano ang kanyang wallet at nais itong ibalik. Sobrang saya ni Clara kaya naman ay ibinahagi niya sa social media ang katapatan ni Lolo Rome. Nais niya itong bigyan ng pabuya dahil sa kabutihan nito ngunit tumanggi umano ang matanda na nagpamangha lalo kay Clara.

“You called gamit ang number na nakita mo sa ID ko. You even refuse the money na gusto kong ibigay bilang pasasalamat man lang sana sa pagbalik sa wallet ko. Tay, sana lahat ng tao katulad niyo. Thank you so much. You are a true hero! May God bless you always,” pahayag ni Clara.
Napag-alaman din ni Clara na ang asawa pala ni Lolo Rome ay may sakit at nasa ospital, ngunit kahit nangangailangan ito ay tumanggi pa rin ito sa pabuya na gusto niyang ibigay. Kung ang iba raw ay tatanggapin ang pabuya dahil normal lang naman ito, iba si Lolo Rome. Ayaw daw nitong tanggapin ang kanyang pasasalamat na pera dahil bukal umano sa loob nito ang pagsauli ng kanyang wallet at hindi naghahangad ng anumang kapalit.

Malaki ang pasasalamat ni Clara dahil sa mabuting kamay napunta ang kanyang wallet. Marami ring netizens ang humanga at nagbigay papuri para kay Lolo Rome dahil sa katapatan nitong ipinakita.
“Good job, Lolo! God Bless you po.“
“Dahil sa katapatan mo, siguradong gagaling ang asawa mo Lolo, hindi bulag ang Diyos at ibi-bless ka Nya for sure.”
“Thank you Lolo, sana dumami pa po ang katulad nyo!”

“Bihira na lang ang ganyang tao, tapos hindi pa tumanggap ng pabuya. Salute sa’yo, Tay!”
“Napakahirap mawalan ng wallet sa panahon ngayon, kaya nakaka-amaze talaga pag may nagsasauli at hindi nate-tempt na angkinin.”
Isang magandang halimbawa si Lolo Rome na hindi hadlang ang hirap ng buhay at matinding pangangailangan upang gumawa ng masama. Ang lahat ay dapat maging tapat sa kapwa at sa sarili dahil ang taong matapat ay siguradong pagpapalain ng Maykapal.